Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 102

Panalangin ng Kabataang may Suliranin.

102 O Panginoon, pakinggan mo ang dalangin ko,
    dumating nawa ang daing ko sa iyo!
Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo
    sa araw ng kahirapan ko!
Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling,
    sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin!
Sapagkat napapawi sa usok ang mga araw ko,
    at ang mga buto ko'y nagliliyab na parang hurno.
Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo;
    nalimutan kong kainin ang aking tinapay.
Dahil sa lakas ng daing ko,
    dumidikit sa aking laman ang mga buto ko.
Ako'y parang pelikano sa ilang;
    ako'y gaya ng isang kuwago sa kaparangan.
Ako'y gising,
    ako'y gaya ng malungkot na ibon sa bubungan.
Nililibak ako ng aking mga kaaway buong araw;
    silang nang-iinis sa akin ay gumagamit sa pagsumpa ng aking pangalan.
Sapagkat parang tinapay na kinakain ko ang abo,
    at ang luha sa aking inumin ay inihahalo ko,
10 dahil sa galit at poot mo;
    sapagkat itinaas at itinapon mo ako.
11 Gaya ng lilim sa hapon ang mga araw ko;
    ako'y natutuyo na parang damo.

12 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay mamamalagi magpakailanman;
    namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan.
13 Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa,
    sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya;
    ang takdang panahon ay dumating na.
14 Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato,
    at nahahabag sa kanyang alabok.
15 Katatakutan ng mga bansa ang sa Panginoong pangalan,
    at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian.
16 Sapagkat itatayo ng Panginoon ang Zion,
    siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian;
17 kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin,
    at ang kanilang daing ay hindi hahamakin.

18 Ito'y isusulat tungkol sa lahing susunod,
    upang ang bayang di pa isinisilang ay magpuri sa Panginoon:
19 na siya'y tumungo mula sa kanyang banal na kaitaasan,
    at tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa kalangitan,
20 upang ang daing ng mga bilanggo ay pakinggan,
    upang palayain ang mga itinakdang mamatay;
21 upang maipahayag ng mga tao sa Zion ang pangalan ng Panginoon,
    at sa Jerusalem ang kanyang kapurihan,
22 kapag ang mga taong-bayan ay nagtipun-tipon,
    at ang mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.

23 Kanyang pinahina ang aking lakas sa daan;
    kanyang pinaikli ang aking mga araw.
24 Aking sinabi, “O Diyos ko, huwag mo akong kunin
    sa kalagitnaan ng aking mga araw,
ikaw na ang mga taon ay nananatili
    sa lahat ng salinlahi!”
25 Nang(A) una ang saligan ng lupa ay iyong inilagay,
    at ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Ikaw ay nananatili, ngunit sila ay mawawala,
    parang kasuotan silang lahat ay mawawala.
Pinapalitan mo sila na gaya ng kasuotan, at sila'y mapapalitan;
27     ngunit ikaw ay nananatili, at ang mga taon mo'y walang katapusan.
28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mananatili;
    ang kanilang mga anak ay matatatag sa iyong harapan.

Mga Awit 142-143

Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.

142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
    sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
    sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
    ang aking landas ay iyong nalalaman!

Sa daan na aking tinatahak
    sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
    walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
    walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
    ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
Pakinggan mo ang aking pagsamo,
    sapagkat ako'y dinalang napakababa.

Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
Ilabas mo ako sa bilangguan,
    upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
    sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.

Awit ni David.

143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
    iyong dinggin ang aking mga daing!
    Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
At(B) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
    sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
    kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
    pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
    ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.

Aking naaalala ang mga araw nang una,
    aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
    aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
    ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)

Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
    Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
    baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
    sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
    sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
    tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
    sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
    sa landas na pantay!

11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
    Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
    at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
    sapagkat ako'y iyong lingkod.

Mga Panaghoy 2:10-18

10 Ang matatanda ng anak na babae ng Zion
    ay tahimik na nakaupo sa lupa.
Sila'y nagsabog ng alabok sa kanilang mga ulo;
    at nagsuot ng damit-sako;
itinungo ng mga dalaga sa Jerusalem
    ang kanilang mga ulo sa lupa.

11 Ang aking mga mata ay namumugto sa kaiiyak;
    ang aking kaluluwa ay naguguluhan;
ang aking puso ay ibinuhos sa lupa
    dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan,
    sapagkat ang mga bata at mga pasusuhin ay nanghihina sa mga lansangan ng lunsod.

12 Sila'y nag-iiyakan sa kanilang mga ina,
    “Nasaan ang tinapay at alak?”
habang sila'y nanghihina na gaya ng taong sugatan
    sa mga lansangan ng bayan,
habang ang kanilang buhay ay ibinubuhos
    sa kandungan ng kanilang mga ina.

13 Ano ang aking maipapangaral sa iyo? sa ano kita ihahambing,
    O anak na babae ng Jerusalem?
Sa ano kita itutulad, upang kita'y maaliw?
    O anak na dalaga ng Zion?
Sapagkat kasinlawak ng dagat ang iyong pagkagiba;
    sinong makapagpapagaling sa iyo?

14 Ang iyong mga propeta ay nakakita para sa iyo
    ng mga huwad at mapandayang pangitain;
hindi nila inilitaw ang iyong kasamaan
    upang ibalik ka mula sa pagkabihag,
kundi nakakita para sa iyo ng mga hulang
    huwad at nakaliligaw.

15 Lahat ng nagdaraan
    ay ipinapalakpak ang kanilang kamay sa iyo;
sila'y nanunuya at iniiling ang kanilang ulo
    sa anak na babae ng Jerusalem;
“Ito ba ang lunsod na tinatawag
    na kasakdalan ng kagandahan,
    ang kagalakan ng buong lupa?”

16 Maluwang na ibinuka ng lahat mong mga kaaway ang kanilang bibig:
sila'y nanunuya at nagngangalit ang ngipin;
    kanilang sinasabi, “Nilamon na namin siya!
Tunay na ito ang araw na aming hinihintay;
    ngayo'y natamo na namin ito; nakita na namin.”

17 Ginawa ng Panginoon ang kanyang ipinasiya;
    na isinagawa ang kanyang banta
na kanyang iniutos nang una;
    kanyang ibinagsak, at hindi naawa:
hinayaan niyang pagkatuwaan ka ng iyong mga kaaway,
    at itinaas ang kapangyarihan ng iyong mga kalaban.

18 Ang kanilang puso ay dumaraing sa Panginoon!
    O pader ng anak na babae ng Zion!
Padaluyin mo ang mga luha na parang ilog
    araw at gabi!
Huwag kang magpahinga;
    huwag papagpahingahin ang iyong mga mata.

1 Corinto 10:14-17

14 Kaya, mga minamahal ko, lumayo kayo sa pagsamba sa diyus-diyosan.

15 Ako'y nagsasalita sa mga tulad sa marurunong; timbangin ninyo para sa inyong sarili ang sinasabi ko.

16 Ang(A) kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito'y pakikisalo sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito'y pakikisalo sa katawan ni Cristo?

17 Sapagkat may isang tinapay, tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay.

1 Corinto 11:27-32

27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.

28 Siyasatin ninyo ang inyong sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa kopa.

29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom na hindi kinikilala ang katawan ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili.

30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at mga maysakit, at ang ilan ay namatay na.[a]

31 Subalit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan.

32 Subalit kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, tayo ay sinusupil upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan.

Marcos 14:12-25

Kumain ng Hapunang Pampaskuwa si Jesus at ang Kanyang mga Alagad(A)

12 Nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang kanilang inihahandog ang kordero ng Paskuwa, sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Saan mo kami ibig pumunta at ipaghanda ka upang makakain ng kordero ng Paskuwa?”

13 Isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad at sa kanila'y sinabi, “Pumunta kayo sa lunsod at doo'y sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya.

14 At kung saan siya pumasok, sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, na sinasabi ng Guro, ‘Nasaan ang aking silid-tuluyan na kung saan maaari kong kainin ang kordero ng Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?’

15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan at handa na. At doon ay maghanda kayo para sa atin.”

16 Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lunsod, at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. Inihanda nila ang korderong pampaskuwa.

17 Pagsapit ng gabi, naparoon siyang kasama ang labindalawa.

18 Nang(B) sila'y nakaupo na at kumakain, sinabi ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo, ang kasalo kong kumakain.”

19 Sila'y nagsimulang malungkot at isa-isang nagsabi sa kanya, “Ako ba?”

20 Sinabi niya sa kanila, “Isa sa labindalawa, ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok.

21 Sapagkat papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya ay ipinagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

Ang Banal na Hapunan(C)

22 Samantalang sila'y kumakain, dumampot siya ng tinapay, at nang kanyang mabasbasan ay kanyang pinagputul-putol, ibinigay sa kanila at sinabi, “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.”

23 Siya'y dumampot ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat ay ibinigay niya sa kanila, at mula roo'y uminom silang lahat.

24 At(D) sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng tipan,[a] na nabubuhos para sa marami.

25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom mula sa bunga ng ubas, hanggang sa araw na iyon na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001