Book of Common Prayer
Pagpapaliban ng Pagdalaw ni Pablo
12 Sapagkat ito ang aming maipagmamalaki: nagpapatotoo ang aming budhi na ang pamumuhay namin sa sanlibutan, at lalo na sa inyo ay may kalinisan at katapatang mula sa Diyos, hindi ayon sa makamundong karunungan, kundi sa biyaya ng Diyos. 13 Sapagkat ang isinusulat namin ay ang kaya lamang ninyong basahin at unawain. Umaasa ako na lubos ninyo itong mauunawaan, 14 kung paanong naunawaan ninyo kami nang bahagya, na kami ay maipagmamalaki ninyo gaya ninyo na aming maipagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.
15 Dahil sa pagtitiwalang ito, binalak kong dalawin muna kayo, upang kayo'y magkaroon ng higit pang pagpapala. 16 Ninais kong dalawin kayo noong ako'y (A) papuntang Macedonia, at mula roon ay bumalik sa inyo, at sa ganoon ay maihatid ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea. 17 Nagdalawang-isip ba ako nang binalak kong gawin ito? Katulad ba ako ng makamundong tao kung magplano, na pinagsasabay ang “Oo at Hindi?” 18 Dahil tapat ang Diyos, ang aming salita sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.” 19 Sapagkat (B) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral sa inyo sa pamamagitan ko at nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ang “Oo” ay “Oo.” 20 Sapagkat gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, lahat ng mga ito kay Cristo ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay nasasabi namin ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 At ang nagpapatatag sa amin at sa inyo kay Cristo ay ang Diyos. Hinirang niya kami, 22 tinatakan at ibinigay ang Espiritu sa aming mga puso bilang katibayan.
Ang Nawalang Tupa(A)
15 Lumalapit noon kay Jesus ang lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan upang makinig sa kanya. 2 Nagbulungan ang mga Fariseo at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at nakikisalo siya sa kanila.” 3 Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito: 4 “Sino sa inyo na may isandaang tupa at mawala ang isa, ang hindi mag-iiwan sa siyamnapu't siyam sa ilang at maghahanap sa nawala hanggang ito'y matagpuan? 5 Kapag natagpuan na niya ito ay nagagalak niya itong papasanin, 6 at pagdating sa bahay ay aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking nawalang tupa.’ 7 Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng higit pang kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisi kaysa siyamnapu't siyam na matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.”
Ang Nawalang Pilak
8 “O sino kayang babaing may sampung pirasong salaping pilak, kung mawawalan ng isang piraso ay hindi magsisindi ng ilawan at magwawalis ng bahay at matiyagang maghahanap hanggang sa matagpuan iyon? 9 At kapag natagpuan na niya ito ay tatawagin ang mga kaibigan at kapitbahay at magsasabing, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking salaping pilak na nawawala.’ 10 Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng kagalakan ang mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.