Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 56-58

Sa(A) Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Kalapati sa Malayong mga Puno ng Roble. Miktam ni David, nang hulihin siya ng mga Filisteo sa Gat.

56 Maawa ka sa akin, O Diyos ko, sapagkat niyuyurakan ako ng mga tao;
    buong araw na pag-aaway, inaapi niya ako,
sa buong araw ay niyuyurakan ako ng mga kaaway,
    sapagkat marami ang may kapalaluang sa akin ay lumalaban.
Kapag natatakot ako,
    aking inilalagak ang tiwala ko sa iyo.
Sa Diyos na pinupuri ko ang salita,
    sa Diyos ay inilagay ko ang aking tiwala,
    ang laman sa akin ay ano ang magagawa?

Buong araw ay sinisikap nilang saktan ang aking kalagayan;
    lahat ng kanilang mga pag-iisip ay laban sa aking ikasasama.
Sila'y nagsama-sama, sila'y nagsisipagkubli,
    binabantayan nila ang aking mga hakbang,
gaya ng kanilang pag-aabang sa aking buhay.
    Kaya't gantihan mo sila sa kanilang kasamaan;
    sa galit ay ilugmok mo, O Diyos, ang mga bayan!

Iyong ibinilang ang aking mga paglalakbay,
    ilagay mo ang aking mga luha sa botelya mo!
    Wala ba sila sa aklat mo?
Kung magkagayo'y tatalikod ang aking mga kaaway
    sa araw na ako'y tumawag.
    Ito'y nalalaman ko, sapagkat ang Diyos ay kakampi ko.
10 Sa Diyos, na ang mga salita ay aking pinupuri,
    sa Panginoon, na ang mga salita ay aking pinupuri,
11 sa Diyos ay walang takot na nagtitiwala ako.
    Anong magagawa sa akin ng tao?
12 Ang iyong mga panata ay sa akin, O Diyos,
    ako'y mag-aalay ng mga handog ng pasasalamat sa iyo.
13 Sapagkat iniligtas mo sa kamatayan ang aking kaluluwa,
    at sa pagkahulog ang aking mga paa,
upang ako'y makalakad sa harapan ng Diyos
    sa liwanag ng buhay.

Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wawasakin. Miktam ni David, nang siya ay tumakas kay Saul sa kuweba.

57 Maawa ka sa akin, O Diyos, sa akin ay maawa ka,
    sapagkat nanganganlong sa iyo ang aking kaluluwa,
sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako,
    hanggang sa makaraan ang mga pagkawasak na ito.
Sa Diyos na Kataas-taasan ako'y dumaraing,
    sa Diyos na nagsasagawa ng lahat na mga bagay sa akin.
Siya'y magsusugo mula sa langit at ako'y ililigtas
    ilalagay niya sa kahihiyan ang sa akin ay yumuyurak, (Selah)
Susuguin ng Diyos ang kanyang pag-ibig na tapat at ang kanyang katapatan!

Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon,
    ako'y nahihiga sa gitna ng mga taong bumubuga ng apoy,
sa mga anak ng tao na ang mga ngipin ay sibat at mga pana,
    at matalas na mga tabak ang kanilang dila.
Mabunyi ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit, ikaw naging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Naglagay sila ng silo para sa aking mga hakbang;
    ang aking kaluluwa ay nakayuko.
Sila'y gumawa ng isang hukay sa aking daan,
    ngunit sila mismo ang doon ay nabuwal. (Selah)
Ang aking puso ay tapat, O Diyos,
    ang aking puso ay tapat!
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri!
    Gumising ka, aking kaluwalhatian!
Gumising ka, O lira at alpa!
    Gigisingin ko ang bukang-liwayway!
Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan.
    Ako'y aawit sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa.
10 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila hanggang sa mga langit,
    ang iyong katapatan hanggang sa mga ulap.

11 O Diyos, sa itaas ng kalangitan, ikaw ay maging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David.

58 Tunay bang kayo'y nagsasalita nang matuwid, kayong mga diyos?
    Matuwid ba kayong humahatol, O kayong mga anak ng tao?
Hindi, sa inyong mga puso ay nagsisigawa kayo ng kamalian;
    sa lupa ang karahasan ng inyong mga kamay ay inyong tinitimbang.

Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata,
    silang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay naliligaw mula sa pagkapanganak.
Sila'y may kamandag na gaya ng kamandag ng ahas,
    gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kanyang pandinig,
kaya't hindi nito naririnig ang tinig ng mga engkantador,
    ni ang tusong manggagayuma.

O Diyos, basagin mo ang mga ngipin sa kanilang mga bibig;
    tanggalin mo ang mga pangil ng mga batang leon, O Panginoon!
Parang tubig na papalayong umaagos ay maglaho nawa sila,
    kapag iniumang na niya ang kanyang mga palaso, maging gaya nawa sila ng mga pirasong naputol.
Maging gaya nawa ng kuhol na natutunaw habang nagpapatuloy,
    gaya ng wala sa panahong panganganak na hindi nakakita ng araw kailanman.
Bago makaramdam ang inyong mga palayok sa init ng dawag,
    kanyang kukunin ang mga iyon ng ipu-ipo ang sariwa at gayundin ang nagniningas.

10 Magagalak ang matuwid kapag nakita niya ang paghihiganti;
    kanyang huhugasan ang kanyang mga paa ng dugo ng masama.
11 Sasabihin ng mga tao, “Tiyak na sa matuwid ay may gantimpala,
    tiyak na may Diyos na humahatol sa lupa.”

Mga Awit 64-65

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

64 Pakinggan mo ang tinig ko, O Diyos, sa aking karaingan;
    ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
Ikubli mo ako sa mga lihim na pakana ng masasama,
    sa panggugulo ng mga gumagawa ng kasamaan,
na naghahasa ng kanilang mga dila na parang espada,
    na nag-aakma ng masasakit na salita gaya ng mga pana,
upang patagong panain nila ang walang sala;
    bigla nilang pinapana siya at sila'y hindi matatakot.
Sila'y nagpapakatatag sa kanilang masamang layunin;
    ang paglalagay ng bitag ay pinag-uusapan nila nang lihim,
sinasabi, “Sinong makakakita sa atin?”
    Sila'y kumakatha ng mga kasamaan.
“Kami'y handa sa isang pakanang pinag-isipang mabuti.”
    Sapagkat ang panloob na isipan at puso ng tao ay malalim!

Ngunit itutudla ng Diyos ang kanyang palaso sa kanila,
    sila'y masusugatang bigla.
Upang siya'y kanilang maibuwal, ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila;
    at mapapailing lahat ng makakakita sa kanila.
At lahat ng mga tao ay matatakot;
    kanilang ipahahayag ang ginawa ng Diyos,
    at bubulayin ang kanyang ginawa.

10 Ang taong matuwid ay magagalak sa Panginoon,
    at sa kanya ay manganganlong,
at ang lahat ng matuwid sa puso ay luluwalhati!

Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.

65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
    at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
    O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
    tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
    upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
    ng iyong templong banal!

Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
    O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
    at ng mga dagat na pinakamalayo.
Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
    palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
    ng ugong ng kanilang mga alon,
    at ng pagkakaingay ng mga bayan.
Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.

Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
    iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
    ang kanilang butil ay inihahanda mo,
    sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
    iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
    at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
    ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
    ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
    ang mga libis ay natatakpan ng butil,
    sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.

1 Mga Hari 21:1-16

Hinangad ni Ahab ang Ubasan ni Nabat

21 Pagkatapos ay naganap ang sumusunod na mga pangyayari: Si Nabat na Jezreelita ay mayroong isang ubasan sa Jezreel na malapit sa bahay ni Ahab na hari sa Samaria.

Sinabi ni Ahab kay Nabat, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, upang mapasaakin bilang taniman ng gulay, sapagkat malapit iyon sa aking bahay. Aking papalitan iyon ng mas mainam na ubasan kaysa roon, o kung inaakala mong mabuti, aking ibibigay sa iyo ang halaga niyon sa salapi.”

Ngunit sinabi ni Nabat kay Ahab, “Huwag ipahintulot ng Panginoon na aking ibigay sa iyo ang pamana ng aking mga ninuno.”

Pumasok si Ahab sa kanyang bahay na yamot at malungkot dahil sa sinabi ni Nabat na Jezreelita sa kanya, sapagkat kanyang sinabi, “Hindi ko ibibigay sa iyo ang pamana ng aking mga ninuno.” Siya'y nahiga sa kanyang higaan, ipinihit ang kanyang mukha, at ayaw kumain ng pagkain.

Ngunit si Jezebel na kanyang asawa ay pumaroon sa kanya, at nagsabi, “Bakit ang iyong diwa ay bagabag at ayaw mong kumain ng pagkain?”

At sinabi niya sa kanya, “Sapagkat kinausap ko si Nabat na Jezreelita, at sinabi ko sa kanya, ‘Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan sa halaga nitong salapi; o kung hindi, kung iyong minamabuti, papalitan ko sa iyo ng ibang ubasan.’ Siya'y sumagot, ‘Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.’”

Sinabi ni Jezebel sa kanya, “Ikaw ba ngayon ang namamahala sa kaharian ng Israel? Bumangon ka, at kumain ng tinapay, at pasayahin mo ang iyong puso; ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabat na Jezreelita.”

Sa gayo'y sumulat siya ng mga liham sa pangalan ni Ahab, at tinatakan ng kanyang tatak. Ipinadala ang mga sulat sa matatanda at sa mga maharlika na naninirahang kasama ni Nabat sa kanyang lunsod.

Kanyang isinulat sa mga liham, “Magpahayag kayo ng isang ayuno, at ilagay ninyo si Nabat na puno ng kapulungan,

10 at maglagay kayo ng dalawang lalaking walang-hiya[a] sa harapan niya, at hayaang magsabi sila ng bintang laban sa kanya, na magsabi, ‘Iyong isinumpa ang Diyos at ang hari.’ Kaya't ilabas siya at batuhin upang siya'y mamatay.”

Pinatay si Nabat

11 At ginawa ng mga kalalakihan sa kanyang lunsod, ng matatanda at ng mga maharlika na naninirahan sa kanyang lunsod, kung ano ang ipinag-utos ni Jezebel sa kanila, ayon sa nasusulat sa mga sulat na kanyang ipinadala sa kanila.

12 Sila'y nagpahayag ng isang ayuno, at inilagay si Nabat sa unahan ng kapulungan.

13 Ang dalawang lalaking walang-hiya ay pumasok at umupo sa harapan niya. At isinakdal ng lalaking walang-hiya si Nabat sa harapan ng taong-bayan, na nagsasabi, “Isinumpa ni Nabat ang Diyos at ang hari.” Nang magkagayo'y kanilang inilabas siya sa bayan, at binato nila hanggang sa siya'y namatay.

14 Pagkatapos sila'y nagsugo kay Jezebel, na nagsasabi, “Si Nabat ay pinagbabato na. Patay na siya.”

15 Nang mabalitaan ni Jezebel na si Nabat ay pinagbabato at patay na, sinabi ni Jezebel kay Ahab, “Bumangon ka, angkinin mo ang ubasan ni Nabat na Jezreelita na kanyang ipinagkait na ibigay sa iyo sa halaga ng salapi. Sapagkat si Nabat ay hindi buháy, kundi patay.”

16 Nang mabalitaan ni Ahab na patay na si Nabat, bumangon si Ahab upang bumaba sa ubasan ni Nabat na Jezreelita, at angkinin ang ubasan.

1 Corinto 1:1-19

Pagbati

Si Pablo na tinawag upang maging apostol ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Sostenes na ating kapatid,

Sa(A) iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ginawang banal kay Cristo Jesus, mga tinawag na banal, kasama ng lahat na sa bawat lugar ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kanila at ating Panginoon:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ako ay laging nagpapasalamat sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus,

na sa lahat ng mga bagay ay pinayaman kayo sa kanya sa bawat uri ng pananalita at kaalaman,

kagaya ng patotoo ni Cristo na pinagtibay sa inyo.

Kaya't kayo'y hindi nagkukulang sa anumang kaloob habang kayo'y naghihintay sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Siya rin ang magpapalakas sa inyo hanggang sa katapusan, na hindi masusumbatan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Diyos ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo tungo sa pakikisama ng kanyang Anak, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya

10 Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayong lahat ay magsalita ng isang bagay lamang, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo'y magkaisa sa isang pag-iisip at layunin lamang.

11 Sapagkat iniulat sa akin ng mga kasamahan ni Cloe ang tungkol sa inyo, na sa inyo'y may mga pagtatalu-talo, mga kapatid ko.

12 Ang(B) ibig kong sabihin ay ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Ako'y kay Pablo,” o “Ako'y kay Apolos,” at “Ako'y kay Cefas,” at “Ako nama'y kay Cristo.”

13 Si Cristo ba ay nahati? Si Pablo ba ay ipinako sa krus dahil sa inyo? O kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo?

14 Ako(C) ay nagpapasalamat sa Diyos na hindi ko binautismuhan ang sinuman sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo;

15 baka masabi ng sinuman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko.

16 Binautismuhan(D) ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila, hindi ko alam kung ako ay may binautismuhan pang iba.

17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang magandang balita, hindi sa pamamagitan ng mahusay na pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan.

Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos

18 Sapagkat ang salita ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit sa atin na inililigtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos.

19 Sapagkat(E) nasusulat,

“Aking wawasakin ang karunungan ng marurunong,
    at ang pang-unawa ng mga matatalino ay aking bibiguin.”

Mateo 4:1-11

Tinukso ng Diyablo si Jesus(A)

Pagkatapos(B) nito, si Jesus ay dinala ng Espiritu Santo sa ilang upang tuksuhin ng diyablo.

Siya ay apatnapung araw at apatnapung gabing nag-ayuno, pagkatapos ay nagutom siya.

Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang mga batong ito ay maging tinapay.”

Ngunit(C) siya'y sumagot, “Nasusulat,

‘Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao,
    kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.’”

Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo sa banal na lunsod at inilagay siya sa taluktok ng templo,

at(D) sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,

‘Siya'y mag-uutos sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,’
    at ‘Aalalayan ka ng kanilang mga kamay,
baka masaktan ang iyong paa sa isang bato.’”

Sinabi(E) sa kanya ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”

Muli, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan, at ang karangyaan ng mga ito.

At sinabi niya sa kanya, “Ang lahat ng mga ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasamba sa akin.”

10 Sumagot(F) sa kanya si Jesus, “Lumayas ka, Satanas! sapagkat nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’”

11 Pagkatapos nito'y iniwan siya ng diyablo at dumating ang mga anghel at pinaglingkuran siya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001