Book of Common Prayer
Pagbati
1 Mula (A) kay Santiago, lingkod[a] ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo: Binabati ko ang labindalawang liping nagsikalat sa iba't ibang bansa.
Pananampalataya at Karunungan
2 Ituring ninyong tunay na kagalakan, mga kapatid, kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang pagsubok, 3 sapagkat alam ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng katatagan. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y dumating sa hustong gulang, ganap at walang kakulangan. 5 At kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat. 6 Ngunit ang humihingi ay dapat magtiwala at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na hinihipan ng hangin at itinataboy kahit saan. 7 Huwag isipin ng taong iyon na tatanggap siya ng anuman galing sa Panginoon. 8 Ang taong iyon ay nagdadalawang-isip, di-tiyak sa lahat ng kanyang dinaraanan.
Kahirapan at Kayamanan
9 Dapat magalak ang dukhang kapatid na siya'y itinataas ng Diyos, 10 gayundin (B) ang mayamang kapatid na ibinababa, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak sa parang. 11 Sumisikat ang araw na may matinding init at tinutuyo ang damo; nalalagas ang bulaklak nito at ang ganda nito'y kumukupas. Gayundin naman, ang mayaman ay lilipas sa gitna ng kanyang pagpapayaman.
Tukso at Pagsubok
12 Pinagpala ang taong nananatiling matatag sa gitna ng pagsubok; sapagkat kung siya'y magtagumpay, tatanggapin niya ang korona ng buhay na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya. 13 Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag dumaranas siya ng pagsubok. Hindi maaaring matukso ng masama ang Diyos, at hindi rin naman siya nanunukso ninuman. 14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa sarili niyang pagnanasa. 15 Kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, nanganganak ito ng kasalanan, at ang kasalanan naman kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
18 Minsan, nang si Jesus ay mag-isang nananalangin, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya ang mga ito, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ako?” 19 Sumagot sila, “Si Juan na Tagapagbautismo! Ngunit ayon sa iba ay si Elias. Ayon naman sa iba ay isang propeta noong unang panahon na nabuhay muli.” 20 At sinabi niya sa kanila, “Kayo naman, ano sa palagay ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo na hinirang ng Diyos!”
Ang tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(B)
21 Mahigpit na nagbilin sa kanila si Jesus na huwag itong sabihin kaninuman. 22 Sinabi niya, “Kailangang magtiis ng maraming hirap ang Anak ng Tao. Itatakwil siya ng mga matatandang pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Papatayin siya ngunit muling bubuhayin sa ikatlong araw.” 23 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Kung nais ninuman na sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus at sumunod sa akin. 24 Sapagkat sinumang nais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magliligtas nito. 25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng isang tao kung makamtan man niya ang buong sanlibutan ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 26 Sapagkat kung ako ay ikahihiya ng sinuman gayundin ang aking mga salita, ikahihiya rin siya ng Anak ng Tao pagdating niya sa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel. 27 Tinitiyak ko sa inyo: may ilan sa mga nakatayo rito ang hinding-hindi daranas ng kamatayan hanggang sa makita nila ang paghahari ng Diyos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.