Book of Common Prayer
Awit ni Solomon.
72 Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan,
at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran.
2 Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan,
at ang iyong dukha ng may katarungan!
3 Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan,
at ang mga burol, sa katuwiran!
4 Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan,
magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan,
at ang mapang-api ay kanyang durugin!
5 Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili,
at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi!
6 Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas,
gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
7 Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid,
at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan.
8 Magkaroon(A) nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat,
at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa!
9 Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod,
at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok!
10 Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo
ay magdala sa kanya ng mga kaloob;
ang mga hari nawa sa Sheba at Seba
ay magdala ng mga kaloob!
11 Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya,
lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya!
12 Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan,
ang dukha at ang taong walang kadamay.
13 Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan,
at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.
14 Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin;
at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin.
15 Mabuhay nawa siya nang matagal,
at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay!
Ipanalangin nawa siyang palagian,
at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw!
16 Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa;
sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon;
ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon;
at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana,
gaya ng damo sa lupa.
17 Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman;
ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat!
Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya,
at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa.
18 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga.
19 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman;
mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian.
Amen at Amen.
20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos.
JOD.
73 Ako'y ginawa at inanyuan ng iyong mga kamay;
bigyan mo ako ng pang-unawa, upang ang iyong mga utos ay aking matutunan.
74 Silang natatakot sa iyo ay makikita ako at matutuwa;
sapagkat ako'y umasa sa iyong salita.
75 O Panginoon, nalalaman ko, na matuwid ang mga pasiya mo,
at sa katapatan ay pinangumbaba mo ako.
76 Ang iyo nawang tapat na pag-ibig ay maging kaaliwan sa akin,
ayon sa pangako mo sa iyong lingkod.
77 Dumating nawa sa akin ang iyong habag upang ako'y mabuhay,
sapagkat ang kautusan mo'y aking katuwaan.
78 Mahiya ang masama,
sapagkat pinabagsak nila ako na may katusuhan,
para sa akin, ako'y magbubulay-bulay sa iyong mga kautusan.
79 Bumalik nawa sa akin ang natatakot sa iyo,
at silang nakakakilala ng iyong mga patotoo.
80 Ang aking puso sa iyong mga tuntunin ay maging sakdal nawa,
upang huwag akong mapahiya.
CAPH.
81 Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo;
sa iyong salita ay umaasa ako.
82 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako;
aking itinatanong, “Kailan mo ako aaliwin?”
83 Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok;
hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin.
84 Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod?
Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin?
85 Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para sa akin,
mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin.
86 Tiyak ang lahat ng mga utos mo;
kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako.
87 Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan,
ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran.
88 Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig.
LAMED.
89 Magpakailanman, O Panginoon,
ang iyong salita ay natatag sa langit.
90 Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong katapatan;
iyong itinatag ang lupa, at ito'y nananatiling matibay.
91 Sila'y nananatili sa araw na ito ayon sa itinakda mo,
sapagkat lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
92 Kung ang kautusan mo'y hindi ko naging katuwaan,
namatay na sana ako sa aking kalungkutan.
93 Hindi ko kailanman kalilimutan ang mga tuntunin mo;
sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay binigyan mo ako ng buhay.
94 Ako'y iyo, iligtas mo ako,
sapagkat aking hinanap ang mga tuntunin mo,
95 Ang masama'y nag-aabang upang patayin ako,
ngunit aking kinikilala ang iyong mga patotoo.
96 Aking nakita ang hangganan ng lahat ng kasakdalan;
ngunit ang utos mo'y totoong malawak.
Si Ahab at si Jehoshafat ay Nagsanib Laban sa Siria(A)
22 Sa loob ng tatlong taon ang Siria at ang Israel ay nagpatuloy na walang digmaan.
2 Ngunit nang ikatlong taon, lumusong si Jehoshafat na hari ng Juda sa hari ng Israel.
3 Sinabi ng hari ng Israel sa kanyang mga lingkod, “Alam ba ninyo na ang Ramot-gilead ay atin, at tayo'y tumatahimik, at hindi natin ito inaagaw sa kamay ng hari ng Siria?”
4 Sinabi niya kay Jehoshafat, “Sasama ka ba sa akin sa pakikipaglaban sa Ramot-gilead?” At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Ako'y para sa iyo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo.”
Nagtanong sa Propeta
5 Sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng Panginoon.”
6 Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta, na may apatnaraang lalaki, at sinabi sa kanila, “Hahayo ba ako laban sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpaparaya ako?” At sinabi nila, “Umahon ka sapagkat ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
7 Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon upang makasangguni tayo sa kanya?”
8 At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “May isa pang lalaki na maaari nating sanggunian sa Panginoon, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya sapagkat hindi siya nagpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan.” At sinabi ni Jehoshafat, “Huwag magsalita ng ganyan ang hari.”
9 Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang punong-kawal, at nagsabi, “Dalhin rito agad si Micaya na anak ni Imla.”
10 Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono na nakadamit hari, sa isang giikan sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria. Lahat ng mga propeta ay nagsasalita ng propesiya sa harap nila.
11 At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol.’”
12 Gayundin ang ipinahayag ng lahat ng propeta, na nagsasabi, “Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay ka, sapagkat ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
Ang Pahayag ni Micaya Laban kay Ahab
13 Ang sugo na humayo upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, “Ang lahat ng mga salita ng mga propeta ay kasiya-siya sa hari; hayaan mong ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kasiya-siya.”
14 At sinabi ni Micaya, “Buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng Panginoon sa akin, iyon ang aking sasabihin.”
15 Nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kanya, “Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil kami?” At kanyang isinagot sa kanya, “Humayo ka at magtagumpay; ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
16 Ngunit sinabi ng hari sa kanya, “Ilang ulit kong ipag-uutos sa iyo na wala kang sasabihing anuman sa akin, kundi ang katotohanan sa pangalan ng Panginoon?”
17 At(B) kanyang sinabi, “Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng Panginoon, ‘Ang mga ito ay walang panginoon; hayaang umuwi nang payapa ang bawat lalaki sa kanyang bahay.’”
18 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi ng kasamaan?”
19 At(C) sinabi ni Micaya, “Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon. Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.
20 Sinabi ng Panginoon, ‘Sinong hihikayat kay Ahab upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?’ Ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang isa ay ibang bagay.
21 Pagkatapos ay lumabas ang isang espiritu at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, ‘Hihikayatin ko siya.’
22 At sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Paano?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y lalabas at magiging sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng kanyang mga propeta.’ At kanyang sinabi, ‘Iyong hihikayatin siya at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo.’
23 Kaya't ngayon ay tingnan mo, inilagay ng Panginoon ang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng iyong mga propeta, at ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.”
24 Pagkatapos ay lumapit si Zedekias na anak ni Canaana, sinampal si Micaya, at sinabi, “Paanong umalis ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”
25 Sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.”
26 At sinabi ng hari sa Israel, “Dakpin si Micaya, at ibalik kay Amon na tagapamahala ng lunsod, at kay Joas na anak ng hari;
27 at inyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng hari, “Ilagay ninyo ang taong ito sa bilangguan, at tustusan ninyo siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y dumating na payapa.”’”
28 At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay bumalik na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayo, mga mamamayan!”
Ang Cristong Ipinako sa Krus
2 Mga kapatid, nang ako ay dumating sa inyo, hindi ako dumating na nagpapahayag sa inyo ng patotoo ng Diyos sa pamamagitan ng matatayog na pananalita o karunungan.
2 Sapagkat aking ipinasiyang walang anumang malaman sa gitna ninyo, maliban na si Jesu-Cristo, at siya na ipinako sa krus.
3 Ako'y(A) nakasama ninyo na may kahinaan, takot, at lubhang panginginig.
4 Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mapang-akit na mga salita ng karunungan, kundi sa pagpapamalas ng Espiritu at ng kapangyarihan,
5 upang ang inyong pananampalataya ay huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Ang Tunay na Karunungan ng Diyos
6 Subalit sa mga may gulang na ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng panahong ito, o ng mga pinuno sa panahong ito, na ang mga ito'y mauuwi sa wala.
7 Kundi nagsasalita kami tungkol sa karunungan ng Diyos, na hiwaga at inilihim, na itinalaga ng Diyos bago ang mga panahon para sa ikaluluwalhati natin.
8 Walang sinuman sa mga pinuno ng sanlibutang ito ang nakaunawa nito, sapagkat kung naunawaan nila, ay hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian.
9 Subalit(B) kagaya ng nasusulat,
“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
at hindi pumasok sa puso ng tao,
ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”
10 Ngunit ang mga ito ay ipinahayag sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, maging ang malalalim na mga bagay ng Diyos.
11 Sapagkat sinong tao ang nakakaalam ng isipan ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Kaya't walang nakakaalam ng mga isipan ng Diyos, maliban sa Espiritu ng Diyos.
12 Ngayon ay aming tinanggap, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang Espiritung mula sa Diyos, upang aming malaman ang mga bagay na walang bayad na ibinigay sa amin ng Diyos.
13 Na ang mga bagay na ito ay aming sinasabi hindi sa mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi ng itinuturo ng Espiritu na ipinapaunawa ang mga espirituwal ng mga espirituwal.
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(A)
18 Sa paglalakad ni Jesus[a] sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.
19 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”
20 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
21 At sa kanyang paglakad mula roon ay nakita niya sa bangka ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid, kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nag-aayos[b] ng lambat; at kanyang tinawag sila.
22 Kaagad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sa kanya.
Nangaral at Nagpagaling ng mga Maysakit si Jesus(B)
23 At(C) nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.
24 Kaya't napabantog siya sa buong Siria, at kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga may karamdaman, ang mga pinahihirapan ng sari-saring sakit at kirot, ang mga inaalihan ng mga demonyo, at ang mga may epilepsiya at ang mga lumpo. Sila ay kanyang pinagaling.
25 At sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea at mula sa ibayo ng Jordan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001