Book of Common Prayer
COPH.
145 O Panginoon, buong puso akong dumadaing, ako'y iyong sagutin,
iingatan ko ang iyong mga tuntunin.
146 Ako'y dumadaing sa iyo; iligtas mo ako,
upang aking matupad ang mga patotoo mo.
147 Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako;
ako'y umaasa sa mga salita mo.
148 Ang mga mata ko'y gising sa gabi sa mga pagbabantay,
upang sa salita mo ako'y makapagbulay-bulay.
149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong tapat na pagmamahal;
O Panginoon, muli mo akong buhayin ayon sa iyong katarungan.
150 Silang sumusunod sa kasamaan ay lumalapit,
sila'y malayo sa iyong mga tuntunin.
151 Ngunit ikaw ay malapit, O Panginoon;
at lahat mong utos ay katotohanan.
152 Noon pa mang una'y natuto na ako sa iyong mga patotoo
na magpakailanman ay itinatag mo ang mga ito.
RESH.
153 Pagmasdan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako;
sapagkat hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
154 Ipaglaban mo ang aking layunin, at tubusin mo ako,
muling buhayin mo ako ayon sa iyong pangako!
155 Ang kaligtasan ay malayo sa masama,
sapagkat hindi nila hinahanap ang iyong mga batas.
156 O Panginoon, dakila ang kaawaan mo,
muling buhayin mo ako ayon sa katarungan mo.
157 Marami ang umuusig sa akin at mga kaaway ko;
ngunit hindi ako humihiwalay sa iyong mga patotoo.
158 Namasdan ko ang mga taksil at ako'y nasuklam,
sapagkat hindi nila sinusunod ang iyong mga salita.
159 Isaalang-alang mo kung paanong iniibig ko ang mga tuntunin mo!
Muling buhayin mo ako ayon sa tapat na pag-ibig mo.
160 Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan;
at bawat isa sa iyong matuwid na batas ay nananatili magpakailanman.
SIN.
161 Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan,
ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita.
162 Ako'y nagagalak sa iyong salita
gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam.
163 Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
164 Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko,
sapagkat matuwid ang mga batas mo.
165 May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan,
walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.
166 O Panginoon, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako,
at tinutupad ko ang mga utos mo.
167 Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo;
lubos ko silang minamahal.
168 Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo;
sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo.
TAU.
169 O Panginoon, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa;
bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita!
170 Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa,
iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko,
sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo.
172 Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita,
sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid.
173 Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako,
sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo.
174 O Panginoon, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan,
at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan.
175 Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo,
at tulungan nawa ako ng mga batas mo.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod,
sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.
Awit ng Pag-akyat.
128 Ang bawat may takot sa Panginoon ay mapalad,
na sa kanyang mga daan ay lumalakad.
2 Kakainin mo ang bunga ng paggawa ng iyong mga kamay;
ikaw ay magiging masaya at ito'y magiging mabuti sa iyo.
3 Ang asawa mo'y magiging gaya ng mabungang puno ng ubas
sa loob ng iyong tahanan;
ang mga anak mo'y magiging gaya ng mga puno ng olibo
sa palibot ng iyong hapag-kainan.
4 Narito, ang taong may takot sa Panginoon,
ay pagpapalain ng ganito.
5 Pagpalain ka ng Panginoon mula sa Zion!
Ang kaunlaran ng Jerusalem ay iyo nawang masaksihan
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay!
6 Ang mga anak ng iyong mga anak ay iyo nawang mamasdan,
mapasa Israel nawa ang kapayapaan!
Awit ng Pag-akyat.
129 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,”
sabihin ngayon ng Israel—
2 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,
gayunma'y laban sa akin ay hindi sila nagtagumpay.
3 Inararo ng mga mag-aararo ang likod ko;
kanilang pinahaba ang mga tudling nila.”
4 Matuwid ang Panginoon;
ang mga panali ng masama ay kanyang pinutol.
5 Lahat nawa ng napopoot sa Zion,
ay mapahiya at mapaurong!
6 Maging gaya nawa sila ng damo sa mga bubungan,
na natutuyo bago pa ito tumubo man,
7 sa mga ito'y hindi pinupuno ng manggagapas ang kanyang kamay,
ni ng nagtatali ng mga bigkis ang kanyang kandungan.
8 Hindi rin sinasabi ng mga nagdaraan,
“Ang pagpapala nawa ng Panginoon ay sumainyo!
Sa pangalan ng Panginoon ay binabasbasan namin kayo!”
Awit ng Pag-akyat.
130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
2 Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!
3 Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
O Panginoon, sino kayang makakatagal?
4 Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
upang ikaw ay katakutan.
5 Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
at sa kanyang salita ako ay umaasa;
6 sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
higit pa kaysa bantay sa umaga;
tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.
7 O Israel, umasa ka sa Panginoon!
Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
at sa kanya ay may saganang katubusan.
8 Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
mula sa lahat niyang pagkakasala.
14 Kaya't sina Hilkias na pari, Ahicam, Acbor, Safan, at si Asaya, ay nagsiparoon kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum, na anak ni Ticvah, na anak ni Haras, na katiwala ng mga kasuotan (siya nga'y tumira sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila'y nakipag-usap sa kanya.
15 At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin,
16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito at sa mamamayan nito, ang lahat ng salita ng aklat na nabasa ng hari ng Juda.
17 Sapagkat kanilang tinalikuran ako, at nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, upang ako'y galitin nila sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay. Kaya't ang aking poot ay mag-aalab sa dakong ito, at ito'y hindi mapapatay.
18 Ngunit tungkol sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig,
19 sapagkat ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon, nang iyong marinig kung paanong ako'y nagsalita laban sa dakong ito, at laban sa mamamayan nito, na sila'y magiging kapanglawan at sumpa, at pinunit mo ang iyong kasuotan at umiyak ka sa harapan ko, narinig din kita, sabi ng Panginoon.
20 Kaya't narito, titipunin kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay payapang malalagay sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito.’” At kanilang dinala ang kasagutan sa hari.
Pinatigil ang Pagsambang Pagano(A)
23 Pagkatapos ang hari ay nagsugo, at tinipon niya ang lahat ng matatanda ng Juda at Jerusalem.
2 At pumunta ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat na lalaki ng Juda at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem, mga pari, mga propeta, at ang buong bayan, hamak at dakila. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.
3 Ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon at upang ingatan ang kanyang mga utos at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin, ng kanyang buong puso at buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito; at ang buong bayan ay nakiisa sa tipan.
Pagganap ng Hapunan ng Panginoon(A)
23 Sapagkat tinanggap ko sa Panginoon ang ibinigay ko naman sa inyo, na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay;
24 at nang siya'y makapagpasalamat, ito ay kanyang pinagputul-putol, at sinabi, “Ito'y aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”
25 Sa(B) gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito'y siyang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito tuwing kayo'y iinom nito, sa pag-aalaala sa akin.”
26 Sapagkat sa tuwing kainin ninyo ang tinapay na ito at inuman ang kopa, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa dumating siya.
27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.
28 Siyasatin ninyo ang inyong sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa kopa.
29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom na hindi kinikilala ang katawan ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili.
30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at mga maysakit, at ang ilan ay namatay na.[a]
31 Subalit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan.
32 Subalit kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, tayo ay sinusupil upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan.
33 Dahil dito, mga kapatid ko, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo.
34 Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang ang inyong pagtitipon ay huwag mauwi sa paghatol. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko.
Ang Pagtawag kay Mateo(A)
9 Habang si Jesus ay naglalakad mula roon, nakita niya ang isang tao na tinatawag na Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” At siya ay tumayo at sumunod sa kanya.
10 Habang(B) nakaupo[a] siya sa may hapag-kainan sa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan at umupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad.
11 Nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”
12 Ngunit nang marinig niya ito ay sinabi niya, “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.
13 Kaya,(C) humayo kayo at pag-aralan ninyo kung ano ang kahulugan nito: ‘Habag ang ibig ko, at hindi handog.’ Sapagkat hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
Tinanong si Jesus tungkol sa Pag-aayuno(D)
14 Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan na nagsasabi, “Bakit kami at ang mga Fariseo ay nag-aayuno[b] ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?”
15 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang magluksa ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Ngunit darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay kukunin sa kanila, at saka sila mag-aayuno.
16 Sinuman ay hindi nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit; sapagkat binabatak ng tagpi ang damit at lumalala ang punit.
17 Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa mga lumang sisidlang balat; sapagkat kung gayon, puputok ang mga balat, at matatapon ang alak, at masisira ang mga balat; ngunit inilalagay ang bagong alak sa mga bagong balat, at pareho silang tumatagal.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001