Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 63

Awit(A) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
    nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
    gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
    na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
    pupurihin ka ng aking mga labi.
Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
    itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.

Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
    at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
kapag naaalala kita sa aking higaan,
    ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
sapagkat naging katulong kita,
    at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
    inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.

Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
    ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
    sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
    lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
    sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.

Mga Awit 103

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit ni David.

103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
    at lahat ng nasa loob ko,
    purihin ang kanyang banal na pangalan!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
    at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
    na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
    na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
    anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.

Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
    at katarungan sa lahat ng naaapi.
Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
    ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
Hindi siya laging makikipaglaban,
    ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
    ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
    ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
    gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
    gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14 Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
    naaalala niya na tayo'y alabok.

15 Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
    siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16 ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
    at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17 Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
    para sa mga natatakot sa kanya,
    at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18 sa mga nag-iingat ng tipan niya,
    at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.

19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
    at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
    kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
    na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
    kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
    sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.

1 Mga Hari 12:21-33

21 Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang buong sambahayan ng Juda at ang lipi ni Benjamin na binubuo ng isandaan at walumpung libong piling lalaking mandirigma upang lumaban sa sambahayan ng Israel at ibalik ang kaharian kay Rehoboam na anak ni Solomon.

22 Ngunit ang salita ng Diyos ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos, na nagsasabi,

23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari sa Juda, at sa buong sambahayan ng Juda, ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na nagsasabi,

24 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong aahon o makikipaglaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel. Bumalik ang bawat isa sa kanyang bahay, sapagkat ang bagay na ito ay mula sa akin.’” Sa gayo'y kanilang dininig ang salita ng Panginoon, at sila'y umuwi, ayon sa salita ng Panginoon.

Si Jeroboam ay Naghari

25 Itinayo ni Jeroboam ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim, at nanirahan doon; at siya'y umalis roon at itinayo ang Penuel.

26 At sinabi ni Jeroboam sa kanyang sarili, “Ngayo'y maibabalik ang kaharian sa sambahayan ni David,

27 kapag ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga alay sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, ang puso ng bayang ito'y babalik sa kanilang panginoon, samakatuwid ay kay Rehoboam na hari sa Juda. Ako'y papatayin nila at babalik sila kay Rehoboam na hari ng Juda.”

28 Kaya't(A) ang hari ay humingi ng payo at gumawa ng dalawang guyang ginto. Sinabi niya sa kanila, “Kalabisan na sa inyo ang pumunta pa sa Jerusalem. Masdan mo O Israel, ang iyong mga diyos na nagdala sa inyo mula sa lupain ng Ehipto.”

29 Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa'y sa Dan.

30 Ang bagay na ito ay naging kasalanan sapagkat ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng nasa Bethel at nagtungo rin sila sa Dan.

31 Gumawa rin siya ng mga bahay sa matataas na dako, at nagtalaga ng mga pari mula sa taong-bayan na hindi kabilang sa mga anak ni Levi.

32 Si(B) Jeroboam ay nagtakda ng isang kapistahan sa ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, gaya ng kapistahan sa Juda, at siya'y naghandog sa ibabaw ng dambana. Gayon ang ginawa niya sa Bethel, na kanyang hinahandugan ang mga guya na kanyang ginawa. At kanyang inilagay sa Bethel ang mga pari ng matataas na dako na kanyang ginawa.

33 Siya'y umakyat sa dambana na kanyang ginawa sa Bethel nang ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, sa buwan na binalak ng kanyang sariling puso. Nagtakda siya ng isang kapistahan sa mga anak ni Israel at umakyat sa dambana upang magsunog ng insenso.

Mga Gawa 4:18-31

18 Kaya't sila'y ipinatawag nila at inutusan na sa anumang paraan ay huwag na silang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus.

19 Ngunit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig muna sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol,

20 sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.”

21 Pagkatapos na muling bigyan ng babala, kanilang hinayaan silang umalis na walang nakitang anumang bagay upang sila'y kanilang maparusahan dahil sa mga tao, sapagkat niluluwalhati nilang lahat ang Diyos dahil sa nangyari.

22 Sapagkat mahigit nang apatnapung taong gulang ang tao na ginawan nitong himala ng pagpapagaling.

Nanalangin Upang Magkaroon ng Katapangan

23 Pagkatapos na sila'y mapalaya, pumunta sila sa kanilang mga kasamahan at iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at ng matatanda.

24 Nang(A) ito'y kanilang marinig, sama-sama silang nagtaas ng kanilang tinig sa Diyos, at nagsabi, “O Panginoon na gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon,

25 ikaw(B) na nagsabi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David, na iyong lingkod,

‘Bakit nagalit ang mga Hentil,
    at nagbabalak ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Ang mga hari sa lupa ay naghanda upang lumaban,
    at ang mga pinuno ay nagtipon,
    laban sa Panginoon, at laban sa kanyang Cristo.’

27 Sapagkat(C) sa katotohanan, sa lunsod na ito, sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at ng bayan ng Israel, ay nagsama-sama laban sa iyong banal na Lingkod[a] na si Jesus, na iyong pinahiran,

28 upang gawin ang anumang itinakda ng iyong kamay at ng iyong pasiya na mangyayari.

29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga banta at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na masabi ang iyong salita ng may buong katapangan,

30 habang iyong iniuunat ang iyong kamay upang magpagaling at ginagawa ang mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.”

31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang dakong pinagtitipunan nila at silang lahat ay napuno ng Espiritu Santo, at kanilang ipinahayag na may katapangan ang salita ng Diyos.

Juan 10:31-42

31 Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin.

32 Sinagot sila ni Jesus, “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan at babatuhin ninyo ako?”

33 Sumagot(A) sa kanya ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabuting gawa ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan. Sapagkat ikaw, na isang tao, ay nag-aangkin na Diyos.”

34 Sinagot(B) sila ni Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong kautusan, ‘Aking sinabi, kayo'y mga diyos?’

35 Kung tinawag niyang mga diyos ang mga dinatnan ng salita ng Diyos (at hindi maaaring masira ang kasulatan),

36 sinasabi ba ninyo tungkol sa kanya na hinirang ng Ama at sinugo sa sanlibutan, ‘Ikaw ay lumalapastangan,’ sapagkat sinasabi ko, ‘Ako ay Anak ng Diyos?’

37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag kayong sumampalataya sa akin.

38 Subalit kung ginagawa ko, kahit hindi kayo sumampalataya sa akin, ay sumampalataya kayo sa mga gawa; upang inyong malaman at maunawaan na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama.”

39 Muli nilang pinagsikapang siya'y hulihin, subalit siya'y tumakas sa kanilang mga kamay.

40 Siya'y(C) muling pumunta sa kabila ng Jordan, sa pook na noong una'y pinagbautismuhan ni Juan, at siya'y nanatili doon.

41 Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi, “Si Juan ay hindi gumawa ng tanda, ngunit lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.”

42 At marami ang sumampalataya sa kanya roon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001