Book of Common Prayer
Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala
13 Kaya nga huwag na tayong humatol sa isa't isa. Sa halip, pagpasyahan natin ito, na huwag tayong maglagay ng hadlang sa daan ng ating kapatid o maging sanhi ng pagkakasala ninuman. 14 Sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, alam ko at lubos akong naniniwala na walang bagay na likas na marumi. Ngunit kung itinuturing ninuman na marumi ang isang bagay, para sa kanya, ito ay nagiging marumi. 15 Kaya kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na namumuhay ayon sa pag-ibig. Namatay rin si Cristo para sa kanya, huwag mo siyang ipahamak dahil sa iyong pagkain. 16 Huwag mong hayaan na ang itinuturing mong mabuti ay masabing masama. 17 Sapagkat walang kinalaman ang pagkain at pag-inom sa paghahari ng Diyos, kundi ang pagiging matuwid, ang mapayapang pamumuhay at kagalakang dulot ng Banal na Espiritu. 18 Sapagkat sinumang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay kalugud-lugod sa Diyos at kaaya-aya sa mga tao. 19 Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makapagdudulot ng kapayapaan at makapagpapatibay sa isa't isa. 20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Totoong malinis ang lahat ng bagay, ngunit mali ang kumain ng isang bagay na makatitisod sa iba. 21 Mabuti pang huwag ka nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na makatitisod sa iyong kapatid. 22 Anuman ang paniniwalaan mo, hayaan mong ikaw na lamang at ang Diyos ang makaalam. Maligaya ang taong hindi sinusumbatan ang kanyang sarili dahil sa mga bagay na itinuturing niyang tama. 23 Ngunit ang may pag-aalinlangan ay hinahatulan kung siya'y kumakain, sapagkat ginagawa niya ito nang hindi batay sa paniniwala. Ang anumang hindi batay sa paniniwala ay kasalanan.
Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humipo sa Damit ni Jesus(A)
40 Pagbalik ni Jesus, tinanggap siya ng mga tao sapagkat lahat sila ay naghihintay sa kanya. 41 Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo. Siya ay pinuno ng sinagoga. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nakiusap sa kanyang pumunta sa kanyang bahay 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babaing labindalawang taong gulang ay naghihingalo.
Habang paalis na si Jesus, nagigitgit siya ng mga tao. 43 Isang babae roon ang labindalawang taon nang dinudugo. Nagugol na niya ang lahat ng kanyang kabuhayan sa manggagamot.[a] Hindi na siya kayang pagalingin ninuman. 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng damit nito. Agad tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Sinabi ni Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umaamin ay sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinisiksik ka ng mga tao at napapalibutan.” 46 Ngunit sinabi pa rin ni Jesus, “May humipo sa akin sapagkat alam kong may lumabas na kapangyarihan sa akin.” 47 Nang makita ng babae na hindi lingid ang kanyang ginawa, nanginginig itong lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Sinabi niya sa harap ng mga taong naroroon kung bakit niya hinawakan si Jesus at kung paanong gumaling siya agad. 48 Kaya sinabi ni Jesus sa babae, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang panatag ang kalooban.” 49 Nagsasalita pa siya nang dumating ang isang mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga at nagsabing, “Patay na ang iyong anak! Huwag mo nang gambalain ang Guro.” 50 Ngunit pagkarinig dito ni Jesus ay sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang mangamba! Sumampalataya ka lang at siya ay gagaling.” 51 Pagkarating niya sa bahay ay hindi niya pinayagan ang sinumang makapasok na kasama niya maliban kina Pedro, Juan at Santiago at ang ama at ina ng bata. 52 Nag-iiyakan ang lahat at nananaghoy. Ngunit sinabi niya, “Huwag kayong umiyak sapagkat hindi siya patay kundi natutulog lang.” 53 Siya'y kanilang pinagtawanan sapagkat alam nilang patay na ang bata. 54 Nang hawakan niya ang kamay nito ay tumawag at nagsabi, “Ineng, bumangon ka!” 55 At bumalik ang espiritu ng bata at bumangon ito agad. Kaya nag-utos si Jesus na pakainin ito. 56 Namangha ang kanyang mga magulang subalit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.