Book of Common Prayer
Ang Kabutihan ng Dios
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
2 Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
3 Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
at itaas natin ang kanyang pangalan.
4 Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
5 Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
6 Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
at ipinagtatanggol niya sila.
8 Subukan ninyo at inyong makikita,
kung gaano kabuti ang Panginoon.
Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
9 Kayong mga hinirang ng Panginoon,
matakot kayo sa kanya,
dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.
19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.
Awit ng Papuri
33 Kayong mga matuwid,
sumigaw kayo sa galak,
dahil sa ginawa ng Panginoon!
Kayong namumuhay ng tama,
nararapat ninyo siyang purihin!
2 Pasalamatan ninyo ang Panginoon
sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit.
Tugtugan ninyo siya ng buong husay,
at sumigaw kayo sa tuwa.
4 Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
at maaasahan ang kanyang mga gawa.
5 Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan.
Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon,
ang langit ay nalikha;
sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
7 Inipon niya ang dagat[a] na parang inilagay sa isang sisidlan.
8 Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon,
9 dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10 Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11 Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman,
at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.
12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
13 Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao.
14 Mula sa kanyang luklukan,
tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo.
15 Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao,
at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa.
16 Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal,
at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas.
17 Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan;
hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
18 Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya,
sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19 Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.
20 Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon.
Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
21 Nagagalak tayo,
dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan.
22 Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig.
Ang aming pag-asa ay nasa inyo.
Tumakas si Elias
19 Ngayon, sinabi ni Ahab sa asawa niyang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paano nito pinagpapatay ang lahat ng propeta ni Baal. 2 Kaya nagpadala si Jezebel ng mensahe para kay Elias na nagsasabi, “Lubusan sana akong parusahan ng mga dios kung sa ganitong oras bukas ay hindi pa kita napapatay, tulad ng ginawa mo sa mga propeta.”
3 Natakot si Elias, kaya tumakas siya papunta sa Beersheba na sakop ng Juda, at iniwan niya roon ang utusan niya. 4 Pagkatapos, naglakad siya ng isang araw papuntang ilang. Nagpahinga siya at umupo sa ilalim ng punongkahoy at nanalangin na mamatay na lang sana siya. Sinabi niya, “Sobra na po ito Panginoon! Kunin na lang ninyo ang buhay ko, wala naman akong ipinagkaiba sa aking mga ninuno.” 5 Pagkatapos, humiga siya sa ilalim ng punongkahoy, at nakatulog.
Biglang may anghel na kumalabit sa kanya at sinabi, “Bumangon ka at kumain.” 6 Pagdilat niya, may nakita siyang tinapay sa ulunan niya, na niluto sa mainit na bato, at tubig na nakalagay sa sisidlan. Kumain siya at uminom, at nahigang muli. 7 Muling bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit si Elias at sinabi, “Bumangon ka at kumain, dahil malayo pa ang iyong lalakbayin.” 8 Kaya bumangon si Elias, kumain, at uminom. Pinalakas siya ng kanyang kinain, at naglakbay siya sa loob ng 40 araw at 40 gabi, hanggang makarating siya sa Horeb,[a] ang bundok ng Dios.
Iisang Katawan kay Cristo
4 Bilang isang bilanggo dahil sa paglilingkod sa Panginoon, hinihiling kong mamuhay kayo nang karapat-dapat bilang mga tinawag ng Dios. 2 Maging mahinahon kayo, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin sa mga pagkukulang ng bawat isa bilang pagpapakita ng pag-ibig ninyo. 3 Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa nʼyo mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mapayapa ninyong pagsasamahan. 4 Sapagkat iisang katawan lamang tayo na may iisang Banal na Espiritu, at iisa rin ang pag-asang ibinigay sa atin nang tawagin tayo ng Dios. 5 Iisa ang Panginoon natin, iisang pananampalataya, at iisang bautismo. 6 Iisa ang Dios natin at siya ang Ama nating lahat. Naghahari siya, kumikilos at nananahan sa ating lahat.
7 Ngunit kahit na bahagi tayo ng iisang katawan, binigyan ang bawat isa sa atin ng kaloob ayon sa nais ibigay ni Cristo. 8 Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,
“Nang umakyat siya sa langit, marami siyang dinalang bihag
at binigyan niya ng mga kaloob ang mga tao.”[a]
9 (Ngayon, ano ang kahulugan ng, “Umakyat siya sa langit”? Ang ibig sabihin nito ay bumaba muna siya rito sa lupa. 10 At siya na bumaba rito sa lupa ang siya ring umakyat sa kataas-taasang langit para maging lubos ang kapangyarihan niya sa lahat ng bagay.) 11 Ang ibaʼy ginawa niyang apostol, ang ibaʼy propeta, ang ibaʼy mangangaral ng Magandang Balita, at ang iba naman ay pastor at guro. 12 Ginawa niya ito para ihanda sa paglilingkod ang mga pinabanal,[b] at para lumago at maging matatag sila bilang katawan ni Cristo. 13 Sa ganitong paraan, maaabot nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Dios, at ganap na lalago sa espiritwal nating pamumuhay hanggang maging katulad tayo ni Cristo. 14 At kapag naabot na natin ito, hindi na tayo tulad ng mga bata na pabago-bago ng isip at nadadala ng ibaʼt ibang aral ng mga taong nanlilinlang, na ang hangad ay dalhin ang mga tao sa kamalian. 15 Sa halip, mananatili tayo sa katotohanan nang may pag-ibig, upang sa lahat ng bagay ay maging katulad tayo ni Cristo na siyang ulo ng iglesya. 16 At sa pamumuno niya, ang lahat ng bahagi ng katawan, na walang iba kundi ang mga mananampalataya, ay pinag-uugnay-ugnay, at ang bawat isaʼy nagtutulungan. At sa pagganap ng bawat isa sa kani-kanilang tungkulin nang may pag-ibig, ang buong katawan ay lalago at lalakas.
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(A)
6 Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. 2 Sinundan siya ng napakaraming tao dahil nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling ng mga may sakit. 3 Umakyat si Jesus at ang mga tagasunod niya sa isang bundok at naupo roon. 4 (Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel.) 5 Nang tumingin si Jesus, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kanya. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo makakabili ng pagkain para pakainin ang mga taong ito?” 6 (Tinanong niya ito upang subukan si Felipe, kahit alam na niya ang kanyang gagawin.) 7 Sumagot si Felipe, “Sa dami po nila, ang walong buwan na sahod ng isang tao ay hindi sapat para pakainin ng kahit tigkakaunti ang bawat isa.” 8 Sinabi naman ng isa sa mga tagasunod niyang si Andres na kapatid ni Pedro, 9 “May isang batang lalaki rito na may limang tinapay at dalawang isda. Pero kakasya ba naman ito sa dami ng tao?” 10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Umupo naman ang mga tao dahil madamo sa lugar na iyon. Ang bilang ng mga lalaki lang ay mga 5,000 na. 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, ipinamahagi ito sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda, at nabusog ang lahat. 12 Pagkakain nila, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tipunin nʼyo ang lahat ng natira para walang masayang.” 13 Tinipon nga nila ang natira mula sa limang tinapay na ipinakain sa mga tao at nakapuno sila ng 12 basket.
14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Siguradong ito na nga ang propetang hinihintay nating darating dito sa mundo!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®