Book of Common Prayer
Papuri sa Dios na Tagapagligtas
146 Purihin ang Panginoon!
Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
2 Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
4 Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
5 Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
6 na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
7 Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
8 Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
pinalalakas ang mga nanghihina,
at ang mga matuwid ay minamahal niya.
9 Iniingatan niya ang mga dayuhan,
tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.
10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
Papuri sa Dios na Makapangyarihan
147 Purihin ang Panginoon!
Napakabuting umawit ng pagpupuri sa ating Dios.
Napakabuti at nararapat lang na siya ay purihin.
2 Itinatayong muli ng Panginoon ang Jerusalem,
at muli niyang tinitipon ang mga nabihag na Israelita.
3 Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo,
at ginagamot ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman
at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan.
5 Makapangyarihan ang ating Panginoon.
Ang kanyang karunungan ay walang hangganan.
6 Tinutulungan ng Panginoon ang mga inaapi,
ngunit nililipol niya nang lubos ang masasama.
7 Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon.
Tumugtog kayo ng alpa para sa ating Dios.
8 Pinupuno niya ng mga ulap ang kalawakan,
at pinauulanan niya ang mundo,
at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.
9 Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at ang mga inakay na uwak kapag dumadaing ang mga ito.
10 Hindi siya nalulugod sa lakas ng mga kabayo o sa kagitingan ng mga kawal.
11 Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa kanya
at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
12 Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem!
13 Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan,
at kayoʼy kanyang pinagpapala.
14 Binibigyan niya ng kapayapaan ang inyong lugar,
at binubusog niya kayo ng pinakamabuting trigo.
15 Inuutusan niya ang mundo,
at agad naman itong sumusunod.
16 Inilalatag niya sa lupa ang nyebe na parang mga puting kumot,
at ikinakalat na parang abo.
17 Nagpapadala siya ng ulan na yelo na parang maliliit na bato.
Kahit sino ay walang makatagal sa lamig nito.
18 Sa kanyang utos, ang yelo ay natutunaw.
Pinaiihip niya ang hangin, at ang yelo ay nagiging tubig na umaagos.
19 Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.
20 Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;
hindi nila alam ang kanyang mga utos.
Purihin ang Panginoon!
Pagpupuri sa Dios
111 Purihin ang Panginoon!
Buong puso kong pasasalamatan ang Panginoon sa pagtitipon ng mga matuwid.
2 Napakadakila ng mga gawa ng Panginoon;
iniisip ito ng lahat ng nagagalak sa kanyang mga gawa.
3 Ang lahat ng kanyang mga gawa ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at karangalan.
At ang kanyang katuwiran ay nagpapatuloy magpakailanman.
4 Ipinaaalala niya ang kanyang mga kahanga-hangang gawa.
Siya ay mapagbiyaya at mahabagin.
5 Binibigyan niya ng pagkain ang mga may takot sa kanya,
at ang kanyang kasunduan sa kanila ay hindi niya kinakalimutan.
6 Ipinakita niya sa kanyang mga mamamayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga lupain ng ibang mga bansa.
7 Tapat at matuwid ang lahat niyang ginagawa,
at mapagkakatiwalaan ang lahat niyang mga utos.
8 Ang kanyang mga utos ay mananatili magpakailanman,
at itoʼy ibinigay niya nang buong katapatan at ayon sa katuwiran.
9 Tinubos niya ang kanyang mga mamamayan,
at gumawa siya ng kasunduan na pangwalang hanggan.
Banal siya at kahanga-hanga.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ang pinagmumulan ng karunungan.
Lahat ng sumusunod sa kanyang mga utos ay may mabuting pang-unawa.
Purihin siya magpakailanman.
Mapalad ang Taong may Takot sa Panginoon
112 Purihin ang Panginoon!
Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
2 Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
dahil ang angkan ng mga namumuhay nang matuwid ay pagpapalain.
3 Yayaman ang kanyang sambahayan,
at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
4 Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid,
at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
5 Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
6 Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan
at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
7 Hindi siya matatakot sa masamang balita,
dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
8 Hindi siya matatakot o maguguluhan,
dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
9 Nagbibigay siya sa mga dukha,
at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
Ang kanyang kakayahan ay lalo pang dadagdagan ng Dios upang siyaʼy maparangalan.
10 Makikita ito ng mga taong masama at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit, at parang matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
2 Purihin nʼyo ang Panginoon,
ngayon at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.
4 Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
5 Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
6 Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
7 Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
8 At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
mula sa kanyang mga mamamayan.
9 Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Ang Paglikha
1 Nang pasimula, nilikha ng Dios ang langit at ang lupa. 2 Ang mundo noon ay wala pang anyo at wala pang laman. Ang tubig na bumabalot sa mundo ay balot ng kadiliman. At ang Espiritu ng Dios[a] ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig. 3 Sinabi ng Dios, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga ng liwanag. 4 Nasiyahan ang Dios sa liwanag na nakita niya. Pagkatapos, inihiwalay niya ang liwanag sa kadiliman. 5 Tinawag niyang “araw” ang liwanag, at “gabi” naman ang kadiliman. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang unang araw.
6 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng pagitan na maghihiwalay sa tubig sa dalawang bahagi.” 7 At nagkaroon nga ng pagitan na naghihiwalay sa tubig sa itaas at sa tubig sa ibaba. 8 Ang pagitang itoʼy tinawag ng Dios na “kalawakan.” Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalawang araw.
9 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magsama sa isang lugar ang tubig sa mundo para lumitaw ang tuyong bahagi.” At iyon nga ang nangyari. 10 Tinawag niyang “lupa” ang tuyong lugar, at “dagat” naman ang nagsamang tubig. Nasiyahan ang Dios sa nakita niya.
11 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magsitubo sa lupa ang lahat ng uri ng halaman, ang mga tanim na nagbubunga ng butil, at ang mga punongkahoy na namumunga ayon sa kani-kanilang uri.” At iyon nga ang nangyari. 12 Tumubo sa lupa ang lahat ng uri ng halaman, ang mga tanim na nagbubunga ng butil, at ang mga punongkahoy na namumunga ayon sa kani-kanilang uri. Nasiyahan ang Dios sa nakita niya. 13 Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikatlong araw.
14 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng mga ilaw sa kalangitan para ihiwalay ang araw sa gabi, at magsilbing palatandaan ng pagsisimula ng mga panahon,[b] araw at taon. 15 Magningning ang mga ito sa kalangitan para magbigay-liwanag sa mundo.” At iyon nga ang nangyari. 16 Nilikha ng Dios ang dalawang malaking ilaw: ang pinakamalaki ay magliliwanag kung araw, at ang mas malaki ay magliliwanag kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. 17-18 Inilagay ng Dios ang mga ito sa kalangitan para magbigay-liwanag sa mundo kung araw at gabi, at para ihiwalay ang liwanag sa dilim. At nasiyahan ang Dios sa nakita niya. 19 Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikaapat na araw.
20 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng ibaʼt ibang hayop sa tubig at magsilipad ang ibaʼt ibang hayop[c] sa himpapawid.” 21 Kaya nilikha ng Dios ang malalaking hayop sa dagat, at ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa tubig, at ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Nasiyahan ang Dios sa nakita niya. 22 At binasbasan niya ang mga ito. Sinabi niya, “Magpakarami kayo, kayong mga hayop sa tubig at mga hayop na lumilipad.” 23 Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalimang araw.
24 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng ibaʼt ibang uri ng hayop sa lupa: mga hayop na maamo at mailap, malalaki at maliliit.” At iyon nga ang nangyari. 25 Nilikha ng Dios ang lahat ng ito at nasiyahan siya sa nakita niya.
26 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Likhain natin ang tao ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa lahat ng uri ng hayop: mga lumalangoy, lumilipad, lumalakad at gumagapang.” 27 Kaya nilikha ng Dios ang tao, lalaki at babae ayon sa wangis niya. 28 Binasbasan niya sila at sinabi, “Magpakarami kayo para mangalat ang mga lahi ninyo at mamahala sa buong mundo. At pamahalaan ninyo ang lahat ng hayop.”
29 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Ibinibigay ko sa inyo ang mga tanim na namumunga ng butil pati ang mga punongkahoy na namumunga para inyong kainin. 30 At ibinibigay ko sa lahat ng hayop ang lahat ng luntiang halaman bilang pagkain nila.” At iyon nga ang nangyari. 31 Pinagmasdan ng Dios ang lahat niyang nilikha at lubos siyang nasiyahan. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikaanim na araw.
2 Natapos likhain ng Dios ang kalangitan, ang mundo at ang lahat ng naroon. 2 Natapos niya ito sa loob ng anim na araw at nagpahinga siya sa ikapitong araw. 3 Binasbasan niya ang ikapitong araw at itinuring na di-pangkaraniwang araw, dahil sa araw na ito nagpahinga siya nang matapos niyang likhain ang lahat.
3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo, ibinigay niya sa atin ang lahat ng pagpapalang espiritwal mula sa langit. Bago pa man niya likhain ang mundo, pinili na niya tayo para maging banal at walang kapintasan sa paningin niya. Dahil sa pag-ibig niya, 5 noong una paʼy itinalaga na niya tayo para maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ayon na rin ito sa kanyang layunin at kalooban. 6 Purihin natin ang Dios dahil sa kamangha-mangha niyang biyaya na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak.
7-8 Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tinubos tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad ang mga kasalanan natin. Napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Dios. Binigyan niya tayo ng karunungan at pang-unawa 9 para maunawaan ang kanyang lihim na plano na nais niyang matupad sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng itinakdang panahon. At ang plano niyaʼy pag-isahin ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, at ipasailalim sa kapangyarihan ni Cristo.
11 Ginagawa ng Dios ang lahat ng bagay ayon sa plano niya at kalooban. At ayon nga sa plano niya noon pang una, pinili niya kami para maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo. 12 Ginawa niya ito para kaming mga naunang sumampalataya kay Cristo ay magbigay-puri sa kanya. 13 Kayo man ay napabilang na kay Cristo nang marinig ninyo ang katotohanan, ang Magandang Balita kung paano kayo maliligtas. Sa pagsampalataya ninyo sa kanya, ibinigay niya ang Banal na Espiritu na kanyang ipinangako bilang tanda na pagmamay-ari na niya kayo. 14 Ang Banal na Espiritu ang katibayan na matatanggap natin mula sa Dios ang ipinangako niya sa atin bilang mga anak niya, hanggang sa matanggap natin ang lubos na kaligtasan. At dahil dito, papupurihan siya!
Si Jesus ang Tupa ng Dios
29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya. Sinabi niya sa mga tao, “Narito na ang Tupa ng Dios na ihahandog upang mag-alis ng kasalanan ng mga tao sa mundo! 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin ko, ‘May isang darating na kasunod ko, mas dakila siya kaysa sa akin, dahil nariyan na siya bago pa ako ipanganak.’ 31 Noong unaʼy hindi ko rin kilala kung sino siya. Ngunit naparito akong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”
32 Pagkatapos, nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Banal na Espiritu na bumaba mula sa langit tulad ng isang kalapati at nanatili sa kanya. 33 Noong unaʼy hindi ko rin kilala kung sino siya, ngunit ang Dios na nag-utos sa akin na magbautismo sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Kapag nakita mong bumaba ang Banal na Espiritu at nanatili sa isang tao, ang taong iyon ang magbabautismo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko ito at nagpapatotoo ako na siya ang Anak ng Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®