Book of Common Prayer
COPH.
145 O Panginoon, buong puso akong dumadaing, ako'y iyong sagutin,
iingatan ko ang iyong mga tuntunin.
146 Ako'y dumadaing sa iyo; iligtas mo ako,
upang aking matupad ang mga patotoo mo.
147 Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako;
ako'y umaasa sa mga salita mo.
148 Ang mga mata ko'y gising sa gabi sa mga pagbabantay,
upang sa salita mo ako'y makapagbulay-bulay.
149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong tapat na pagmamahal;
O Panginoon, muli mo akong buhayin ayon sa iyong katarungan.
150 Silang sumusunod sa kasamaan ay lumalapit,
sila'y malayo sa iyong mga tuntunin.
151 Ngunit ikaw ay malapit, O Panginoon;
at lahat mong utos ay katotohanan.
152 Noon pa mang una'y natuto na ako sa iyong mga patotoo
na magpakailanman ay itinatag mo ang mga ito.
RESH.
153 Pagmasdan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako;
sapagkat hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
154 Ipaglaban mo ang aking layunin, at tubusin mo ako,
muling buhayin mo ako ayon sa iyong pangako!
155 Ang kaligtasan ay malayo sa masama,
sapagkat hindi nila hinahanap ang iyong mga batas.
156 O Panginoon, dakila ang kaawaan mo,
muling buhayin mo ako ayon sa katarungan mo.
157 Marami ang umuusig sa akin at mga kaaway ko;
ngunit hindi ako humihiwalay sa iyong mga patotoo.
158 Namasdan ko ang mga taksil at ako'y nasuklam,
sapagkat hindi nila sinusunod ang iyong mga salita.
159 Isaalang-alang mo kung paanong iniibig ko ang mga tuntunin mo!
Muling buhayin mo ako ayon sa tapat na pag-ibig mo.
160 Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan;
at bawat isa sa iyong matuwid na batas ay nananatili magpakailanman.
SIN.
161 Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan,
ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita.
162 Ako'y nagagalak sa iyong salita
gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam.
163 Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
164 Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko,
sapagkat matuwid ang mga batas mo.
165 May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan,
walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.
166 O Panginoon, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako,
at tinutupad ko ang mga utos mo.
167 Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo;
lubos ko silang minamahal.
168 Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo;
sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo.
TAU.
169 O Panginoon, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa;
bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita!
170 Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa,
iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko,
sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo.
172 Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita,
sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid.
173 Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako,
sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo.
174 O Panginoon, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan,
at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan.
175 Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo,
at tulungan nawa ako ng mga batas mo.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod,
sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.
Awit ng Pag-akyat.
128 Ang bawat may takot sa Panginoon ay mapalad,
na sa kanyang mga daan ay lumalakad.
2 Kakainin mo ang bunga ng paggawa ng iyong mga kamay;
ikaw ay magiging masaya at ito'y magiging mabuti sa iyo.
3 Ang asawa mo'y magiging gaya ng mabungang puno ng ubas
sa loob ng iyong tahanan;
ang mga anak mo'y magiging gaya ng mga puno ng olibo
sa palibot ng iyong hapag-kainan.
4 Narito, ang taong may takot sa Panginoon,
ay pagpapalain ng ganito.
5 Pagpalain ka ng Panginoon mula sa Zion!
Ang kaunlaran ng Jerusalem ay iyo nawang masaksihan
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay!
6 Ang mga anak ng iyong mga anak ay iyo nawang mamasdan,
mapasa Israel nawa ang kapayapaan!
Awit ng Pag-akyat.
129 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,”
sabihin ngayon ng Israel—
2 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,
gayunma'y laban sa akin ay hindi sila nagtagumpay.
3 Inararo ng mga mag-aararo ang likod ko;
kanilang pinahaba ang mga tudling nila.”
4 Matuwid ang Panginoon;
ang mga panali ng masama ay kanyang pinutol.
5 Lahat nawa ng napopoot sa Zion,
ay mapahiya at mapaurong!
6 Maging gaya nawa sila ng damo sa mga bubungan,
na natutuyo bago pa ito tumubo man,
7 sa mga ito'y hindi pinupuno ng manggagapas ang kanyang kamay,
ni ng nagtatali ng mga bigkis ang kanyang kandungan.
8 Hindi rin sinasabi ng mga nagdaraan,
“Ang pagpapala nawa ng Panginoon ay sumainyo!
Sa pangalan ng Panginoon ay binabasbasan namin kayo!”
Awit ng Pag-akyat.
130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
2 Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!
3 Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
O Panginoon, sino kayang makakatagal?
4 Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
upang ikaw ay katakutan.
5 Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
at sa kanyang salita ako ay umaasa;
6 sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
higit pa kaysa bantay sa umaga;
tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.
7 O Israel, umasa ka sa Panginoon!
Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
at sa kanya ay may saganang katubusan.
8 Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
mula sa lahat niyang pagkakasala.
Tanda ng Tungkod ni Aaron
8 Nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron,
9 “Kapag sinabi ni Faraon sa inyo, ‘Patunayan ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng kababalaghan;’ at iyo ngang sasabihin kay Aaron, ‘Kunin mo ang iyong tungkod at ihagis mo sa harap ni Faraon, upang ito'y maging isang ahas.’”
10 Kaya't sina Moises at Aaron ay pumunta kay Faraon at kanilang ginawa ang ayon sa iniutos ng Panginoon. Inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harap ni Faraon at ng kanyang mga lingkod at ito'y naging ahas.
11 Nang magkagayo'y ipinatawag naman ni Faraon ang mga pantas at ang mga manggagaway, at ang mga salamangkero sa Ehipto ay gumawa ng gayundin ayon sa kanilang mga lihim na kaalaman.
12 Inihagis ng bawat isa ang kanya-kanyang tungkod at naging mga ahas. Ngunit nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila.
13 Ang puso ni Faraon ay nagmatigas pa rin, at hindi niya pinakinggan sila gaya ng sinabi ng Panginoon.
Pinagmatigas ni Faraon ang Kanyang Puso
14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang puso ni Faraon ay nagmamatigas, ayaw niyang paalisin ang bayan.
15 Pumunta ka kay Faraon kinaumagahan habang siya'y patungo sa tubig. Tumayo ka sa tabi ng ilog upang harapin siya, at ang tungkod na naging ahas ay hawakan mo.
16 Sasabihin mo sa kanya, ‘Sinugo ako sa iyo ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo, na sinasabi, “Payagan mong umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin sa ilang.” Ngunit hanggang ngayon hindi mo pa tinutupad.’
17 Kaya't(A) ganito ang sabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan nito ay makikilala mo na ako ang Panginoon.” Tingnan mo, aking hahampasin ng tungkod na nasa aking kamay ang tubig na nasa ilog at ito'y magiging dugo.
18 Ang mga isda na nasa ilog ay mamamatay, ang ilog ay babaho, at ang mga Ehipcio ay mandidiring uminom ng tubig sa Nilo.’”
19 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron, ‘Kunin mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa tubig sa Ehipto, sa kanilang mga ilog, sa kanilang mga bambang, at sa kanilang mga lawa at sa lahat nilang tipunan ng tubig, upang maging dugo ang mga ito; at magkakaroon ng dugo sa buong lupain ng Ehipto, maging sa mga sisidlang kahoy at maging sa mga sisidlang bato.’”
Ang Tubig ay Naging Dugo
20 Gayon ang ginawa nina Moises at Aaron, gaya ng iniutos ng Panginoon. Kanyang itinaas ang tungkod at hinampas ang tubig na nasa ilog, sa paningin ni Faraon at ng kanyang mga lingkod, at ang lahat ng tubig na nasa ilog ay naging dugo.
21 Ang mga isda sa ilog ay namatay at ang ilog ay bumaho at ang mga Ehipcio ay hindi makainom ng tubig sa ilog; at nagkaroon ng dugo sa buong lupain ng Ehipto.
22 Subalit ang mga salamangkero sa Ehipto ay gumawa ng gayundin sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na kaalaman. Ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at ayaw niyang pakinggan sila, gaya ng sinabi ng Panginoon.
23 Si Faraon ay tumalikod at umuwi sa kanyang bahay, na hindi man lamang niya inilagay ito sa kanyang puso.
24 Lahat ng mga Ehipcio ay humukay sa palibot ng ilog upang makakuha ng tubig na maiinom, sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.
Tagumpay sa Pamamagitan ni Cristo
14 Subalit salamat sa Diyos, na siyang laging nagdadala sa atin sa pagtatagumpay kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kanya sa bawat dako.
15 Sapagkat kami ang mabangong samyo ni Cristo sa Diyos sa mga iniligtas at sa mga napapahamak;
16 sa isa ay samyo mula sa kamatayan tungo sa kamatayan, at sa iba ay samyong mula sa buhay tungo sa buhay. At sino ang sapat para sa mga bagay na ito?
17 Sapagkat kami ay hindi gaya ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos, kundi bilang mga taong tapat, bilang inatasan ng Diyos sa harapan ng Diyos ay nagsasalita kami para kay Cristo.
Mga Lingkod ng Bagong Tipan
3 Magsisimula ba kaming muli na purihin ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri sa inyo, o mula sa inyo?
2 Kayo mismo ang aming sulat na nasusulat sa aming mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao:
3 ipinapakita(A) ninyo na kayo'y sulat ni Cristo na iniingatan namin, isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas ng bato kundi sa mga tapyas ng puso ng tao.
4 Gayon ang pagtitiwalang taglay namin sa pamamagitan ni Cristo tungo sa Diyos.
5 Hindi sa kami ay may kakayahan mula sa aming sarili upang angkinin ang anuman na nagmula sa amin, kundi ang aming kakayahan ay mula sa Diyos;
6 na(B) ginawa kaming may kakayahan na maging mga lingkod ng bagong tipan, hindi ng titik, kundi ng Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.
Tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
10 Mula roon, siya'y umalis at pumunta sa lupain ng Judea at sa kabila ng Jordan. At muling nagtipon ang napakaraming tao sa paligid niya at tulad ng kanyang nakaugalian, muli niyang tinuruan sila.
2 Dumating ang mga Fariseo at upang subukin siya ay kanilang itinanong, “Ipinahihintulot ba sa lalaki na makipaghiwalay sa kanyang asawa?”
3 At sumagot siya sa kanila, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?”
4 Sinabi(B) nila, “Ipinahintulot ni Moises na sumulat ang isang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at makipaghiwalay sa babae.”
5 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Dahil sa katigasan ng inyong puso, isinulat niya ang utos na ito sa inyo.
6 Ngunit(C) buhat pa sa pasimula ng paglikha, ‘ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.’
7 ‘Dahil(D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at makikipisan sa kanyang asawa;
8 at ang dalawa ay magiging isang laman!’ Kaya't hindi na sila dalawa, kundi isang laman.
9 Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag hayaang paghiwalayin ng tao.”
10 Sa bahay naman ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito.
11 At(E) sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kanya.
12 Kung nakipaghiwalay siya sa kanyang asawang lalaki at mag-asawa sa iba, nagkakasala siya ng pangangalunya.”
Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)
13 At dinadala ng mga tao sa kanya ang maliliit na bata upang sila'y kanyang hipuin, ngunit sinaway sila ng mga alagad.
14 Ngunit nang ito'y makita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.
15 Tunay(G) na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi makakapasok doon.”
16 At kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001