Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
40 Matiyaga akong naghintay sa Panginoon;
kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing.
2 Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak,
mula sa putikang lusak,
at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato,
at pinatatag ang aking mga hakbang.
3 Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig,
isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.
Marami ang makakakita at matatakot,
at magtitiwala sa Panginoon.
4 Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang Panginoon,
na hindi bumabaling sa mga mapagmataas,
pati sa mga naligaw sa kamalian.
5 Pinarami mo, O Panginoon kong Diyos,
ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin;
walang maaaring sa iyo'y ihambing!
Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay,
ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang.
6 Hain(A) at handog ay hindi mo ibig,
ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig.
Handog na sinusunog at handog pangkasalanan
ay hindi mo kinailangan.
7 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Narito, ako'y dumarating;
sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin;
8 kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko;
ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.”
9 Ako'y nagpahayag ng masayang balita ng kaligtasan
sa dakilang kapulungan;
narito, ang aking mga labi ay hindi ko pipigilan,
O Panginoon, iyong nalalaman.
10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso;
ibinalita ko ang iyong katapatan at ang pagliligtas mo;
hindi ko inilihim ang iyong tapat na pag-ibig at ang iyong katapatan
sa dakilang kapulungan.
11 Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon,
ang iyong kahabagan,
lagi nawa akong ingatan
ng iyong tapat na pag-ibig at ng iyong katapatan!
12 Sapagkat pinaligiran ako ng kasamaang di mabilang,
inabutan ako ng aking mga kasamaan,
hanggang sa ako'y hindi makakita;
sila'y higit pa kaysa mga buhok ng aking ulo,
nanghihina ang aking puso.
13 Kalugdan[a] mo nawa, O Panginoon, na ako'y iligtas mo!
O Panginoon, ikaw ay magmadaling tulungan ako!
14 Sila nawa'y mapahiya at hamaking sama-sama
silang nagsisikap na agawin ang aking buhay;
sila nawa'y mapaurong at madala sa kahihiyan,
silang nagnanais ng aking kapahamakan.
15 Matakot nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan
na nagsasabi sa akin, “Aha! Aha!”
16 Ngunit magalak at matuwa nawa sa iyo
ang lahat ng sa iyo'y nagsisihanap;
yaong umiibig sa iyong pagliligtas
ay patuloy nawang magsabi, “Dakilain ang Panginoon!”
17 Dahil sa ako'y nahihirapan at nangangailangan,
alalahanin nawa ako ng Panginoon.
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
huwag kang magtagal, O aking Diyos.
Sa(A) Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David, nang ang mga Zifeo ay tumungo at sabihin kay Saul, “Si David ay nagtatago sa gitna namin.”
54 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan,
at pawalang-sala mo ako sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan.
2 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
pakinggan mo ang mga salita ng bibig ko.
3 Sapagkat ang mga banyaga ay naghimagsik laban sa akin,
at mararahas na tao ang umuusig sa buhay ko;
hindi nila inilagay ang Diyos sa harapan nila. (Selah)
4 Ang Diyos ay aking katulong;
ang Panginoon ang umaalalay sa aking kaluluwa.
5 Kanyang gagantihan ng masama ang mga kaaway ko;
tapusin mo sila sa katapatan mo.
6 Ako'y mag-aalay sa iyo ng kusang-loob na handog;
ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, O Panginoon, sapagkat ito'y mabuti.
7 Sapagkat iniligtas niya ako sa bawat kabagabagan;
at ang aking mata ay tuminging may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, nang si Natan na propeta ay dumating sa kanya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Batseba.
51 Maawa(A) ka sa akin, O Diyos,
ayon sa iyong tapat na pag-ibig;
ayon sa iyong saganang kaawaan
ay pawiin mo ang aking mga paglabag.
2 Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
at linisin mo ako sa aking kasalanan.
3 Sapagkat aking nalalaman ang mga pagsuway ko,
at ang aking kasalanan ay laging nasa harapan ko.
4 Laban(B) sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin,
upang ikaw ay maging ganap sa iyong pagsasalita
at walang dungis sa iyong paghatol.
5 Narito, ako'y ipinanganak sa kasamaan;
at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan.
6 Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa panloob na pagkatao,
at sa tagong bahagi ay iyong ipapakilala sa akin ang karunungan.
7 Linisin mo ako ng isopo, at ako'y magiging malinis;
hugasan mo ako at ako'y magiging higit na maputi kaysa niyebe.
8 Gawin mong marinig ko ang kagalakan at kasayahan;
hayaan mong ang mga buto na iyong binali ay magalak.
9 Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
at pawiin mo ang lahat kong mga kasamaan.
10 Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos;
at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Sa iyong harapan ay huwag mo akong paalisin,
at ang iyong banal na Espiritu sa akin ay huwag mong bawiin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas,
at alalayan ako na may espiritung nagnanais.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga sumusuway ang mga lakad mo;
at ang mga makasalanan ay manunumbalik sa iyo.
14 Iligtas mo ako, O Diyos, mula sa salang pagdanak ng dugo,
ikaw na Diyos ng aking kaligtasan;
at ang aking dila ay aawit nang malakas tungkol sa iyong katuwiran.
15 O Panginoon, buksan mo ang mga labi ko,
at ang aking bibig ay magpapahayag ng papuri sa iyo.
16 Sapagkat sa alay ay hindi ka nalulugod; kung hindi ay bibigyan kita,
hindi ka nalulugod sa handog na sinusunog.
17 Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa,
isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.
18 Gawan mo ng mabuti ang Zion sa iyong mabuting kaluguran,
itayo mo ang mga pader ng Jerusalem,
19 kung gayo'y malulugod ka sa matutuwid na alay,
sa mga handog na sinusunog at sa buong handog na sinusunog;
kung gayo'y ihahandog ang mga toro sa iyong dambana.
Ang Paligsahan sa Bundok ng Carmel
20 Kaya't nagsugo si Ahab sa lahat ng mga anak ni Israel, at tinipon ang mga propeta sa bundok Carmel.
21 Si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, “Hanggang kailan kayo magpapatalun-talon sa dalawang magkaibang kuru-kuro? Kung ang Panginoon ay Diyos, sumunod kayo sa kanya, ngunit kung si Baal, sa kanya kayo sumunod.” At ang bayan ay hindi sumagot sa kanya kahit isang salita.
22 Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, “Ako at ako lamang ang naiwang propeta ng Panginoon; ngunit ang mga propeta ni Baal ay apatnaraan at limampung lalaki.
23 Bigyan ninyo kami ng dalawang baka; pumili sila para sa kanila ng isang baka, katayin, ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim. Ihahanda ko naman ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko ito lalagyan ng apoy.
24 Tawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, at tatawagin ko ang pangalan ng Panginoon. Ang Diyos na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang Diyos.” At ang buong bayan ay sumagot, “Mabuti ang pagkasabi.”
25 Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Pumili kayo ng isang baka para sa inyo, at una ninyong ihanda sapagkat kayo'y marami. Tawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, ngunit huwag ninyong lagyan ng apoy.”
26 Kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, kanilang inihanda, at tumawag sa pangalan ni Baal mula umaga hanggang tanghaling tapat, na nagsasabi, “O Baal, dinggin[a] mo kami.” Ngunit walang tinig at walang sumasagot. At sila'y lumukso sa palibot ng kanilang ginawang dambana.
27 Nang tanghaling tapat na, nilibak sila ni Elias, na sinasabi, “Sumigaw kayo nang malakas, sapagkat siya'y isang diyos; baka siya'y nagmumuni-muni, o nananabi, o nasa paglalakbay, o baka siya'y natutulog at kailangang gisingin.”
28 At sila'y nagsisigaw nang malakas, at sila'y naghiwa sa kanilang sarili ng tabak at mga patalim ayon sa kanilang kaugalian hanggang sa bumulwak ang dugo sa kanila.
29 Nang makaraan ang tanghaling tapat, sila'y nagngangawa hanggang sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, ngunit wala kahit tinig, walang sumasagot, walang nakikinig.
30 Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At ang buong bayan ay lumapit sa kanya. Kanyang inayos ang bumagsak na dambana ng Panginoon.
31 Kumuha(A) si Elias ng labindalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kanya ay dumating ang salita ng Panginoon na sinasabi, “Israel ang magiging pangalan mo.”
32 Sa pamamagitan ng mga bato ay nagtayo siya ng dambana sa pangalan ng Panginoon; at kanyang nilagyan ng hukay ang palibot ng dambana na ang lalim ay masisidlan ng dalawang takal na binhi.
33 Kanyang iniayos ang kahoy, kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy. At kanyang sinabi, “Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na sinusunog at sa kahoy.”
34 Kanyang sinabi, “Gawin ninyo ng ikalawang ulit,” at kanilang ginawa ng ikalawang ulit. At kanyang sinabi, “Gawin ninyo ng ikatlong ulit;” at kanilang ginawa ng ikatlong ulit.
35 Ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana at napuno ng tubig ang hukay.
36 Sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, si Elias na propeta ay lumapit, at nagsabi, “O Panginoon, Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel. Ipakilala mo sa araw na ito, na ikaw ay Diyos sa Israel, at ako ay iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat ng bagay na ito sa iyong pag-uutos.
37 Sagutin mo ako, O Panginoon. Sagutin mo ako, upang malaman ng bayang ito na ikaw Panginoon ay Diyos, at iyong pinanunumbalik ang kanilang mga puso.”
38 Nang magkagayo'y ang apoy ng Panginoon ay bumagsak at tinupok ang handog na sinusunog, ang kahoy, mga bato, alabok, at dinilaan ang tubig na nasa hukay.
39 Nang makita iyon ng buong bayan, sila'y nagpatirapa at kanilang sinabi, “Ang Panginoon ang siyang Diyos; ang Panginoon ang siyang Diyos.”
40 At sinabi ni Elias sa kanila, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag hayaang makatakas ang sinuman sa kanila.” At kanilang dinakip sila; sila'y ibinaba ni Elias sa batis ng Kison at pinatay roon.
Paghiwalay sa Nakaraan
3 Kahuli-hulihan, mga kapatid ko, magalak kayo sa Panginoon. Ang sumulat sa inyo ng gayunding mga bagay ay hindi kalabisan sa akin kundi para sa inyong ikaliligtas.
2 Mag-ingat kayo sa mga aso, mag-ingat kayo sa masasamang manggagawa, mag-ingat kayo sa mga hindi totoong pagtutuli.[a]
3 Sapagkat tayo ang pagtutuli, na sumasamba sa Diyos sa espiritu at nagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anumang pagtitiwala sa laman—
4 bagama't ako'y may dahilang magtiwala rin sa laman. Kung ang iba ay may dahilang magtiwala sa laman, ay lalo na ako:
5 tinuli(A) nang ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin, isang Hebreo na isinilang ng Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo,
6 tungkol(B) sa sigasig, ay taga-usig ng iglesya; ayon sa katuwirang nasa kautusan ay walang kapintasan.
7 Gayunman ang mga bagay na sa akin ay naging pakinabang, ay inari kong kalugihan, alang-alang kay Cristo.
8 Higit pa roon, ang lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa higit na kahalagahan na makilala si Cristo Jesus na Panginoon ko. Alang-alang sa kanya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong basura lamang, upang makamit ko si Cristo,
9 at ako'y matagpuan sa kanya, na walang sarili kong katuwiran na mula sa kautusan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang buhat sa Diyos na batay sa pananampalataya;
10 upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay at ang pakikisama sa kanyang mga kahirapan, na ako'y matulad sa kanya sa kanyang kamatayan,
11 upang aking makamit sa anumang paraan ang muling pagkabuhay mula sa mga patay.
Pagpapatuloy sa Mithiin
12 Hindi sa ito'y aking nakamit na, o ako'y sakdal na; kundi nagpapatuloy ako upang iyon ay aking maabot, kung paanong ako ay inabot din ni Cristo Jesus.
13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring naabot ko na, ngunit isang bagay ang ginagawa ko, nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,
14 nagpapatuloy ako tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus.
15 Kaya nga, tayong nasa hustong gulang ay magkaroon ng parehong kaisipan; at kung iba ang inyong iniisip tungkol sa anumang bagay, ito rin ay ipahahayag sa inyo ng Diyos.
16 Lamang, panghawakan natin ang ating naabot na.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
3 Nang mga araw na iyon ay dumating si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi,
2 “Magsisi(B) kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
3 Sapagkat(C) siya ang tinutukoy sa pamamagitan ni propeta Isaias, nang kanyang sabihin,
“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.’”
4 Si(D) Juan ay nagsusuot ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at ng isang pamigkis na balat sa kanyang baywang. Ang kanyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan.
5 Pumunta sa kanya ang mga mamamayan ng Jerusalem, ang buong Judea, at ang buong lupain sa paligid ng Jordan.
6 At sila'y kanyang binautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan.
7 Ngunit(E) nang makita niyang marami sa mga Fariseo at Saduceo ang nagdatingan upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyo upang makatakas sa poot na darating?
8 Mamunga kayo nang nararapat sa pagsisisi.
9 At(F) huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama’; sapagkat sinasabi ko sa inyo, na kaya ng Diyos na gumawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito.
10 Ngayon(G) pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Ang bawat punungkahoy na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy.
11 “Binabautismuhan ko nga kayo sa tubig para sa pagsisisi ngunit ang dumarating na kasunod ko ay mas makapangyarihan kaysa akin. Hindi ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. Kanyang babautismuhan kayo sa Espiritu Santo at sa apoy.
12 Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay at lilinisin niya ang kanyang giikan. Titipunin niya ang kanyang trigo sa kamalig, subalit ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mapapatay.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001