Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 97

Ang Diyos na Pinakamataas na Pinuno

97 Ang Panginoon ay naghahari! Magalak ang lupa;
    ang maraming pulo ay matuwa nawa!
Nasa palibot niya ang mga ulap at pusikit na kadiliman;
    ang saligan ng kanyang trono ay katuwiran at kahatulan.
Apoy ang nasa unahan niya,
    at sinusunog ang kanyang kaaway sa buong palibot.
Nililiwanagan ng kanyang mga kidlat ang sanlibutan;
    nakikita ng lupa at ito'y nayayanig.
Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harapan ng Panginoon,
    sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
Ipinahahayag ng langit ang kanyang katuwiran,
    at namasdan ng lahat ng bayan ang kanyang kaluwalhatian.
Mapahiya nawa silang lahat na sumasamba sa mga larawan,
    na kanilang ipinagmamalaki ang diyus-diyosan;
    lahat ng mga diyos ay sasamba sa kanya.
Narinig ng Zion at siya'y natuwa,
    at ang mga anak na babae ng Juda ay nagalak,
    dahil sa iyong mga kahatulan, O Diyos.
Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay kataas-taasan sa buong lupa;
    ikaw ay higit na mataas kaysa lahat ng mga diyos.

10 Kayong nagmamahal sa Panginoon, kamuhian ninyo ang kasamaan,
    ang kaluluwa ng kanyang mga banal ay kanyang iniingatan;
    kanyang sinasagip sila sa kamay ng makasalanan.
11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid;
    at ang kagalakan para sa may matuwid na puso.
12 Magalak kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid;
    at magpasalamat sa kanyang banal na pangalan.

Mga Awit 99-100

99 Ang(A) Panginoon ay naghahari, manginig ang taong-bayan!
    Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa.
Ang Panginoon ay dakila sa Zion;
    siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan.
Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan!
    Siya'y banal!
Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan,
ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay,
ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos;
    magsisamba kayo sa kanyang paanan!
    Siya'y banal.

Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari,
    si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan.
    Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at kanyang sinagot sila.
Siya'y(B) nagsasalita sa kanila sa haliging ulap;
    kanilang iningatan ang mga patotoo niya,
    at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila.

O Panginoon naming Diyos, sinagot mo sila;
ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila,
    ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos,
    at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok;
    sapagkat ang Panginoon nating Diyos ay banal!

Isang Awit para sa Handog na Pasasalamat.

100 Sumigaw kayo na may kagalakan sa Panginoon, lahat na mga lupain!
    Maglingkod kayo sa Panginoon na may kagalakan;
    magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan.

Kilalanin ninyo na ang Panginoon ay Diyos!
    Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kanya;
    tayo'y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan.

Magsipasok kayo sa kanyang mga pintuan na may pagpapasalamat,
    at sa kanyang mga bulwagan na may pagpupuri!
    Magpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang pangalan niya!

Sapagkat(C) ang Panginoon ay mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
    at ang kanyang katapatan ay sa lahat ng salinlahi.

Mga Awit 94-95

Ang Diyos na Hukom ng Lahat

94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
    ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
    ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
    hanggang kailan magsasaya ang masama?

Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
    lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
    at ang iyong mana ay sinaktan.
Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
    ang ulila ay kanilang pinatay.
At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
    ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”

Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
    Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
    hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(A) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
    sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
    at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
    hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
    hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
    at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.

16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
    Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
    ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
    O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
    ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
    silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
    at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
    at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
    at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
    papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.

95 O halikayo, tayo'y umawit sa Panginoon;
    tayo'y sumigaw na may kagalakan sa malaking bato ng ating kaligtasan!
Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat;
    tayo'y sumigaw na may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri!
Sapagkat ang Panginoon ay dakilang Diyos,
    at dakilang Hari sa lahat ng mga diyos.
Nasa kanyang kamay ang mga kalaliman ng lupa,
    ang mga kataasan ng mga bundok ay kanya rin.
Ang dagat ay kanya, sapagkat ito'y kanyang ginawa,
    ang kanyang mga kamay ang lumikha ng tuyong lupa.

O parito kayo, tayo'y sumamba at yumukod;
    tayo'y lumuhod sa harapan ng Panginoon, ang ating Manlilikha!
Sapagkat(B)(C) siya'y ating Diyos,
    at tayo'y bayan ng kanyang pastulan,
    at mga tupa ng kanyang kamay.

Ngayon kung inyong papakinggan ang kanyang tinig,
    huwag(D) ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba,
    gaya ng araw sa ilang sa Massah,
nang tuksuhin ako ng mga magulang ninyo,
    at ako'y subukin, bagaman nakita na nila ang gawa ko.
10 Apatnapung taong kinamuhian ko ang lahing iyon,
    at aking sinabi, “Bayan na nagkakamali sa kanilang puso,
    at hindi nila nalalaman ang aking mga daan.”
11 Kaya't(E) sa aking galit ako ay sumumpa,
    na “Sila'y hindi dapat pumasok sa aking kapahingahan.’”

2 Cronica 29:1-3

Si Haring Hezekias ng Juda(A)

29 Si Hezekias ay nagsimulang maghari nang siya'y dalawampu't limang taong gulang, at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abias na anak ni Zacarias.

At ginawa niya ang matuwid sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno.

Ang Paglilinis sa Templo

Sa unang buwan ng unang taon ng kanyang paghahari, kanyang binuksan ang mga pintuan ng bahay ng Panginoon, at kinumpuni ang mga iyon.

2 Cronica 30

Mga Paghahanda para sa Paskuwa

30 Si Hezekias ay nagpasabi sa buong Israel at Juda, at sumulat din ng mga liham sa Efraim at Manases, na sila'y pumunta sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskuwa sa Panginoong Diyos ng Israel.

Sapagkat(A) ang hari at ang kanyang mga pinuno at ang buong kapulungan sa Jerusalem ay nagkasundong ipangilin ang paskuwa sa ikalawang buwan—

yamang hindi nila maipangilin iyon sa panahong iyon, sapagkat wala pang sapat na bilang ng mga pari ang nakapagpabanal, at hindi pa nakapagtipon ang taong-bayan sa Jerusalem.

Ang panukala ay minabuti ng hari at ng buong kapulungan.

Kaya't kanilang ipinag-utos na gumawa ng pahayag sa buong Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na ang bayan ay dapat dumating at ipangilin ang paskuwa sa Panginoong Diyos ng Israel, sa Jerusalem; sapagkat hindi pa nila ito naipagdiriwang sa malaking bilang gaya ng iniatas.

Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay lumibot sa buong Israel at Juda dala ang sulat mula sa hari at sa kanyang mga pinuno, ayon sa utos ng hari, na sinasabi, “Kayong mga anak ni Israel, manumbalik kayo sa Panginoon, sa Diyos ni Abraham, Isaac, at Israel, upang siya'y muling manumbalik sa nalabi sa inyo na nakatakas mula sa kamay ng mga hari ng Asiria.

Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ninuno at mga kapatid, na naging taksil sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno, kaya't sila'y ginawa niyang isang kapanglawan gaya ng inyong nakikita.

Huwag kayo ngayong maging matigas ang ulo, na gaya ng inyong mga ninuno, kundi ibigay ninyo ang sarili sa Panginoon. Pumasok kayo sa kanyang santuwaryo na kanyang itinalaga magpakailanman, at paglingkuran ninyo ang Panginoon ninyong Diyos, upang ang kanyang matinding galit ay lumayo sa inyo.

Sapagkat kapag kayo'y nanumbalik sa Panginoon, ang inyong mga kapatid at ang inyong mga anak ay makakatagpo ng habag sa mga bumihag sa kanila at babalik sa lupaing ito. Sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay mapagpala at maawain, at hindi niya ilalayo ang kanyang mukha sa inyo, kung kayo'y manunumbalik sa kanya.”

10 Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay nagtungo sa bayan-bayan sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulon; ngunit sila'y pinagtawanang may pagkutya at paghamak.

11 Tanging ang ilan sa Aser, sa Manases, at sa Zebulon ang nagpakumbaba, at pumunta sa Jerusalem.

12 Ang kamay ng Diyos ay nasa Juda rin upang bigyan sila ng isang puso upang gawin ang iniutos ng hari at ng mga pinuno sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.

Ipinagdiwang ang Paskuwa

13 Maraming tao ang sama-samang dumating sa Jerusalem upang ipagdiwang ang pista ng tinapay na walang pampaalsa sa ikalawang buwan, iyon ay isang napakalaking pagtitipon.

14 Nagsimula silang gumawa at inalis ang mga dambanang nasa Jerusalem, at ang lahat ng dambana para sa pagsusunog ng insenso ay inalis nila at itinapon sa libis ng Cedron.

15 Kanilang pinatay ang kordero ng paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan. Ang mga pari at mga Levita ay nalagay sa kahihiyan, kaya't sila'y nagpakabanal at nagdala ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon.

16 At sila'y tumayo sa kanilang kinagawiang puwesto ayon sa kautusan ni Moises na tao ng Diyos. Iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kamay ng mga Levita.

17 Sapagkat marami sa kapulungan na hindi nagpakabanal ng kanilang sarili; kaya't kailangang patayin ng mga Levita ang kordero ng paskuwa para sa bawat isa na hindi malinis, upang iyon ay gawing banal sa Panginoon.

18 Sapagkat napakarami sa mga tao, marami sa kanila ay mula sa Efraim, Manases, Isacar, at sa Zebulon, ang hindi naglinis ng kanilang sarili, gayunma'y kumain sila ng kordero ng paskuwa na hindi ayon sa ipinag-utos. Sapagkat idinalangin sila ni Hezekias, na sinasabi, “Patawarin nawa ng mabuting Panginoon ang bawat isa,

19 na nagtatalaga ng kanyang puso upang hanapin ang Diyos, ang Panginoong Diyos ng kanyang mga ninuno, bagaman hindi ayon sa batas ng santuwaryo hinggil sa paglilinis.”

20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekias, at pinagaling ang taong-bayan.

21 At ang mga anak ni Israel na naroroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng pista ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw na may malaking kagalakan; at pinuri ng mga Levita at ng mga pari ang Panginoon araw-araw, na umawit nang buong lakas sa Panginoon.

Ang Ikalawang Pagdiriwang

22 Si Hezekias ay nagsalitang may pampasigla sa lahat ng mga Levita na nagpakita ng mabuting kakayahan sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya't ang mga tao ay kumain ng pagkain ng kapistahan sa loob ng pitong araw, na nag-aalay ng mga handog pangkapayapaan, at nagpapasalamat sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno.

23 At ang buong kapulungan ay nagkasundong ipagdiwang ang pista ng pitong araw pa; kaya't ito ay kanilang ipinagdiwang ng pitong araw pa na may kagalakan.

24 Sapagkat si Hezekias na hari ng Juda ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at pitong libong tupa bilang mga handog, at ang mga pinuno ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at sampung libong tupa. At ang napakalaking bilang ng mga pari ay nagpakabanal.

25 At ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari at mga Levita, ang buong kapulungan na lumabas sa Israel, ang mga dayuhang nagsilabas mula sa lupain ng Israel, at ang mga dayuhang naninirahan sa Juda ay nagalak.

26 Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem, sapagkat mula nang panahon ni Solomon na anak ni David na hari ng Israel, ay hindi pa nagkaroon ng tulad nito sa Jerusalem.

27 Pagkatapos tumayo ang mga pari at mga Levita at binasbasan ang taong-bayan, at ang tinig nila ay narinig at ang kanilang panalangin ay umabot sa kanyang banal na tahanan sa langit.

1 Corinto 7:32-40

32 Nais kong maging malaya kayo sa pagkabalisa. Ang walang asawa ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon;

33 ngunit ang may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa,

34 at ang kanyang pansin ay nahahati. Ang babaing walang asawa at ang dalaga ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa.

35 Sinasabi ko ito ngayon para sa inyong ikabubuti, hindi upang lagyan ko kayo ng silo, kundi kung ano ang nararapat at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal.

36 Ngunit kung ang sinuman ay nag-iisip na hindi siya kumikilos ng nararapat sa kanyang nobya[a] na sumapit na sa kanyang hustong gulang, ay hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—hindi ito kasalanan.

37 Subalit sinumang nananatiling matibay sa kanyang puso, na hindi naman nangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling pagnanais at ipinasiya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang nobya,[b] ay mabuti ang kanyang ginagawa.

38 Kaya't ang magpakasal sa kanyang nobya ay gumagawa ng mabuti at ang umiiwas mag-asawa ay gumagawa ng higit na mabuti.

39 Ang babaing may asawa ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siyang makakapag-asawa sa kanino mang ibig niya, lamang ay sa Panginoon.

40 Ngunit batay sa aking kuru-kuro, siya ay higit na maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. At iniisip ko rin naman na ako'y may Espiritu ng Diyos.

Mateo 7:1-12

Ang Paghatol sa Kapwa(A)

“Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan.

Sapagkat(B) sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.

Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang troso na nasa iyong sariling mata?

O paano mong nasasabi sa iyong kapatid, ‘Hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ samantalang mayroong troso sa iyong sariling mata?

Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso sa iyong sariling mata at nang magkagayon, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.

“Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga banal na bagay; at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy; baka yurakan nila ang mga ito ng kanilang mga paa, at pagbalingan kayo at lapain.

Humingi, Humanap, Tumuktok(C)

“Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo'y pagbubuksan.

Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.

Mayroon bang tao sa inyo, na kung humingi ng tinapay sa kanya ang kanyang anak ay bato ang ibibigay?

10 O kung humingi siya ng isda ay bibigyan niya ito ng ahas?

11 Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit ang magbigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya?

Ang Ginintuang Aral

12 “Kaya,(D) anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang kautusan at ang mga propeta.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001