Book of Common Prayer
Dalangin ng Pagtitiwala
31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
2 Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
Kayo ang aking batong kanlungan,
at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
3 Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
4 Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
5 Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
dahil kayo ang Dios na maaasahan.
6 Panginoon, namumuhi ako sa mga sumasamba sa mga dios-diosan na walang kabuluhan,
dahil sa inyo ako nagtitiwala.
7 Akoʼy magagalak sa inyong pag-ibig,
dahil nakita nʼyo ang aking pagdurusa,
at nalalaman nʼyo ang tinitiis kong kahirapan.
8 Hindi nʼyo ako ibinigay sa aking mga kaaway,
sa halip iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan.
9 Panginoon, kahabagan nʼyo po ako,
dahil akoʼy labis nang nahihirapan.
Namumugto na ang aking mga mata sa pag-iyak,
at nanghihina na ako.
10 Ang buhay koʼy punong-puno ng kasawian;
umiikli ang buhay ko dahil sa pag-iyak at kalungkutan.
Nanghihina na ako sa kapighatiang aking nararanasan,
at parang nadudurog na ang aking mga buto.
11 Kinukutya ako ng aking mga kaaway,
at hinahamak ng aking mga kapitbahay.
Iniiwasan na ako ng mga dati kong kaibigan;
kapag nakikita nila ako sa daan, akoʼy kanilang nilalayuan.
12 Para akong patay na kanilang kinalimutan,
at parang basag na sisidlan na wala nang halaga.
13 Marami akong naririnig na banta laban sa akin.
Natatakot akong pumunta kahit saan,
dahil plano nilang patayin ako.
14 Ngunit ako ay nagtitiwala sa inyo, Panginoon.
Sinasabi kong,
“Kayo ang aking Dios!”
15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.
17 Panginoon, huwag nʼyong payagang akoʼy mapahiya,
dahil sa inyo ako tumatawag.
Ang masasama sana ang mapahiya
at manahimik doon sa libingan.
18 Patahimikin nʼyo silang mga sinungaling,
pati ang mga mayayabang at mapagmataas
na binabalewala at hinahamak ang mga matuwid.
19 O kay dakila ng inyong kabutihan;
sa mga may takot sa inyo, pagpapalaʼy inyong inilaan.
Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan sa mga taong kayo ang kanlungan.
20 Itinago nʼyo sila sa ilalim ng inyong pagkalinga.
At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak at pang-iinsulto ng iba.
21 Purihin ang Panginoon,
dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin
noong akoʼy naipit sa isang sinasalakay na bayan.
22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko,
“Binalewala na ako ng Panginoon.”
Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan, at akoʼy kanyang tinulungan.
23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan,
mahalin ninyo ang Panginoon.
Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya,
ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob,
kayong mga umaasa sa Panginoon.
Dalangin para Tulungan
35 Panginoon, kontrahin nʼyo po
ang mga kumukontra sa akin.
Labanan nʼyo ang mga kumakalaban sa akin.
2 Kunin nʼyo ang inyong kalasag,
at akoʼy inyong tulungan.
3 Ihanda nʼyo ang inyong mga sibat,
para sa mga taong humahabol sa akin.
Gusto kong marinig na sabihin nʼyo,
“Ako ang magpapatagumpay sa iyo.”
4 Mapahiya sana ang mga taong naghahangad na akoʼy patayin.
Paatrasin nʼyo at biguin ang mga nagpaplano ng masama sa akin.
5 Maging gaya sana sila ng ipa na tinatangay ng hangin,
habang silaʼy itinataboy ng inyong anghel.
6 Maging madilim sana at madulas ang kanilang dinadaanan,
habang silaʼy hinahabol ng inyong anghel.
7 Naghukay sila at naglagay ng bitag para sa akin,
kahit wala akong ginawang masama sa kanila.
8 Dumating sana sa kanila ang kapahamakan nang hindi nila inaasahan.
Sila sana ang mahuli sa bitag na kanilang ginawa,
at sila rin ang mahulog sa hukay na kanilang hinukay.
9 At akoʼy magagalak
dahil sa inyong pagliligtas sa akin, Panginoon.
10 Buong puso kong isisigaw,
“Panginoon, wala kayong katulad!
Kayo ang nagliligtas sa mga dukha at api mula sa mga mapagsamantala.”
11 May mga malupit na taong sumasaksi laban sa akin.
Ang kasalanang hindi ko ginawa ay ibinibintang nila sa akin.
12 Ginagantihan nila ako ng masama sa mga kabutihang aking ginawa,
kaya akoʼy labis na nagdaramdam.
13 Kapag silaʼy nagkakasakit akoʼy nalulungkot para sa kanila;
nagdaramit ako ng sako at nag-aayuno pa.
At kung ang aking dalangin para sa kanilaʼy hindi sinasagot,
14 palakad-lakad akong nagluluksa na parang nawalan ng kapatid o kaibigan,
at akoʼy yumuyuko at nagdadalamhati para sa kanila na para bang nawalan ako ng ina.
15 Ngunit nang ako na ang nahihirapan, nagkakatipon sila at nagtatawanan.
Nagsasama-sama ang mga sa akin ay kumakalaban;
kahit ang mga hindi ko kilala ay sumasamaʼt walang tigil na akoʼy hinahamak.
16 Kinukutya nila ako nang walang pakundangan,
at ang kanilang mga ngipin ay nagngangalit sa sobrang galit.
17 Panginoon, hanggang kailan kayo manonood lang?
Iligtas nʼyo na ako sa mga sumasalakay na ito na parang mga leon na gusto akong lapain.
18 At sa gitna ng karamihan, kayoʼy aking papupurihan at pasasalamatan.
19 Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway sa aking pagkatalo.
Ang mga galit sa akin nang walang dahilan ay huwag nʼyong payagang kutyain ako.
20 Walang maganda sa sinasabi nila,
sa halip sinisiraan nila ang namumuhay nang tahimik.
21 Sumisigaw sila sa akin na nagpaparatang,
“Aha! Nakita namin ang ginawa mo!”
22 Panginoon, alam nʼyo ang lahat ng ito,
kaya huwag kayong manahimik.
Huwag kayong lumayo sa akin.
23 Sige na po, Panginoon kong Dios, ipagtanggol nʼyo na ako sa kanila.
24 O Dios ko, dahil kayo ay matuwid kung humatol,
ipahayag nʼyo na wala akong kasalanan.
Huwag nʼyong payagang pagtawanan nila ako.
25 Huwag nʼyong hayaang sabihin nila sa kanilang sarili,
“Sa wakas, nangyari rin ang gusto naming mangyari,
natalo na rin namin siya!”
26 Mapahiya sana silang nagmamalaki sa akin
at nagagalak sa aking mga paghihirap.
27 Sumigaw sana sa kagalakan ang mga taong nagagalak sa aking kalayaan.
Palagi sana nilang sabihin,
“Purihin ang Panginoon na nagagalak sa tagumpay ng kanyang mga lingkod.”
28 Ihahayag ko sa mga tao ang inyong pagkamakatwiran,
at buong maghapon ko kayong papupurihan.
Ang mga Lahi ni Tera
27 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Tera:
Si Tera ang ama nina Abram, Nahor at Haran. Si Haran ang ama ni Lot. 28 Namatay si Haran doon sa Ur na sakop ng mga Caldeo,[a] sa lugar mismo kung saan isinilang siya. Namatay siya habang buhay pa ang ama niyang si Tera. 29 Naging asawa ni Abram si Sarai, at si Nahor ay naging asawa ni Milca. Ang ama ni Milca at ng kapatid niyang si Isca ay si Haran. 30 Si Sarai ay hindi magkaanak dahil siyaʼy baog.
31 Umalis si Tera sa Ur na sakop ng mga Caldeo. Kasama niya ang anak niyang si Abram, ang kanyang manugang na si Sarai, at ang apo niyang si Lot na anak ni Haran. Papunta sana sila sa Canaan, pero pagdating nila sa Haran doon na lamang sila tumira. 32 Doon namatay si Tera sa edad na 205.[b]
Ang Pagtawag ng Dios kay Abram
12 Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo, at kahit ang sambahayan ng iyong ama, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.
2 Gagawin kong isang tanyag na bansa ang lahi mo.
Pagpapalain kita at magiging tanyag ang iyong pangalan.
Sa pamamagitan mo, marami ang pagpapalain.
3 Pagpapalain ko ang magmamagandang loob sa iyo.
Pero isusumpa ko naman ang susumpa sa iyo.
Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.”
4-5 Kaya umalis si Abram sa Haran at pumunta sa Canaan, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya. Nasa 75 taong gulang noon si Abram. Sumama sa kanya ang pamangkin niyang si Lot. Kasama rin niya ang asawa niyang si Sarai at ang lahat ng ari-arian at aliping natipon nila sa Haran.
6 Pagdating nila sa Canaan, nagpatuloy sila hanggang sa nakarating sa malaking puno[c] ng Moreh roon sa Shekem. (Nang panahong iyon, naroon pa ang mga Cananeo). 7 Pagkatapos, nagpakita ang Panginoon kay Abram at sinabi sa kanya, “Ang lupaing ito ay ibibigay ko sa mga lahi mo.” Kaya gumawa ng altar si Abram para sa Panginoon.
8 Mula roon, lumipat sila sa bundok na nasa silangan ng Betel, at doon sila nagtayo ng tolda, sa kalagitnaan ng Betel at Ai. Ang Betel ay nasa kanluran at ang Ai naman ay nasa silangan. Gumawa rin doon si Abram ng altar at sumamba sa Panginoon.
Ang Paring si Melkizedek
7 Itong si Melkizedek ay hari noon sa Salem, at pari ng Kataas-taasang Dios. Nang pauwi na si Abraham mula sa pakikipaglaban sa mga haring nilupig niya, sinalubong siya ni Melkizedek at pinagpala. 2 Pagkatapos, ibinigay sa kanya ni Abraham ang ikapu ng lahat ng nasamsam niya sa labanan. Ang kahulugan ng pangalang Melkizedek ay “Hari ng Katuwiran.” At dahil hari siya ng Salem, nangangahulugan na siyaʼy “Hari ng Kapayapaan.” 3 Walang naisulat tungkol sa kanyang ama at ina o maging sa mga ninuno niya. At wala ring naisulat tungkol sa kanyang kapanganakan at kamatayan. Katulad siya ng Anak ng Dios; ang pagkapari niyaʼy walang hanggan. 4 Isipin nʼyo na lang kung gaano kadakila si Melkizedek: Kahit na si Abraham na ama ng ating lahi ay nagbigay sa kanya ng ikapu mula sa lahat ng nasamsam niya sa labanan. 5 Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga paring mula sa lahi ni Levi ang siyang tatanggap ng ikapu mula sa mga kapwa nila Judio, kahit na nagmula silang lahat kay Abraham. 6 Hindi kabilang si Melkizedek sa lahi ni Levi, pero tumanggap siya ng ikapu mula kay Abraham at pinagpala pa niya si Abraham, ang taong pinangakuan ng Dios. 7 At alam nating mas mataas ang nagpapala kaysa sa pinagpapala. 8 Kung tungkol sa mga paring mula sa lahi ni Levi na tumatanggap ng ikapu, mga tao lang sila na may kamatayan. Pero pinatutunayan ng Kasulatan na si Melkizedek na tumanggap ng ikapu mula kay Abraham ay nananatiling buhay. 9 At masasabi natin na kahit si Levi, na ang angkan niya ang tumatanggap ng ikapu, ay nagbigay din ng kanyang ikapu sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat nang magbigay si Abraham kay Melkizedek, masasabi nating si Levi ay nasa katawan pa ng ninuno niyang si Abraham.
11 Alam natin na ang Kautusang ibinigay ng Dios sa mga Judio ay batay sa pagkapari na nanggaling sa lahi ni Levi. Kung makakamtan sa pamamagitan ng mga ginagawa ng mga paring ito ang pagiging matuwid, hindi na sana kakailanganin pa ang ibang pari na katulad ng pagkapari ni Melkizedek, na iba sa pagkapari ni Aaron. 12 At kung papalitan ang pagkapari, kailangan ding palitan ang Kautusan. 13-14 Ang ating Panginoong Jesus na siyang tinutukoy na ipinalit sa mga pari ay kabilang sa ibang lahi, dahil malinaw na galing siya sa lahi ni Juda at hindi kay Levi. At wala pang naglingkod kahit kailan bilang pari mula sa lahi ni Juda. Sapagkat nang sabihin ni Moises kung sino ang maaaring maging pari, wala siyang sinabi tungkol sa lahi ni Juda.
Si Jesus ay Katulad ni Melkizedek
15 Lalo pang naging malinaw na pinalitan na ang mga paring mula sa lahi ni Levi nang magkaroon ng ibang pari na gaya ni Melkizedek. 16 Naging pari siya, hindi dahil sa lahi niya ayon sa Kautusan, kundi dahil sa makapangyarihan niyang buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya: “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melkizedek.”[a]
16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umuwi ka muna at isama mo rito ang iyong asawa.” 17 “Wala po akong asawa,” sagot ng babae. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sinabi mo na wala kang asawa, 18 dahil lima na ang naging asawa mo, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo tunay na asawa. Nagsasabi ka nga ng totoo.” 19 Sumagot ang babae, “Sa tingin ko, isa po kayong propeta. 20 Ang aming mga ninuno ay sumamba sa Dios sa bundok na ito, pero kayong mga Judio ay nagsasabi na sa Jerusalem lang dapat sumamba ang mga tao.” 21 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maniwala ka sa akin; darating ang panahon na hindi na kayo sasamba sa Ama sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Kayo na mga Samaritano ay hindi nakakakilala sa sinasamba ninyo. Ngunit kilala naming mga Judio ang aming sinasamba, dahil sa pamamagitan namin ay ililigtas ng Dios ang mga tao. 23 Tandaan mo, darating ang panahon, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan. Ganito ang uri ng mga sumasamba na hinahanap ng Ama. 24 Ang Dios ay espiritu, kaya ang sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan.”
25 Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesias na tinatawag ding Cristo. At pagdating niya, ipapaliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” 26 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Akong nagsasalita sa iyo ngayon ang tinutukoy mo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®