Book of Common Prayer
Maskil para sa Maharlikang Kasalan
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora. Awit tungkol sa Pag-ibig.
45 Ang aking puso ay nag-uumapaw sa mabuting paksa,
ipinatutungkol ko ang aking mga salita sa hari;
ang aking dila ay gaya ng panulat ng bihasang manunulat.
2 Ikaw ang pinakamaganda sa mga anak ng mga tao;
ang biyaya ay ibinubuhos sa mga labi mo,
kaya't pinagpala ka ng Diyos magpakailanman.
3 Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, O makapangyarihan,
sa iyong kaluwalhatian at kamahalan!
4 At sa iyong kamahalan ay sumakay kang nananagumpay
para sa mga bagay ng katotohanan, at kaamuan at katuwiran;
ang iyong kanang kamay nawa ay magturo sa iyo ng kakilakilabot na mga gawa!
5 Ang iyong mga palaso ay matalas
sa puso ng mga kaaway ng hari,
ang mga bayan ay nabuwal sa ilalim mo.
6 Ang(A) iyong banal na trono ay magpakailanpaman.
Ang iyong setro ng kaharian ay setro ng katarungan;
7 iyong iniibig ang katuwiran at kinasusuklaman ang kasamaan.
Kaya't ang Diyos, ang iyong Diyos, ay pinahiran ka ng langis,
ng langis ng kagalakan na higit kaysa iyong mga kasamahan.
8 Lahat ng iyong mga damit ay mabango dahil sa mira, mga aloe, at kasia.
Mula sa palasyong garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na may kuwerdas.
9 Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa iyong mararangal na babae;
sa iyong kanang kamay ay nakatayo ang reyna na may ginto ng Ofir.
10 Pakinggan mo, O anak na babae, iyong isaalang-alang, at ikiling mo ang iyong pandinig,
kalimutan mo ang iyong bayan at ang bahay ng iyong magulang;
11 at nanasain ng hari ang iyong ganda;
yamang siya'y iyong panginoon, yumukod ka sa kanya.
12 At ang anak na babae ng Tiro ay magsisikap na kunin ang iyong pagtatangi na may kaloob;
at ang pinakamayaman sa mga bayan ay hahanap ng iyong kagandahang-loob.
13 Ang anak na babae ng hari ay puspos ng kaluwalhatian sa loob niya, mga gintong hinabi ang kasuotang nasa kanya.
14 Siya'y inihahatid sa hari na may kasuotang makulay,
ang mga birhen, kanyang mga kasama na sumusunod sa kanya, ay dadalhin sa kanya.
15 May kasayahan at kagalakan na inihahatid sila
habang sila'y nagsisipasok sa palasyo ng hari.
16 Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak,
gagawin mo silang mga pinuno sa buong lupa.
17 Aking ipapaalala sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan,
kaya't ang mga bayan ay magpapasalamat sa iyo magpakailanpaman.
Kataas-taasang Pinuno
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
47 Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan!
Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan!
2 Sapagkat ang Panginoon, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot;
isang dakilang hari sa buong lupa.
3 Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya,
at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
4 Kanyang pinili ang pamanang para sa atin,
ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah)
5 Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw,
ang Panginoon na may tunog ng trumpeta.
6 Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
7 Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa;
magsiawit kayo ng mga papuri na may awit!
8 Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa;
ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono.
9 Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon
bilang bayan ng Diyos ni Abraham;
sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos;
siya'y napakadakila.
Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.
48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
2 Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
3 Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.
4 Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
sila'y dumating na magkakasama.
5 Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
6 Sila'y nanginig,
nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
7 Sa pamamagitan ng hanging silangan
ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
8 Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)
9 Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11 Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
dahil sa iyong mga paghatol!
12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14 na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.
23 Nang ikatatlumpu't isang taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari ng labindalawang taon; anim na taong naghari siya sa Tirsa.
24 At binili niya ang burol ng Samaria mula kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak. Siya'y nagtayo ng kuta sa burol at tinawag ang pangalan ng lunsod na kanyang itinayo na Samaria, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol.
25 Gumawa si Omri ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at gumawa ng mas masama kaysa lahat ng nauna sa kanya.
26 Sapagkat siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa kanyang mga kasalanan na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
27 Ang iba pa sa mga gawa ni Omri na kanyang ginawa, at ang kapangyarihang kanyang ipinamalas, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga hari ng Israel?
28 Natulog si Omri na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Samaria. Si Ahab na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Ahab ay Naghari sa Israel
29 Nang ikatatlumpu't walong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Ahab na anak ni Omri na maghari sa Israel. At si Ahab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria nang dalawampu't dalawang taon.
30 Si Ahab na anak ni Omri ay gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon nang higit kaysa lahat ng nauna sa kanya.
31 Waring isang magaang bagay para sa kanya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, siya'y nag-asawa kay Jezebel, na anak ni Et-baal na hari ng mga Sidonio, at siya'y humayo at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kanya.
32 Kanyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal, na kanyang itinayo sa Samaria.
33 At gumawa si Ahab ng sagradong poste[b]. Gumawa pa ng higit si Ahab upang galitin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, kaysa lahat ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.
34 Sa(A) kanyang mga araw, itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Inilagay niya ang pundasyon niyon na ang katumbas ay buhay ni Abiram na kanyang panganay na anak. At itinayo niya ang mga pintuang-bayan niyon na ang katumbas ay ang buhay ng kanyang bunsong anak na si Segub, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
Ang Mabuhay ay si Cristo
12 Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nakatulong sa paglago ng ebanghelyo,
13 anupa't(A) ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba pa,
14 at ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na nagkaroon ng tiwala dahil sa aking mga tanikala ay lalong nagkaroon ng katapangang ipahayag ng walang takot ang salita ng Diyos.
15 Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo dahil sa pagkainggit at sa pakikipagpaligsahan, ngunit ang iba naman ay dahil sa mabuting kalooban.
16 Ang huli ay gumagawa dahil sa pag-ibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y itinalaga sa pagtatanggol sa ebanghelyo;
17 ngunit ipinangangaral ng una si Cristo dahil sa pagkakampi-kampi, hindi sa katapatan, na ang hangarin ay dagdagan ng hirap ang aking mga tanikala.
18 Ano nga? Kahit sa anumang paraan, maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, ay ipinahahayag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako. Oo, at ako'y patuloy na magagalak,
19 sapagkat nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa saganang tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo.
20 Ayon sa aking lubos na inaasahan at pag-asa, na sa anuman ay hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayundin naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng buhay, o sa pamamagitan ng kamatayan.
21 Sapagkat sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.
22 Ngunit kung ako ay mabubuhay sa laman, ito'y magiging mabungang pagpapagal para sa akin. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin.
23 Sapagkat ako'y naiipit sa pagitan ng dalawa: ang aking nais ay umalis at makasama si Cristo, sapagkat ito'y higit na mabuti.
24 Gayunma'y ang manatili sa laman ay higit na kailangan dahil sa inyo.
25 At sa paniniwalang ito, aking nalalaman na ako'y mananatili at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, sa ikasusulong ninyo at ikagagalak sa pananampalataya;
26 upang sumagana ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking muling pagharap sa inyo.
27 Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo, na kahit ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang mga bagay patungkol sa inyo na kayo'y naninindigan sa isang espiritu, na may isang isipan na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo,
28 at sa anuman ay huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang kapahamakan, ngunit ng inyong kaligtasan, at ito'y mula sa Diyos.
29 Sapagkat sa inyo'y ipinagkaloob alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang sa kanya,
30 yamang(B) taglay ninyo ang gayunding pakikipaglaban na inyong nakita sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyo tungkol sa akin.
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
16 Nang makaraan ang Sabbath, sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng mga pabango upang sila'y pumunta roon at siya'y pahiran.
2 Pagka-umaga nang unang araw ng linggo, pagkasikat ng araw, pumunta sila sa libingan.
3 Kanilang sinabi sa isa't isa, “Sino kaya ang magpapagulong ng bato para sa atin mula sa pasukan ng libingan?”
4 Sa pagtanaw nila ay nakita nilang naigulong na ang bato na lubhang napakalaki.
5 At pagpasok nila sa libingan, kanilang nakita ang isang binata na nakabihis ng isang damit na maputi, nakaupo sa gawing kanan at sila'y nagtaka.
6 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magtaka; hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Siya'y muling binuhay. Wala siya rito. Tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kanya!
7 Subalit(B) humayo kayo, sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro na siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.”
8 At sila'y nagsilabas at nagsitakas mula sa libingan, sapagkat sila'y sinidlan ng sindak at pagkamangha, at wala silang sinabi kaninuman sapagkat sila'y natakot.
ANG MAIKLING PAGTATAPOS NI MARCOS
[At ang lahat ng mga iniutos sa kanila ay sinabi ng maiksi sa mga nasa palibot ni Pedro. At pagkatapos si Jesus mismo ay nagsugo sa pamamagitan nila, mula sa silangan hanggang kanluran, ang banal at walang hanggang proklamasyon ng walang katapusang kaligtasan.]
ANG MAHABANG PAGTATAPOS NI MARCOS
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(C)
9 [Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng linggo ay una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas niya.
10 Siya'y lumabas at ibinalita sa mga naging kasama ni Jesus, samantalang sila'y nagluluksa at tumatangis.
11 Ngunit nang kanilang mabalitaan na siya'y buháy at nakita ni Magdalena ay ayaw nilang maniwala.
Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(D)
12 Pagkatapos ng mga ito ay nagpakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila noong sila'y naglalakad patungo sa bukid.
13 At sila'y bumalik at ipinagbigay-alam ito sa mga iba ngunit hindi rin sila naniwala.
Pinagbilinan ni Jesus ang mga Alagad(E)
14 At pagkatapos siya'y nagpakita sa labing-isa samantalang sila'y nakaupo sa hapag-kainan; sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay.
15 At(F) sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo[a] sa lahat ng nilikha.
16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.
17 At ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga nananampalataya: sa paggamit ng aking pangalan ay magpapalayas sila ng mga demonyo, magsasalita sila ng mga bagong wika;
18 sila'y hahawak ng mga ahas, at kung makainom sila ng bagay na nakamamatay, hindi ito makakasama sa kanila, ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila'y gagaling.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(G)
19 Kaya't(H) ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na siya'y magsalita sa kanila ay iniakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos.
20 At humayo sila at nangaral sa lahat ng dako, habang gumagawang kasama nila ang Panginoon at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip nito.][b]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001