Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:49-72

ZAIN.

49 Alalahanin mo ang iyong salita sa lingkod mo,
    na doo'y pinaasa mo ako.
50 Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian,
    na ang iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay.
51 Ganap akong pinagtatawanan ng mapagmataas na tao,
    gayunma'y hindi ako humihiwalay sa kautusan mo.
52 Aking inalaala ang mga batas mo nang una,
    O Panginoon, at ako'y naaaliw.
53 Maalab na galit ang humawak sa akin,
    dahil sa masasama na tumalikod sa iyong kautusan.
54 Ang iyong mga tuntunin ay naging aking mga awit
    sa bahay ng aking paglalakbay.
55 O Panginoon, aking naalala sa gabi ang iyong pangalan,
    at sinunod ko ang iyong kautusan.
56 Ito ang tinamo ko,
    sapagkat aking iningatan ang mga tuntunin mo.

CHETH.

57 Ang Panginoon ay aking bahagi;
    aking ipinangangako na tutuparin ang iyong mga salita.
58 Aking hinihiling ang iyong biyaya nang buong puso ko;
    mahabag ka sa akin ayon sa iyong pangako.
59 Inisip ko ang mga lakad ko,
    at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
60 Ako'y nagmamadali at hindi naaantala
    na sundin ang iyong mga utos.
61 Pinuluputan ako ng mga panali ng masama;
    hindi ko nalimutan ang iyong kautusan.
62 Sa hatinggabi ay babangon ako upang ikaw ay purihin,
    dahil sa iyong mga matuwid na tuntunin.
63 Ako'y kasama ng lahat na natatakot sa iyo,
    at ng mga tumutupad ng mga tuntunin mo.
64 O Panginoon, ang lupa ay punô ng tapat na pag-ibig mo,
    ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!

TETH.

65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod,
    O Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman;
    sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako;
    ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.
69 Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin,
    ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo;
    ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo.
71 Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako;
    upang aking matutunan ang mga tuntunin mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin
    kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak.

Mga Awit 49

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

49 Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
    Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
maging mababa at mataas,
    mayaman at dukha na magkakasama!
Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
    ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
    ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.

Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
    kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
    at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
    ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
    at dapat siyang huminto magpakailanman,
na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
    na siya'y huwag makakita ng kabulukan.

10 Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
    ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
    at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11 Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
    kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
    tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12 Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
    siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.

13 Ito ang daan noong mga hangal,
    at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah)

14 Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga,
    ang kamatayan ay magiging pastol nila,
at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw,
    at ang kanilang anyo ay maaagnas;
    ang Sheol ang kanilang magiging tahanan.
15 Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol,
    sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah)

16 Huwag kang matakot kapag may yumaman,
    kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago.
17 Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala,
    ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya.
18 Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili,
    at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili,
19 siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang;
    na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman.
20 Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa,
    ay gaya ng mga hayop na namamatay.

Mga Awit 53

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath. Isang Maskil ni David.

53 “Walang(A) Diyos,” sinasabi ng pusong hangal.
Sila'y masasama at gumagawa ng kasamaang karumaldumal,
    wala isa mang gumagawa ng mabuti.

Ang Diyos ay tumutunghay mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
    upang tingnan kung may sinumang matalino,
    na naghahanap sa Diyos.

Silang lahat ay tumalikod; sila'y pawang masasama,
    walang sinumang gumagawa ng mabuti,
    wala, wala kahit isa.

Wala bang kaalaman ang mga gumagawa ng kasamaan?
    Sila na kumakain ng aking bayan na tila sila'y kumakain ng tinapay,
    at hindi tumatawag sa Diyos?

Doon sila'y nasa matinding takot,
    na kung saan ay walang dapat ikatakot.
Sapagkat ikinalat ng Diyos ang mga buto nilang kumukubkob laban sa iyo,
sila'y inilagay mo sa kahihiyan, sapagkat itinakuwil sila ng Diyos.

O, nawa'y ang pagliligtas para sa Israel ay dumating mula sa Zion!
    Kapag ibinalik ng Diyos ang kapalaran ng kanyang bayan,
    magagalak ang Jacob at matutuwa ang Israel.

1 Mga Hari 17

Ipinahayag ni Elias na Magkakaroon ng Tagtuyot

17 Si(A) Elias na Tisbita, na nakikipamayan sa Gilead, ay nagsabi kay Ahab, “Habang nabubuhay ang Panginoon, ang Diyos ng Israel! Ako'y nakatayo sa harap niya, hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taong ito, maliban sa pamamagitan ng aking salita.”

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, na sinasabi,

“Umalis ka rito, lumiko ka patungong silangan, at magkubli ka sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.

Ikaw ay iinom sa batis, at aking iniutos sa mga uwak na pakainin ka roon.”

Kaya't pumunta siya roon at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon, siya'y pumaroon at nanirahan sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.

Dinalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga, at tinapay at karne sa hapon, at siya'y uminom sa batis.

Pagkaraan ng ilang panahon, ang batis ay natuyo sapagkat walang ulan sa lupain.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya,

“Bumangon(B) ka. Pumaroon ka sa Zarefta na sakop ng Sidon, at manirahan ka roon. Aking inutusan ang isang balong babae roon na pakainin ka.”

10 Kaya't bumangon siya at pumunta sa Zarefta. Nang siya'y dumating sa pintuan ng lunsod, naroon ang isang babaing balo na namumulot ng mga patpat. Kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng kaunting tubig sa isang sisidlan upang ako'y makainom.”

11 Nang siya'y pumunta na upang kumuha, kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng isang pirasong tinapay.”

12 At sinabi niya, “Kung paanong ang Panginoon mong Diyos ay buháy, ako'y walang nalutong anuman, tanging isang dakot na harina sa tapayan, at kaunting langis sa banga. At ngayon, ako'y namumulot ng ilang patpat upang ako'y makauwi at ihanda iyon para sa akin at sa aking anak, upang aming makain iyon, bago kami mamatay.”

13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang matakot. Humayo ka, at gawin mo ang iyong sinabi, ngunit igawa mo muna ako ng munting tinapay. Pagkatapos ay dalhin mo rito sa akin, at saka ka gumawa para sa iyo at sa iyong anak.

14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang tapayan ng harina ay hindi magkukulang, o ang banga ng langis man ay mauubusan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.’”

15 Siya'y humayo, at ginawa ang ayon sa sinabi ni Elias. At ang babae, siya at ang sambahayan ng babae ay kumain nang maraming araw.

16 Ang tapayan ng harina ay hindi nagkulang, o ang banga ng langis man ay naubusan, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Elias.

Binuhay ni Elias ang Anak ng Balo

17 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang anak na lalaki ng babae, na may-ari ng bahay ay nagkasakit. Ang kanyang sakit ay napakalubha kaya't walang naiwang hininga.

18 At sinabi niya kay Elias, “Anong mayroon ka laban sa akin, O ikaw na tao ng Diyos? Naparito ka sa akin upang ipaalala mo ang aking kasalanan, at upang patayin ang aking anak!”

19 Sinabi ni Elias sa kanya, “Ibigay mo sa akin ang iyong anak.” At kinuha niya sa kanyang kandungan, at dinala niya sa silid sa itaas na kanyang tinutuluyan, at inihiga sa kanyang sariling higaan.

20 At siya'y nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, dinalhan mo rin ba ng kapahamakan ang balo na aking tinutuluyan sa pamamagitan ng pagpatay sa kanyang anak?”

21 Siya'y(C) umunat sa bata ng tatlong ulit, at nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, idinadalangin ko sa iyo, pabalikin mo sa batang ito ang kanyang buhay.”

22 Dininig ng Panginoon ang tinig ni Elias; at ang buhay ng bata ay bumalik sa kanya, at siya'y muling nagkamalay.

23 Kinuha ni Elias ang bata, ibinaba sa loob ng bahay mula sa silid sa itaas, at ibinigay siya sa kanyang ina; at sinabi ni Elias, “Tingnan mo, buháy ang iyong anak.”

24 At sinabi ng babae kay Elias, “Ngayo'y alam ko na ikaw ay isang tao ng Diyos, at ang salita ng Panginoon sa iyong bibig ay katotohanan.”

Filipos 2:1-11

Tularan ang Pagpapakumbaba ni Cristo

Kaya nga kung mayroong anumang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anumang kaaliwan ng pag-ibig, kung mayroong anumang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anumang pagkagiliw at habag,

ay lubusin ninyo ang aking tuwa sa pagkakaroon ng gayunding pag-iisip, magtaglay ng gayunding pag-ibig, na magkaisa ng diwa, at may isa lamang pag-iisip.

Huwag ninyong gawin ang anuman sa pagpapaligsahan o pagmamataas, kundi sa kababaan, ituring na ang iba ay higit na mabuti kaysa inyong sarili.

Huwag tingnan ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling kapakanan, kundi ang kapakanan ng iba.

Magkaroon kayo sa inyo ng ganitong pag-iisip na na kay Cristo Jesus din naman,

na siya, bagama't nasa anyo ng Diyos,
    ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan
    ang pagiging kapantay ng Diyos,
kundi hinubaran niya ang kanyang sarili
    at kinuha ang anyong alipin
    na naging katulad ng tao.
At palibhasa'y natagpuan sa anyo ng tao,
    siya'y nagpakababa sa kanyang sarili,
    at naging masunurin hanggang sa kamatayan,
    maging sa kamatayan man sa krus.
Kaya siya naman ay itinaas ng Diyos,
    at siya'y binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan;
10 upang(A) sa pangalan ni Jesus
    ay lumuhod ang bawat tuhod,
    sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa,
11 at ipahayag ng bawat dila
    na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Mateo 2:1-12

Dumalaw ang mga Pantas

Nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa kapanahunan ng haring si Herodes, may mga Pantas[a] na lalaki mula sa silangan na dumating sa Jerusalem,

na nagtatanong, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Sapagkat nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang siya'y sambahin.”

Nang marinig ito ni Haring Herodes, siya ay nabahala, pati ang buong Jerusalem.

Nang matipon niyang lahat ang mga punong pari at mga eskriba ng bayan, nagtanong siya sa mga ito kung saan isisilang ang Cristo.

Sinabi nila sa kanya, “Sa Bethlehem ng Judea, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:

‘At(A) ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
    sa anumang paraan ay hindi ka pinakamaliit sa mga pangunahing bayan ng Juda;
sapagkat sa iyo manggagaling ang isang pinuno,
    na magiging pastol ng aking bayang Israel.’”

Pagkatapos, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at inalam sa kanila kung kailan lumitaw ang bituin.

Kanyang pinapunta sila sa Bethlehem at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at hanapin ninyong mabuti ang sanggol; kapag siya ay inyong natagpuan na, ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako rin ay makaparoon at siya ay aking sambahin.”

Pagkatapos nilang makinig sa hari ay lumakad na sila; at naroon, ang bituin na kanilang nakita sa silangan ay nanguna sa kanila hanggang sa tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.

10 Labis silang nagalak nang makita nila ang bituin.

11 Pagpasok nila sa bahay ay nakita nila ang sanggol na kasama ng kanyang inang si Maria. Nagpatirapa sila at sumamba sa kanya. Nang buksan nila ang kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kanya ang mga kaloob na ginto, kamanyang at mira.

12 Palibhasa'y binalaan sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes, nag-iba sila ng daan pauwi sa kanilang lupain.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001