Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 18

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:

18 Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
    aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
    aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
    at naligtas ako sa aking mga kaaway.

Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
    inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
    hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.

Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
    sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
    At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.

Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
    ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
    at nauga, sapagkat siya'y galit.
Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
    at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
    at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
    ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
    siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
    ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
12 Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
    ay lumabas ang kanyang mga ulap,
    ang mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon ay kumulog din sa mga langit,
    at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14 At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
    nagpakidlat siya at ginapi sila.
15 Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
    at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O Panginoon,
    sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.

16 Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
    mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
    at sa mga napopoot sa akin,
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
    ngunit ang Panginoon ang aking gabay.
19 Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
    iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.

20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
    ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
    at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
    at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
    at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
    ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.

25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
    sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
    at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
    ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
    pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
    at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
    ang salita ng Panginoon ay subok na;
    siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.

31 Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
    At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
    at ginagawang ligtas ang aking daan.
33 Kanyang(A) ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
    at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya.
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma,
    anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso.
35 Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo,
    at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako,
    at pinadakila ako ng kahinahunan mo.
36 Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko,
    at hindi nadulas ang mga paa ko.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila,
    at hindi bumalik hanggang sa malipol sila.
38 Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo;
    sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban;
    pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay.
40 Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko,
    at yaong napopoot sa akin ay winasak ko.
41 Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas,
    sila'y dumaing sa Panginoon, subalit sila'y hindi niya tinugon.
42 Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin;
    inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan.

43 Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo;
    at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno,
    ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao.
44 Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako;
    ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko.
45 Nanlulupaypay ang mga dayuhan,
    sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.

46 Buháy ang Panginoon; at purihin ang aking malaking bato;
    at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47 Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti
    at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48 inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.
    Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako,
    inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49 Dahil(B) dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
    at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50 Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay
    at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis,
    kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.

Jeremias 38:1-13

Si Jeremias sa Isang Tuyong Balon

38 At narinig ni Shefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jehucal na anak ni Shelemias, at ni Pashur na anak ni Malkias ang mga salitang binibigkas ni Jeremias sa buong bayan, na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot; ngunit ang lalabas patungo sa mga Caldeo ay mabubuhay, at ang kanyang buhay ay tataglayin niya bilang gantimpala ng digmaan, at siya'y mabubuhay.

Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang lunsod na ito ay tiyak na ibibigay sa kamay ng hukbo ng hari ng Babilonia at masasakop.”

Nang magkagayo'y sinabi ng mga pinuno sa hari, “Patayin ang lalaking ito, sapagkat pinahihina niya ang mga kamay ng mga kawal na naiwan sa lunsod na ito, at ang mga kamay ng buong bayan, sa pagsasalita ng gayong mga salita sa kanila. Sapagkat hindi hinahanap ng lalaking ito ang kapakanan ng bayang ito, kundi ang kanilang kapahamakan.”

At sinabi ni Haring Zedekias, “Narito, siya'y nasa inyong mga kamay; sapagkat ang hari ay walang magagawang anuman laban sa inyo.”

Kaya't kanilang dinakip si Jeremias at inihulog siya sa balon ni Malkias na anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay, sa pamamagitan ng pagbababa kay Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid. Noon ay walang tubig sa balon, kundi burak lamang at lumubog si Jeremias sa burak.

Iniahon si Jeremias sa Balon

Narinig ni Ebed-melec na isang eunuko na taga-Etiopia, na noon ay nasa bahay ng hari, na kanilang inilagay si Jeremias sa balon. Ang hari noo'y nakaupo sa Pintuan ng Benjamin.

Kaya't si Ebed-melec ay lumabas sa bahay ng hari, at nagsalita sa hari, na sinasabi,

“Panginoon kong hari, ang mga lalaking ito ay gumawa ng kasamaan sa lahat ng kanilang ginawa kay Jeremias na propeta sa pamamagitan ng paghuhulog sa kanya sa balon. Siya'y mamamatay doon sa gutom, sapagkat wala nang tinapay sa lunsod.”

10 Nang magkagayo'y iniutos ng hari kay Ebed-melec na taga-Etiopia, “Magsama ka mula rito ng tatlong lalaki at iahon mo si Jeremias na propeta mula sa balon bago siya mamatay.”

11 Sa gayo'y nagsama ng mga lalaki si Ebed-melec at pumasok sa bahay ng hari, sa taguan ng damit sa bodega at kumuha roon ng mga lumang basahan at mga lumang damit, at kanilang ibinaba sa hukay sa pamamagitan ng mga lubid kay Jeremias.

12 Sinabi ni Ebed-melec na taga-Etiopia kay Jeremias, “Ilagay mo ang mga basahan at lumang damit na ito sa pagitan ng iyong kilikili at ng mga lubid.” Gayon nga ang ginawa ni Jeremias.

13 Kanilang iniahon si Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid at itinaas siya mula sa balon. At si Jeremias ay nanatili sa himpilan ng bantay.

1 Corinto 14:26-33

Kaayusan sa Iglesya

26 Ano kung gayon, mga kapatid? Kapag kayo'y nagkakatipon, bawat isa ay may isang awit, isang aral, isang pahayag, isang wika, isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay.

27 Kung nagsasalita ang sinuman ng wika, dapat ay dalawa o hanggang tatlo lamang, at sunud-sunod ang bawat isa, at may isang magpaliwanag.

28 Subalit kung walang tagapagpaliwanag, tumahimik ang bawat isa sa iglesya at magsalita sa kanyang sarili, at sa Diyos.

29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa mga propeta, at ang iba'y umunawa sa sinasabi.

30 Kung may ipinahayag na anuman sa isang nakaupo, tumahimik muna ang nauna.

31 Sapagkat kayong lahat ay isa-isang makapagpapahayag ng propesiya upang ang lahat ay matuto, at ang lahat ay mapasigla.

32 At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasailalim ng mga propeta,

33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesya ng mga banal,

1 Corinto 14:37-40

37 Kung iniisip ng sinuman na siya'y propeta, o taong espirituwal, dapat niyang kilalanin na ang aking isinusulat sa inyo ay utos ng Panginoon.

38 Subalit kung ang sinuman ay hindi kumilala nito, siya ay hindi kikilalanin.

39 Kaya, mga kapatid ko, masikap ninyong naisin na makapagsalita ng propesiya at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita ng mga wika.

40 Subalit gawin ang lahat ng mga bagay nang nararapat at may kaayusan.

Mateo 10:34-42

Hindi Kapayapaan kundi Tabak(A)

34 “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; hindi ako pumarito upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak.

35 Sapagkat(B) pumarito ako upang paglabanin ang lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae.

36 At ang magiging kaaway ng tao ay ang sarili niyang mga kasambahay.

37 Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin;

38 at(C) ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.

39 Ang(D) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.

Mga Gantimpala sa Tumatanggap(E)

40 “Ang(F) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.

41 Ang tumatanggap sa isang propeta alang-alang sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng gantimpala ng isang propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid alang-alang sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng isang taong matuwid.

42 At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito sa pangalan ng isang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo, tiyak na hindi siya mawawalan ng kanyang gantimpala.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001