Book of Common Prayer
Ang Dalangin ng Taong may Sakit
41 Mapalad ang taong nagmamalasakit sa mga mahihirap.
Tutulungan siya ng Panginoon sa panahon ng kaguluhan.
2 Ipagtatanggol siya ng Panginoon, at iingatan ang kanyang buhay.
Pagpapalain din siya sa lupain natin.
At hindi siya isusuko sa kanyang mga kaaway.
3 Tutulungan siya ng Panginoon kung siya ay may sakit,
at pagagalingin siya sa kanyang karamdaman.
4 Sinabi ko,
“O Panginoon, nagkasala ako sa inyo.
Maawa kayo sa akin, at pagalingin ako.”
5 Ang aking mga kaaway ay nagsasalita laban sa akin.
Sinasabi nila,
“Kailan pa ba siya mamamatay upang makalimutan na siya?”
6 Kapag dumadalaw sila sa akin, nagkukunwari silang nangungumusta,
pero nag-iipon lang pala sila ng masasabi laban sa akin.
Kapag silaʼy lumabas na, ikinakalat nila ito.
7 Ang lahat ng galit sa akin ay masama ang iniisip tungkol sa akin,
at pinagbubulung-bulungan nila ito.
8 Sinasabi nila,
“Malala na ang karamdaman niyan,
kaya hindi na iyan makakatayo!”
9 Kahit ang pinakamatalik kong kaibigan na kasalo ko lagi sa pagkain at pinagkakatiwalaan –
nagawa akong pagtaksilan!
10 Ngunit kayo Panginoon, akoʼy inyong kahabagan.
Pagalingin nʼyo ako upang makaganti na ako sa aking mga kaaway.
11 Alam ko na kayoʼy nalulugod sa akin,
dahil hindi ako natatalo ng aking mga kaaway.
12 Dahil akoʼy taong matuwid,
tinutulungan nʼyo ako at pinapanatili sa inyong presensya magpakailanman.
13 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
Amen! Amen!
Ang Paghatol at Habag ng Dios
52 Ikaw, taong mapagmataas,
bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
2 Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
at lagi kang nagsisinungaling.
3 Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
4 Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
5 Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
6 Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
7 “Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”
8 Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
na yumayabong sa loob ng inyong templo.
Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
9 Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.
Dalangin para Iligtas ng Dios
44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
2 Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
3 Nasakop nila ang lupain,
hindi dahil sa kanilang mga armas.
Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
dahil mahal nʼyo sila.
4 O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
5 Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
6 Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
7 dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
8 O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
at pupurihin namin kayo magpakailanman.
9 Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.
17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
Para kaming mga tupang kakatayin.
23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.
Iniligtas ni Abram si Lot
14 Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Shinar, Haring Arioc ng Elasar, Haring Kedorlaomer ng Elam, at Haring Tidal ng Goyim 2 ay nakipaglaban kina Haring Bera ng Sodom, Haring Birsha ng Gomora, Haring Shinab ng Adma, Haring Shemeber ng Zeboyim, at sa hari ng Bela na tinatawag din na Zoar. 3 Nagtipon ang limang haring ito kasama ang kanilang mga sundalo roon sa Lambak ng Sidim na tinatawag ngayon na Dagat na Patay. 4 Ang mga haring ito ay sinakop ni Kedorlaomer sa loob ng 12 taon, pero nang ika-13 taon, nagrebelde sila laban sa kanya.
5 At nang ika-14 na taon, tinalo ni Kedorlaomer at ng mga kakampi niyang hari ang mga Refaimeo sa Ashterot Karnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa kapatagan ng Kiriataim, 6 at ang mga Horita sa bundok ng Seir hanggang sa El Paran na malapit sa disyerto. 7 Mula roon, bumalik sila at nakarating sa En Mishpat na tinatawag ngayong Kadesh. At sinakop nila ang lahat ng lupain ng mga Amalekita at mga Amoreo na nakatira sa Hazazon Tamar.
8 Ngayon, tinipon ng mga hari ng Sodom, Gomora, Adma, Zeboyim at Bela ang mga sundalo nila sa Lambak ng Sidim 9 at nakipaglaban sila kina Haring Kedorlaomer ng Elam, Haring Tidal ng Goyim, Haring Amrafel ng Shinar, at Haring Arioc ng Elasar – limang hari laban sa apat na hari. 10 Ngayon, ang Lambak ng Sidim ay may maraming malalim na hukay na pinagkukunan ng aspalto. At nang tumakas ang hari ng Sodom at ng Gomora kasama ang mga tauhan nila, nahulog sila sa mga balon, pero ang iba nilang kasama ay tumakas sa mga bundok. 11-12 Ang lahat ng ari-arian ng Sodom at Gomora pati ang mga pagkain nila ay kinuha ng mga kalaban nila. Nabihag din nila si Lot na pamangkin ni Abram at kinuha ang mga ari-arian nito, dahil doon siya nakatira sa Sodom. Pagkatapos itong makuha ng mga kalaban, umalis agad sila.
13 Ngayon, may isang nakatakas at nagbalita kay Abram na Hebreo tungkol sa nangyari. Si Abram ay nakatira malapit sa malalaking puno ni Mamre na Amoreo. Si Mamre at ang mga kapatid niyang sina Eshcol at Aner ang mga kakampi ni Abram. 14 Nang marinig ni Abram na binihag ang kamag-anak nila, tinipon niya agad ang 318 niyang tauhan na talagang maaasahan, at hinabol nila ang apat na hari hanggang sa Dan. 15 Kinagabihan, hinati ni Abram ang mga tauhan niya at nilusob nila ang mga kalaban, at natalo nila ito. Ang ibang nakatakas ay hinabol nila hanggang sa Hoba, sa hilaga ng Damascus. 16 Binawi nila ang lahat ng ari-arian na inagaw ng mga kalaban. Binawi rin nila si Lot at ang mga ari-arian nito pati ang mga babae at ang iba pang mga tao.
Binasbasan ni Melkizedek si Abram
17 Nang umuwi na si Abram, matapos nilang talunin si Kedorlaomer at ang mga kasama niyang hari, sinalubong siya ng hari ng Sodom sa Lambak ng Save (na tinatawag din na Lambak ng Hari).
18 Sinalubong din siya ni Haring Melkizedek ng Salem at pari ng Kataas-taasang Dios. May dala si Melkizedek na pagkain at inumin. 19 Binasbasan niya si Abram at sinabing:
“Nawaʼy pagpalain ka Abram ng Kataas-taasang Dios
na lumikha ng langit at mundo.
20 Purihin ang Kataas-taasang Dios
na nagbigay ng tagumpay sa iyo laban sa mga kaaway mo!”
Pagkatapos, ibinigay ni Abram kay Melkizedek ang ikasampung bahagi ng lahat ng bagay na nakuha niya sa labanan.
21 Ngayon, sinabi ng hari ng Sodom kay Abram, “Sa iyo na lang ang lahat ng ari-arian ko na nabawi mo, pero isauli mo lang sa akin ang lahat ng tauhan ko.”
22 Pero sinabi ni Abram sa hari ng Sodom, “Isinusumpa ko sa harapan ng Panginoon, ang Kataas-taasang Dios na siyang lumikha ng langit at mundo, 23 na hindi ako kukuha ng kahit anumang ari-arian na galing sa iyo, kahit sinulid o kayaʼy tali ng sandalyas, para hindi mo masabing ikaw ang nagpayaman sa akin. 24 Hindi ako tatanggap ng kahit anuman para sa sarili ko. Ang ituturing ko lang na natanggap ko ay ang mga kinain ng aking mga tauhan, at pabayaan mo lang sina Aner, Eshcol at Mamre na sumama sa akin sa pagkuha ng bahagi nila sa mga bagay na nakuha mula sa labanan.”
Si Cristo ang Ating Punong Pari
8 Ito ang ibig kong sabihin: Mayroon na tayo ngayong punong pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasang Dios sa langit. 2 Naglilingkod siya bilang punong pari sa Pinakabanal na Lugar na hindi tao ang gumawa kundi ang Panginoon mismo. 3 Ang bawat punong pari ay itinalagang mag-alay ng mga handog at kaloob, kaya kailangan na may ihandog din ang punong pari natin. 4 Kung nandito pa siya sa lupa, hindi siya maaaring maging pari dahil mayroon nang mga paring nag-aalay ng mga handog ayon sa Kautusan. 5 Ang pag-aalay na ginagawa nila ay anino lang ng mga bagay na nangyayari roon sa langit. Sapagkat nang itatayo na ni Moises ang Toldang Sambahan, mahigpit siyang pinagbilinan ng Dios, “Kailangang sundin mo ang planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.”[a] 6 Ngunit higit na dakila ang mga gawain ni Jesus bilang punong pari kaysa sa mga gawain ng mga pari, dahil siya ang tagapamagitan ng isang kasunduang higit na mabuti kaysa sa nauna. At nakasalalay ito sa mas mabubuting pangako ng Dios.
7 Kung walang kakulangan ang unang kasunduan, hindi na sana kailangan pang palitan. 8 Ngunit nakita ng Dios ang pagkukulang ng mga taong sumusunod sa unang kasunduan, kaya sinabi niya,
“Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong kasunduan sa mga taga-Israel at taga-Juda.
9 Hindi ito katulad ng kasunduang ginawa ko sa mga ninuno nila noong akayin ko sila palabas sa Egipto.
Hindi nila sinunod ang unang kasunduang ibinigay ko sa kanila, kaya pinabayaan ko sila.”
10 Sinabi pa ng Panginoon,
“Ito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel pagdating ng araw na iyon:
Itatanim ko sa isipan nila ang mga utos ko, at isusulat ko ang mga ito sa mga puso nila.
Ako ang magiging Dios nila, at sila naman ang magiging bayan ko.
11 Hindi na nila kailangan pang turuan ang mga kababayan o kapatid nila na kilalanin ang Panginoon.
Sapagkat kikilalanin nila akong lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila.
12 Sapagkat patatawarin ko ang kasamaan nila at lilimutin ko na ang mga kasalanan nila.”[b]
13 Nang sabihin ng Dios na may bago nang kasunduan, malinaw na pinawalang-bisa na niya ang nauna, at ang anumang wala nang bisa at luma na ay mawawala na lamang.
Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Opisyal
43 Pagkatapos ng dalawang araw na pamamalagi roon ni Jesus, umalis siya papuntang Galilea. 44 (Si Jesus mismo ang nagsabi na ang isang propeta ay hindi iginagalang sa sarili niyang bayan.) 45 Nang dumating siya sa Galilea, malugod siyang tinanggap ng mga tao, dahil naroon sila sa Jerusalem noong Pista ng Paglampas ng Anghel at nakita nila ang lahat ng ginawa niya roon.
46 Muling bumalik si Jesus sa bayan ng Cana sa Galilea kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Doon ay may isang opisyal ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay may sakit at nasa Capernaum. 47 Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito. Nakiusap siya kay Jesus na pumunta sa Capernaum at pagalingin ang anak niyang nag-aagaw-buhay. 48 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hanggaʼt hindi kayo nakakakita ng mga himala at kababalaghan, hindi kayo maniniwala sa akin.” 49 Sumagot ang opisyal, “Sumama na po kayo sa akin bago mamatay ang anak ko.” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pwede ka nang umuwi. Magaling na ang anak mo.” Naniwala ang opisyal sa sinabi ni Jesus at umuwi siya. 51 Habang nasa daan pa lang ay sinalubong na siya ng mga alipin niya at sinabi sa kanya na magaling na ang anak niya. 52 Kaya tinanong niya kung anong oras ito gumaling. Sumagot sila, “Kahapon po ng mga ala-una ng hapon ay nawala na ang lagnat niya.” 53 Naalala ng opisyal na nang oras ding iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus na magaling na ang anak niya. Kaya siya at ang buong pamilya niya ay sumampalataya kay Jesus.
54 Ito ang ikalawang himala na ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling niya sa Judea.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®