Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 37

Ang Kahihinatnan ng Masama at Mabuting Tao

37 Huwag kang mainis o mainggit man sa masasama,
dahil tulad ng damo, silaʼy madaling matutuyo,
    at tulad ng sariwang halaman, silaʼy malalanta.

Magtiwala ka sa Panginoon at gumawa ng mabuti.
    Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito.
Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan,
    at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo.
Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa;
    magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya.
Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan,
    kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat.
Pumanatag ka sa piling ng Panginoon,
    at matiyagang maghintay sa gagawin niya.
    Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa,
    kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila.
Huwag kang magagalit. Pigilan mo ang iyong poot.
    Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama.
Ang masama ay ipagtatabuyan,
    ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay mananatili sa lupaing ito.
10 Hindi magtatagal at mawawala ang masasama.
    At kahit hanapin mo man sila ay hindi mo na makikita.
11 Ngunit ang mga mapagpakumbaba ay patuloy na mananahan sa lupain ng Israel nang mapayapa at masagana.

12 Ang mga masama ay nagpaplano ng hindi mabuti laban sa mga matuwid,
    at galit na galit sila.
13 Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon ang mga masama,
    dahil alam niyang malapit na ang oras ng paghahatol.
14 Binunot na ng masasama ang kanilang mga espada,
    at nakaumang na ang kanilang mga pana
    upang patayin ang mga dukha na namumuhay nang matuwid.
15 Ngunit sila rin ang masasaksak ng kanilang sariling espada
    at mababali ang kanilang mga pana.

16 Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid ay mas mabuti
    kaysa sa kayamanan ng masama.
17 Dahil tutulungan ng Panginoon ang matuwid,
    ngunit mawawalan ng kakayahan ang taong masama.
18 Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon ang mga taong matuwid.
    At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan.
19 Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan.
    Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
20 Ngunit ang mga taong masamaʼy mamamatay.
    Ang mga kaaway ng Panginoon ay mamamatay tulad ng bulaklak.
    Silaʼy maglalaho na gaya ng usok.

21 Ang taong masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad,
    ngunit ang taong matuwid ay naaawa at nagbibigay ng sagana.
22 Ang mga pinagpapala ng Panginoon ay patuloy na titira sa lupain ng Israel.
    Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.
23 Ginagabayan ng Panginoon ang bawat hakbang ng taong matuwid na ang buhay ay nakakalugod sa kanya.
24 Matisod man siyaʼy hindi siya mabubuwal,
    dahil hinahawakan siya ng Panginoon.

25 Akoʼy naging bata at ngayoʼy matanda na,
    ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon
    o ang kanya mang mga anak ay namalimos ng pagkain.
26 Ang matuwid ay palaging nagbibigay at nagpapahiram,
    at ang kanilang mga anak ay nagiging pagpapala sa iba.

27 Iwasan ang masama at gawin ang mabuti;
    nang sa gayon ay manahan ka sa lupain magpakailanman.
28 Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan,
    at ang mga taong tapat sa kanya ay hindi niya pinapabayaan.
    Silaʼy iingatan niya magpakailanman.
    Ngunit ang lahi ng mga taong masama ay mawawala.
29 Ang mga matuwid ay mananahan magpakailanman sa lupain ng Israel na sa kanilaʼy ipinamana.

30 Ang taong matuwid ay nagsasalita ng tama, at may karunungan.
31 Ang Kautusan ng Dios ay iniingatan niya sa kanyang puso,
    at hindi niya ito sinusuway.
32 Ang mga taong masamaʼy laging nagbabantay
    upang salakayin at patayin ang taong may matuwid na pamumuhay.
33 Ngunit hindi pababayaan ng Panginoon ang taong matuwid
    sa kamay ng kanyang mga kaaway,
    o parurusahan man kapag siyaʼy hinatulan.

34 Magtiwala ka sa Panginoon at sundin mo ang kanyang pamamaraan.
    Pararangalan ka niya at patitirahin sa lupain ng Israel,
    at makikita mong itataboy niya ang mga taong masama.

35 Nakita ko ang masamang tao na nang-aapi.
    Gusto niyang kilalanin siyang mataas kaysa sa iba,
    katulad ng mataas na punongkahoy ng Lebanon.
36 Nang siyaʼy aking balikan, siyaʼy wala na;
    hinanap ko siya ngunit hindi ko na nakita dahil siyaʼy patay na.
37 Tingnan mo ang taong totoo at matuwid.
    May magandang kinabukasan at may tahimik na pamumuhay.
38 Ngunit lilipulin ang lahat ng masama,
    at ang kinabukasan nila ay mawawala.
39 Ang kaligtasan ng mga matuwid ay mula sa Panginoon.
    Siya ang nag-iingat sa kanila sa panahon ng kaguluhan.
40 Tinutulungan sila ng Panginoon at inililigtas sa mga taong masama,
    dahil silaʼy humihingi ng kanyang kalinga.

Genesis 11:1-9

Ang Tore ng Babel

11 Noon, isang wika lang ang ginagamit ng lahat ng tao sa buong mundo. Habang lumilipat ng tirahan ang mga tao patungo sa silangan, nakarating sila sa isang patag na lugar sa Shinar, at doon sila nanirahan.

3-4 Ngayon, sinabi ng mga tao, “Magtayo tayo ng isang lungsod na may tore na aabot sa langit, para maging tanyag tayo at hindi mangalat sa buong mundo.” Kaya gumawa sila ng mga tisa,[a] at pinainitan nila ito nang mabuti para tumigas nang husto. Tisa ang ginamit nila sa halip na bato. At aspalto ang ginamit nila bilang semento.

Ngayon, bumaba ang Panginoon para tingnan ang pagtatayo ng mga tao ng lungsod at tore. Sinabi ng Panginoon, “Ang mga taong ito ay nagkakaisa at may isang wika lang. At ang ginagawa nilang ito ay simula pa lamang ng mga binabalak pa nilang gawin. Hindi magtatagal, gagawin nila ang kahit anong gusto nilang gawin. Kaya bumaba tayo. Pag-iba-ibahin natin ang wika nila para hindi sila magkaintindihan.”

Kaya pinangalat sila ng Panginoon sa buong mundo dahil hindi na sila magkaintindihan, at nahinto ang pagtatayo nila ng lungsod. Ang lungsod na ito ay tinawag na Babel[b] dahil doon pinag-iba-iba ng Panginoon ang wika ng mga tao, at mula roon ay pinangalat niya sila sa buong mundo.

Hebreo 6:13-20

Tiyak ang Pangako ng Dios

13 Tingnan nʼyo ang karanasan ni Abraham: Nang mangako ang Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng ibang pangalan para patunayan ang pangako niya, kundi ginamit niya ang sarili niyang pangalan dahil wala nang makahihigit pa sa kanya. 14 Sinabi niya, “Talagang pagpapalain kita at pararamihin ko ang lahi mo.”[a] 15 At pagkatapos ng matiyagang paghihintay, natanggap ni Abraham ang mga ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng Dios na mas nakahihigit sa kanila para paniwalaan sila at wala ng pag-usapan pa. 17 Ganito rin ang ginawa ng Dios noon sa mga taong pinangakuan niya. Ipinakita niya sa kanila sa pamamagitan ng panunumpa na tutuparin niya ang pangako niya. 18 At ang dalawang bagay na ito – ang pangako niya at panunumpa – ay hindi mababago, dahil hindi magagawang magsinungaling ng Dios. Kaya tayong mga nagpakalinga sa kanya ay may matibay na pag-asang pinanghahawakan na gagawin niya ang ipinangako niya sa atin. 19 Ang pag-asang ito ay matibay tulad ng angkla, at ito ay nagbibigay kapanatagan sa buhay natin, dahil umaabot ito sa Pinakabanal na Lugar, 20 kung saan nauna nang pumasok si Jesus para sa atin. Siya ang punong pari natin magpakailanman, katulad ng pagkapari ni Melkizedek.

Juan 4:1-15

Si Jesus at ang Babaeng Taga-Samaria

1-2 Nabalitaan ng mga Pariseo na mas marami na ang mga tagasunod ni Jesus kaysa kay Juan, at mas marami na ang nabautismuhan niya. (Kahit na hindi mismong si Jesus ang nagbabautismo kundi ang mga tagasunod niya.) Nang malaman ni Jesus na nabalitaan ito ng mga Pariseo, umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea. Para makabalik sa Galilea, kailangan niyang dumaan sa Samaria.

Nang dumadaan na sila sa Samaria, dumating sila sa isang bayan na tinatawag na Sycar, malapit sa lupaing ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose. May balon doon na ginawa ni Jacob. Dahil tanghaling-tapat na noon at pagod na si Jesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon para magpahinga. 7-8 Tumuloy naman ang mga tagasunod niya sa bayan upang bumili ng pagkain. Habang nakaupo si Jesus, dumating ang isang babaeng taga-Samaria para umigib. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pwede bang makiinom?” Sumagot ang babae, “Kayo po ay isang Judio at ako ay Samaritano, at babae pa.[a] Bakit po kayo makikiinom sa akin?” (Sinabi niya ito dahil hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano.) 10 Sinabi ni Jesus sa babae, “Kung alam mo lang ang ipinagkakaloob ng Dios, at kung sino ang nakikiinom sa iyo, baka ikaw pa ang manghingi sa akin para bigyan kita ng tubig na nagbibigay-buhay.” 11 Sinabi ng babae, “Malalim po ang balon at wala kayong pang-igib. Saan po kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? 12 Higit pa po ba kayo sa ating ninuno na si Jacob na humukay ng balong ito? Siya at ang mga anak niya, pati ang mga hayop niya ay dito umiinom noong araw.” 13 Sumagot si Jesus, “Ang lahat ng umiinom ng tubig na itoʼy muling mauuhaw, 14 pero ang sinumang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Dahil ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal sa loob niya na magbibigay ng buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae, “Bigyan nʼyo po ako ng tubig na sinasabi nʼyo upang hindi na ako muling mauhaw at hindi ko na kailangan pang pumarito para umigib.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®