Book of Common Prayer
Maskil(A) ni Etan na Ezrahita.
89 Aking aawitin ang iyong tapat na pag-ibig magpakailanman, O Panginoon,
sa pamamagitan ng aking bibig ay ipahahayag ko sa lahat ng salinlahi ang katapatan mo.
2 Sapagkat aking sinabi, ang tapat na pag-ibig ay matatatag kailanman,
itatag mo sa mga langit ang iyong katapatan.
3 “Ako'y nakipagtipan sa aking hinirang,
ako'y sumumpa kay David na aking lingkod:
4 ‘Ang(B) mga binhi mo'y itatatag ko magpakailanman,
at aking itatayo ang iyong trono para sa lahat ng salinlahi.’” (Selah)
5 Purihin nawa ng langit ang iyong mga kahanga-hangang gawa, O Panginoon,
ang katapatan mo sa kapulungan ng mga banal!
6 Sapagkat sino sa langit ang maihahambing sa Panginoon?
Sino sa mga nilalang sa langit ang gaya ng Panginoon,
7 isang Diyos na kinatakutan sa kapulungan ng mga banal,
dakila at kakilakilabot kaysa lahat ng nasa palibot niya?
8 O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
sino ang makapangyarihang gaya mo, O Panginoon?
Ang iyong katapatan ay nakapaligid sa iyo.
9 Iyong pinamumunuan ang pagngangalit ng dagat;
kapag tumataas ang mga alon nito, ang mga iyon ay pinatatahimik mo.
10 Iyong dinurog ang Rahab na tulad sa pinatay,
pinangalat mo ng iyong makapangyarihang bisig ang iyong mga kaaway.
11 Ang langit ay iyo, maging ang lupa ay iyo,
ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay itinatag mo.
12 Ang hilaga at ang timog ay iyong nilalang,
ang Tabor at ang Hermon ay magalak na nagpuri sa iyong pangalan.
13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig;
malakas ang iyong kamay, mataas ang iyong kanang kamay.
14 Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan ng iyong trono,
ang tapat na pag-ibig at katapatan ay nagpapauna sa iyo.
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw,
na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O Panginoon;
16 na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw;
at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran.
17 Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas,
sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas.
18 Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa Panginoon,
ang aming hari sa Banal ng Israel.
19 Nang una ay nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga tapat na lingkod, at iyong sinabi,
“Aking ibinigay ang tulong sa isang makapangyarihan;
aking itinaas ang isang hinirang mula sa bayan.
20 Si(C) David na aking lingkod ay aking natagpuan,
ng aking banal na langis siya ay aking pinahiran,
21 na sa pamamagitan niya ang aking kamay ay maitatatag,
ang bisig ko rin ang magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kaaway;
ni hindi siya masasaktan ng masama.
23 Dudurugin ko ang kanyang mga kaaway sa harapan niya,
at ibubuwal ko ang mga napopoot sa kanya.
24 Ang aking pagtatapat at taimtim na pag-ibig ay magiging kanya,
at sa pangalan ko'y matataas ang sungay niya.
25 Aking itatatag ang kanyang kamay sa dagat,
at ang kanyang kanang kamay sa mga ilog.
26 Siya'y dadaing sa akin, ‘Ikaw ay Ama ko,
Malaking Bato ng aking kaligtasan at Diyos ko.’
27 Gagawin(D) ko siyang panganay,
ang pinakamataas sa mga hari sa lupa.
28 Iingatan ko para sa kanya magpakailanman ang pag-ibig kong tapat,
at ang tipan ko para sa kanya magiging matatag.
29 Aking itatatag ang kanyang lahi magpakailanman,
at ang kanyang trono na gaya ng mga araw ng langit.
30 Kung tatalikuran ang aking kautusan ng kanyang mga anak,
at hindi lumakad sa aking mga batas,
31 at ang aking mga tuntunin ay kanilang labagin,
at ang aking mga utos ay hindi nila sundin,
32 kung magkagayo'y ang kanilang mga pagsuway, sa pamamagitan ng pamalo ay aking parurusahan,
at sa pamamagitan ng mga hampas ang kanilang kasamaan.
33 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pagmamahal,
o maging hindi tunay sa aking katapatan.
34 Ang aking tipan ay hindi ko lalabagin,
ni ang salita na lumabas sa aking mga labi ay aking babaguhin.
35 Minsan at magpakailanman ay sumumpa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan,
kay David ay hindi ako magsisinungaling.
36 Ang kanyang mga lahi ay mananatili magpakailanman;
ang kanyang trono ay magiging gaya ng araw sa aking harapan.
37 Gaya ng buwan, ito ay matatatag magpakailanman,
at tapat ang saksi sa kalangitan.” (Selah)
38 Ngunit ngayo'y iyong itinakuwil at tinanggihan,
ikaw ay punô ng galit sa iyong pinahiran ng langis.
39 Iyong tinalikuran ang tipan ng iyong lingkod;
dinungisan mo ang kanyang korona sa alabok.
40 Giniba mo ang lahat ng mga pader niya,
ang kanyang mga tanggulan ay iginuho mo pa.
41 Sinamsaman siya ng lahat ng dumadaan sa lansangan,
siya'y naging katawa-tawa sa kanyang kapwa.
42 Iyong itinaas ang kanang kamay ng kanyang mga kaaway;
iyong pinagalak ang lahat niyang mga kalaban.
43 Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kanyang tabak,
at hindi mo siya itinayo sa pakikipaglaban.
44 Ginawa mong maglaho ang kanyang kakinangan,
at sa lupa'y inihagis mo ang kanyang trono.
45 Iyong pinaikli ang mga araw ng kanyang kabataan,
tinakpan mo siya ng kahihiyan. (Selah)
46 O Panginoon, hanggang kailan ka magkukubli? Magpakailanman?
Ang pagniningas ng iyong poot na parang apoy ay hanggang kailan?
47 Alalahanin mo kung ano ang sukat ng buhay ko,
sa anong walang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao!
48 Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan?
Maililigtas ba niya ang kanyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)
49 Panginoon, nasaan ang dati mong tapat na pag-ibig,
na iyong isinumpang may katapatan kay David?
50 Alalahanin mo, O Panginoon, kung paano nilibak ang lingkod mo,
kung paanong sa aking dibdib ang paghamak ng mga bayan ay taglay ko,
51 na itinuya ng iyong mga kaaway, O Panginoon,
na sa pamamagitan nito ay kanilang pinagtatawanan ang mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
Amen at Amen.
24 Ang hari ng Asiria ay nagdala ng mga tao mula sa Babilonia, Kut, Iva, Hamat, at Sefarvaim at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria sa halip na mga mamamayan ng Israel. Kanilang inangkin ang Samaria at nanirahan sa mga lunsod nito.
25 Sa pasimula ng kanilang paninirahan doon, hindi sila natakot sa Panginoon kaya't ang Panginoon ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila at pinatay ang ilan sa kanila.
26 Kaya't sinabi sa hari ng Asiria, “Hindi nalalaman ng mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga lunsod ng Samaria ang kautusan ng diyos ng lupain. Kaya't siya'y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at kanilang pinapatay sila sapagkat hindi nila nalalaman ang batas ng diyos sa lupain.”
27 Kaya't nag-utos ang hari ng Asiria, “Dalhin ninyo roon ang isa sa mga pari na inyong dinala mula roon. Hayaan siyang umalis at tumira roon at kanyang turuan sila ng kautusan ng diyos ng lupain.”
28 Kaya't isa sa mga pari na kanilang dinala mula sa Samaria ay dumating at nanirahan sa Bethel, at tinuruan sila kung paano dapat matakot sa Panginoon.
29 Ngunit bawat bansa ay gumawa pa rin ng kanilang sariling mga diyos at inilagay sa matataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, bawat bansa sa mga lunsod na kanilang tinitirhan;
30 ginawa ng mamamayan ng Babilonia ang Sucot-benot, ginawa ng mamamayan ng Kut ang Nergal, at ginawa ng mamamayan ng Hamat ang Asima.
31 Ginawa naman ng mga Aveo ang Nibhaz at Tartac, at sinunog ng mga Sefarvita ang kanilang mga anak sa apoy sa Adramalec at sa Anamelec, na mga diyos ng Sefarvaim.
32 Natakot din sila sa Panginoon, at pumili sa gitna nila ng lahat ng uri ng mga tao bilang mga pari sa matataas na dako, na naghandog para sa kanila sa mga dambana ng matataas na dako.
33 Sa gayon sila natakot sa Panginoon, subalit naglingkod din sa kanilang sariling mga diyos, ayon sa paraan ng mga bansang pinagkunan sa kanila.
34 Hanggang(A) sa araw na ito ay ginagawa nila ang ayon sa mga dating kaugalian. Sila'y hindi natatakot sa Panginoon, at hindi sila sumusunod sa mga tuntunin, ni utos, ni batas, ni mga kautusan na iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Jacob, na kanyang pinangalanang Israel.
35 Ang(B) Panginoon ay nakipagtipan sa kanila at inutusan sila, “Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos, o magsisiyukod man sa kanila, o maglilingkod man sa kanila, o maghahandog man sa kanila;
36 kundi(C) matatakot kayo sa Panginoon, na siyang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto na may dakilang kapangyarihan at may nakaunat na kamay. Luluhod kayo sa kanya, at sa kanya kayo maghahandog.
37 Ang mga tuntunin, mga batas, ang kautusan, at ang utos na kanyang sinulat para sa inyo ay lagi ninyong maingat na gawin. Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos,
38 at huwag ninyong kalilimutan ang tipan na aking ginawa sa inyo. Huwag kayong matakot sa ibang mga diyos,
39 kundi matakot kayo sa Panginoon ninyong Diyos at kanyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ninyong mga kaaway.”
40 Gayunma'y ayaw nilang makinig kundi kanilang ginawa ang ayon sa kanilang dating kaugalian.
41 Kaya't habang ang mga bansang ito ay natatakot sa Panginoon, ay naglingkod din sila sa kanilang mga larawang inanyuan. Gayundin ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak—kung ano ang ginawa ng kanilang mga ninuno ay gayon ang ginawa nila hanggang sa araw na ito.
Tungkol sa Walang Asawa at sa Balo
25 Ngayon, tungkol sa mga dalaga[a] ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit ibinibigay ko ang aking kuru-kuro bilang isa na sa pamamagitan ng habag ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan.
26 Sa palagay ko, dahil sa kasalukuyang kagipitan, makakabuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan.
27 Nakatali ka ba sa asawa? Huwag mong sikaping mahiwalay. Ikaw ba ay malaya sa asawa? Huwag kang humanap ng asawa.
28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, ay hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, ay hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga tulad nila ay magkakaroon ng kahirapan sa buhay na ito[b] at sinisikap ko lamang na iligtas kayo.
29 Mga kapatid, ang ibig kong sabihin ay maigsi na ang panahon. Mula ngayon, ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa walang asawa;
30 at ang mga umiiyak ay maging tulad sa mga hindi umiiyak, at ang nagagalak ay maging tulad sa hindi nagagalak; at ang mga bumibili ay maging tulad sa mga walang pag-aari,
31 at ang mga may pakikitungo sa sanlibutan, ay maging parang walang pakikitungo rito, sapagkat ang kasalukuyang anyo ng sanlibutang ito ay lumilipas.
Tungkol sa Pagkabalisa(A)
25 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit?
26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila naghahasik, o gumagapas, o nag-iimbak man sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit na mahalaga kayo kaysa kanila?
27 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay mapapahaba ang kanyang buhay?[a]
28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man.
29 Gayunma'y(B) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagdamit nang tulad sa isa sa mga ito.
30 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa kalan, hindi ba lalo niya kayong bibihisan, O kayong maliliit ang pananampalataya?
31 Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’
32 Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.
33 Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian[b] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.
34 “Kaya't huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001