Book of Common Prayer
Ang Nagpasimula ng Kaligtasan
5 Sapagkat hindi sa mga anghel ipinasakop ng Diyos ang sanlibutang darating, na siyang tinutukoy namin. 6 Ngunit (A) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,
“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
O ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?
7 Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[a]
8 Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa kanyang mga paanan.”
Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay, 9 kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.
10 Sapagkat nararapat na ang Diyos na lumikha sa lahat at siyang patutunguhan ng lahat ng mga bagay ay nagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, at gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa. 11 Sapagkat iisa ang pinagmulan ng gumagawang banal at ng mga ginawang banal. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus na tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(B) niya,
“Ipahahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
aawitan kita ng mga himno sa gitna ng kapulungan.”
13 At (C) muli,
“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”
Sinabi din niya,
“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”
14 Kaya, yamang nakikibahagi ang mga anak sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo, 15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan ay nasa ilalim ng pagkaalipin sa buong buhay nila. 16 Sapagkat (D) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang mga nagmula sa binhi ni Abraham. 17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na Kataas-taasang Pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao. 18 Palibhasa'y naranasan niyang tuksuhin, siya'y may kakayahang tumulong sa mga tinutukso.
Sinugo ni Jesus ang mga Alagad(A)
16 Samantala, (B) ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na ipinagbilin sa kanila ni Jesus. 17 At nang siya'y kanilang makita, sila'y sumamba sa kanya. Ngunit ang iba ay nag-alinlangan. 18 Paglapit ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Naibigay na sa akin ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa. 19 Kaya't (C) sa inyong paghayo ay gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu, 20 at tinuturuan silang gumanap sa lahat ng mga bagay na ipinagbilin ko sa inyo. At tandaan ninyo, ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon.”[a][b]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.