Book of Common Prayer
137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
doon tayo'y naupo at umiyak;
nang ang Zion ay ating maalala;
2 sa mga punong sauce sa gitna nito,
ating ibinitin ang mga alpa natin doon.
3 Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin
ay humingi sa atin ng mga awitin,
at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon:
“Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion.”
4 Paano namin aawitin ang awit ng Panginoon
sa isang lupaing banyaga?
5 O Jerusalem, kung kita'y kalimutan,
makalimot nawa ang aking kanang kamay!
6 Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala,
kung hindi kita maalala,
kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay
sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
7 Alalahanin mo, O Panginoon, laban sa mga anak ni Edom
ang araw ng Jerusalem,
kung paanong sinabi nila, “Ibuwal, ibuwal!”
Hanggang sa kanyang saligan!
8 O(A) anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak!
Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo
ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin!
9 Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos,
at sa malaking bato sila'y sasalpok.
Awit ni David.
144 Purihin ang Panginoon, ang aking malaking bato,
kanyang sinasanay ang aking mga kamay para sa digmaan, at ang aking mga daliri sa pakikipaglaban;
2 ang aking tapat na pag-ibig at aking tanggulan,
aking muog at aking tagapagligtas;
aking kalasag at siya kong kinakanlungan,
na siyang nagpapasuko sa ilalim ko ng mga bayan.
3 Panginoon,(A) ano ba ang tao upang siya'y iyong kilalanin,
o ang anak ng tao, upang siya'y iyong isipin?
4 Ang tao ay katulad ng hininga,
gaya ng aninong nawawala ang mga araw niya.
5 Iyuko mo ang iyong kalangitan, O Panginoon, at ikaw ay pumanaog!
Hipuin mo ang mga bundok upang ang mga ito'y magsiusok.
6 Paguhitin mo ang kidlat at sila'y iyong pangalatin,
suguin mo ang iyong mga palaso at sila'y iyong lituhin!
7 Iyong iunat mula sa itaas ang iyong kamay,
iligtas mo ako at sagipin sa maraming tubig,
mula sa kamay ng mga dayuhan,
8 na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
na ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
9 Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, O Diyos;
sa salterio na may sampung kawad ako sa iyo'y tutugtog,
10 na siyang nagbibigay sa mga hari ng pagtatagumpay,
na siyang nagligtas kay David na kanyang lingkod sa masamang tabak.
11 Iligtas mo ako,
at iligtas mo ako sa kamay ng mga banyaga,
na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
12 Ang amin nawang mga anak na lalaki sa kanilang kabataan
ay maging gaya ng mga halaman sa hustong gulang,
at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato
na tinabas para sa gusali ng isang palasyo;
13 ang amin nawang mga kamalig ay mapuno,
na naglalaman ng lahat ng uri ng bagay;
ang mga tupa namin nawa ay manganak ng mga libo
at mga sampung libo sa aming mga parang;
14 ang mga baka namin nawa ay manganak
na walang makukunan o mawawalan,
huwag nawang magkaroon ng daing ng pagdadalamhati sa aming mga lansangan!
15 Pinagpala ang bayan na nasa gayong kalagayan!
Maligaya ang bayan na ang Diyos ay ang Panginoon!
Bilang Pagpupuri sa Manlalalang
104 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
O Panginoon kong Diyos, napakadakila mo!
Karangalan at kamahalan ang kasuotan mo,
2 na siyang bumabalot ng liwanag sa iyo na parang bihisan;
na gaya ng tabing ay nag-unat ng kalangitan;
3 na siyang naglalagay ng mga biga ng kanyang mga matataas na silid sa tubig;
na ginawang kanyang karwahe ang mga ulap,
na sumasakay sa mga pakpak ng hangin,
4 na(A) ginagawa niyang mga sugo ang mga hangin,
at kanyang mga tagapangasiwa ay nagliliyab na apoy.
5 Iyong inilagay ang lupa sa kanyang saligan,
upang ito'y huwag mayanig kailanman.
6 Tinakpan mo ito ng kalaliman na tila isang bihisan;
ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
7 Sa iyong pagsaway ay tumakbo sila,
sa ugong ng iyong kulog ay nagsitakas sila.
8 Ang mga bundok ay bumangon, lumubog ang mga libis,
sa dakong pinili mo para sa kanila.
9 Ikaw ay naglagay ng hangganan na hindi nila dapat daanan,
upang ang lupa ay hindi na nila muling matakpan.
10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok,
11 kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang;
pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid;
sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok;
sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog.
14 Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo,
at ang pananim upang sakahin ng tao,
upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa,
15 at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao,
ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha,
at tinapay upang palakasin ang puso ng tao.
16 Ang mga punungkahoy ng Panginoon ay busog,
ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim.
17 Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon;
ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos.
18 Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing;
ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho.
19 Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon;
nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog.
20 Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi;
nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang.
21 Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima,
na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos.
22 Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
at humihiga sa kanilang mga yungib.
23 Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain,
at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan.
24 O Panginoon, napakarami ng iyong mga gawa!
Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat,
ang lupa ay punô ng iyong mga nilalang.
25 Nariyan ang dagat, malaki at maluwang,
na punô ng mga bagay na di mabilang,
ng maliit at malaking bagay na may buhay.
26 Doon(B) nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat,
at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang.
27 Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay,
upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain.
28 Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon;
iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabubuting bagay.
29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba;
iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay,
at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok.
30 Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha,
at iyong binabago ang balat ng lupa.
31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailanman;
magalak nawa ang Panginoon sa kanyang mga gawa,
32 na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig,
na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay;
ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34 Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay,
para sa akin, ako'y magagalak sa Panginoon.
35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
at mawala nawa ang masama.
O kaluluwa ko! Purihin ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
Si Jeremias at ang mga Recabita
35 Ang(A) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon sa mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda, na sinasabi,
2 “Pumaroon ka sa bahay ng mga Recabita. Magsalita ka sa kanila at dalhin mo sila sa isa sa mga silid ng bahay ng Panginoon, at bigyan mo sila ng alak na maiinom.”
3 Kaya't kinuha ko si Jaazanias na anak ni Jeremias, na anak ni Habasinias, ang kanyang mga kapatid na lalaki, ang lahat niyang mga anak na lalaki, at ang buong sambahayan ng mga Recabita.
4 Dinala ko sila sa bahay ng Panginoon, sa silid ng mga anak ni Hanan na anak ni Igdalias, na tao ng Diyos, malapit sa silid ng mga pinuno sa itaas ng silid ni Maasias na anak ni Shallum, na tanod ng pintuan.
5 Aking inilagay sa harapan ng mga anak ng sambahayan ng mga Recabita ang mga mangkok na punô ng alak at ang mga saro, at sinabi ko sa kanila, “Uminom kayo ng alak.”
6 Ngunit kanilang sinabi, “Hindi kami iinom ng alak, sapagkat si Jonadab na anak ni Recab, na aming ama ay nag-utos sa amin, ‘Huwag kayong iinom ng alak, maging kayo o ang inyong mga anak man, magpakailanman.
7 Huwag din kayong magtatayo ng bahay, ni maghahasik ng binhi, magtatanim o magkakaroon ng ubasan, kundi kayo'y titira sa mga tolda sa lahat ng mga araw ninyo, upang kayo ay mabuhay ng maraming araw sa lupain na inyong tinitirhan.’
8 Sinunod namin ang tinig ni Jonadab na anak ni Recab na aming ama sa lahat ng kanyang iniutos sa amin, na huwag uminom ng alak sa lahat ng aming mga araw, kami at ang aming mga asawa, ang aming mga anak na lalaki o babae man;
9 at huwag kaming magtayo ng mga bahay na aming matitirahan. Wala kaming ubasan, o bukid, o binhi;
10 kundi kami ay nanirahan sa mga tolda, sinunod at ginawa namin ang lahat ng iniutos sa amin ni Jonadab na aming ama.
11 Ngunit nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay dumating sa lupain, ay aming sinabi, ‘Tayo na, at tayo'y pumunta sa Jerusalem sapagkat nakakatakot ang mga hukbo ng mga Caldeo at mga taga-Siria!’ Kaya't kami ay naninirahan sa Jerusalem.”
12 At dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na sinasabi,
13 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at sabihin mo sa mga tao ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem, Hindi ba kayo tatanggap ng turo at makikinig sa aking mga salita? sabi ng Panginoon.
14 Ang utos na ibinigay ni Jonadab na anak ni Recab sa kanyang mga anak na huwag iinom ng alak ay nasunod; at hindi sila uminom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat kanilang sinunod ang utos ng kanilang ama. Paulit-ulit akong nagsalita sa inyo ngunit hindi ninyo ako pinakinggan.
15 Aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na bumabangon akong maaga at sinusugo sila na nagsasabi, ‘Ngayon ay humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, baguhin ninyo ang inyong mga gawa, at huwag kayong sumunod sa mga ibang diyos upang maglingkod sa kanila. Kung gayo'y maninirahan kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.’ Ngunit hindi kayo nakinig o sumunod man sa akin.
16 Tinupad ng mga anak ni Jonadab na anak ni Recab ang utos na ibinigay ng kanilang magulang sa kanila, ngunit hindi ako sinunod ng bayang ito.
17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking dadalhin sa Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem ang lahat ng kasamaan na aking binigkas laban sa kanila; sapagkat ako'y nagsalita sa kanila ngunit hindi sila nakinig; ako'y tumawag sa kanila, ngunit hindi sila sumagot.”
18 Ngunit sinabi ni Jeremias sa sambahayan ng mga Recabita, “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Sapagkat inyong sinunod ang utos ni Jonadab na inyong ama, at inyong iningatan ang lahat niyang alituntunin, at inyong ginawa ang lahat ng kanyang iniutos sa inyo;
19 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Si Jonadab na anak ni Recab ay hindi kukulangin ng anak na tatayo sa harapan ko magpakailanman.”
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawat isa'y mga bahagi.
28 At(A) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga gumagawa ng himala, saka mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang uri ng wika.
29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala?
30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng mga wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag?
31 Subalit pagsikapan ninyong mithiin ang higit na dakilang mga kaloob. At ipapakita ko sa inyo ang isang daan na walang kahambing.
Ang Pag-ibig
13 Kung ako'y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, subalit wala akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw.
2 At(B) kung mayroon akong kaloob ng propesiya, at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at kung mayroon akong buong pananampalataya, upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan.
3 At kung ipamigay ko ang lahat ng aking ari-arian, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin,[a] subalit walang pag-ibig, wala akong mapapakinabang.
Nahabag si Jesus sa mga Tao
35 Nilibot(A) ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang magandang balita ng kaharian, at pinapagaling ang bawat sakit at bawat karamdaman.
36 Nang(B) makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nangangamba at nanlulupaypay na gaya ng mga tupa na walang pastol.
37 Kaya't(C) sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tunay na napakarami ng aanihin, ngunit kakaunti ang manggagawa;
38 idalangin ninyo sa Panginoon ng anihin, na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”
Ang Labindalawang Apostol(D)
10 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus[a] ang kanyang labindalawang alagad, at kanyang binigyan sila ng kapangyarihan sa masasamang espiritu, upang kanilang mapalayas sila at pagalingin nila ang bawat sakit at karamdaman.
2 Ang mga pangalan ng labindalawang apostol ay ito: ang una ay si Simon na tinatawag na Pedro, si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kanyang kapatid;
3 si Felipe at si Bartolome; si Tomas at si Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo;
4 si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, na nagkanulo sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001