Book of Common Prayer
18 Sa isang dako'y pinawalang bisa ang naunang alituntunin sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang, 19 yamang hindi nagawa ng Kautusan na maging sakdal ang sinuman. Sa kabilang dako nama'y ipinakilala ang higit na mabuting pag-asa, at sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.
20 At ang pagiging pari ni Jesus ay may kasamang panunumpa, hindi kagaya ng mga nauna na naging pari na walang kasamang panunumpa. 21 Subalit (A) siya ay naging pari na mayroong panunumpa nang sabihin ng Diyos sa kanya,
“Nanumpa ang Panginoon
at hindi siya magbabago ng kanyang isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman.’ ”
22 Dahil dito, si Jesus ang naging katiyakan ng mas mabuting tipan. 23 Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari sapagkat hinahadlangan ng kamatayan ang pagpapatuloy nila sa tungkulin. 24 Subalit dahil nananatili si Jesus magpakailanman, ang kanyang pagkapari ay walang katapusan. 25 Dahil dito, sa lahat ng panahon ay kaya niyang iligtas ang lahat[a] ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.
26 Nararapat lang, kung gayon, na magkaroon tayo ng ganoong Kataas-taasang Pari na banal, walang sala, walang dungis, inihiwalay sa mga makasalanan, at naging mas mataas kaysa mga langit. 27 Hindi (B) katulad ng ibang mga Kataas-taasang Pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una'y para sa kanyang sariling mga kasalanan, at para na rin sa mga kasalanan ng bayan. Nang ihandog niya ang kanyang sarili, ang kanyang handog ay minsan lamang, at ang bisa'y magpakailanman. 28 Sapagkat ang hinihirang ng Kautusan bilang mga Kataas-taasang Pari ay mga taong may kahinaan; ngunit ang salita ng panunumpa sa pagkapari na dumating pagkatapos ng Kautusan ay humirang sa Anak, na ginawang sakdal magpakailanman.
Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano
25 May isang dalubhasa sa Kautusan na tumayo at nagsabi nang ganito upang subukin si Jesus, “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 26 “Ano ba ang nasusulat sa Kautusan?” sagot ni Jesus. “Ano ang pagkaunawa mo?” 27 Sumagot ang lalaki, “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, at nang buong kaluluwa, at nang buong lakas, at nang buong pag-iisip mo; at mahalin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” 28 At sinabi niya sa kanya, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyon at mabubuhay ka.” 29 Ngunit sa pagnanais niyang hindi magmukhang kahiya-hiya, sinabi niya kay Jesus, “Sino naman ang aking kapwa?” 30 Sumagot si Jesus, “May isang lalaking bumaba mula Jerusalem patungong Jerico na naging biktima ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito, binugbog, at pagkatapos ay tumakas at iniwan ang lalaki na halos patay na. 31 Nagkataong isang pari ang dumaan din doon. Nang makita ng pari ang lalaki, lumihis iyon sa kabila. 32 Ganoon din ang ginawa ng isang Levita. Dumaan din ito doon at nang makita ang lalaki ay lumihis din sa kabila. 33 Subalit isang Samaritano na naglalakbay ang lumapit sa lalaki, at nang makita ito ay nahabag siya. 34 Nilapitan ng Samaritano ang lalaki, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat, at pagkatapos ay binendahan. Isinakay niya ang lalaki sa kanyang sariling hayop, at pagkatapos ay dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang denaryo ang may-ari ng bahay-panuluyan at pinagbilinan ito, ‘Alagaan mo siya at anumang dagdag na gastusin mo ay babayaran ko sa iyo sa aking pagbabalik.’ 36 Sa palagay mo, sino sa tatlong iyon ang naging kapwa-tao sa lalaking naging biktima ng mga tulisan?” 37 At sinabi niya, “Ang taong nahabag sa kanya.” Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka at ganoon din ang gawin mo.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.