Book of Common Prayer
Awit ng mga Anak ni Kora. Isang Awit.
87 Ang kanyang saligan ay nasa mga banal na bundok,
2 minamahal ng Panginoon ang sa Zion na mga pintuan,
higit kaysa lahat ng kay Jacob na tahanan.
3 Maluluwalhating bagay ang ibinabalita tungkol sa iyo,
O lunsod ng Diyos. (Selah)
4 Kabilang sa mga nakakakilala sa akin ay binabanggit ko si Rahab at ang Babilonia,
narito, ang Filistia at Tiro, kasama ng Etiopia—
“Ang isang ito ay ipinanganak doon.”
5 At tungkol sa Zion ay sasabihin,
“Ang isang ito at ang isang iyon ay ipinanganak sa kanya;”
sapagkat mismong ang Kataas-taasan ang magtatatag sa kanya.
6 Ang Panginoon ay magbibilang habang kanyang itinatala ang mga bayan,
“Ang isang ito ay ipinanganak doon.” (Selah)
7 Ang mga mang-aawit at mananayaw ay kapwa nagsasabi,
“Lahat ng aking mga bukal ay nasa iyo.”
IKAAPAT NA AKLAT
Panalangin ni Moises, ang tao ng Diyos.
90 Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako
sa lahat ng salinlahi.
2 Bago nilikha ang mga bundok,
o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan,
ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.
3 Iyong ibinabalik ang tao sa alabok,
at iyong sinasabi, “Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!”
4 Sapagkat(A) ang isang libong taon sa iyong paningin,
ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas,
o gaya ng isang gabing pagbabantay.
5 Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog,
kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
6 sa umaga ito'y nananariwa at lumalago,
sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.
7 Sapagkat ang iyong galit ang sa amin ay tumupok,
at sa pamamagitan ng iyong galit kami ay nabagabag.
8 Inilagay mo ang aming kasamaan sa iyong harapan,
sa liwanag ng iyong mukha ang lihim naming kasalanan.
9 Sapagkat sa ilalim ng iyong poot, lahat ng aming araw ay lumilipas,
na gaya ng buntong-hininga, ang aming mga taon ay nagwawakas.
10 Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon,
o kung malakas kami ay walumpung taon,
ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang,
ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala.
11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng galit mo,
at ng iyong galit ayon sa pagkatakot na marapat sa iyo?
12 Kaya't turuan mo kami na bilangin ang aming mga araw,
upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan.
13 Manumbalik ka, O Panginoon! Hanggang kailan pa?
Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka!
14 Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal,
upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw.
15 Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin,
at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin.
16 Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod,
at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos,
at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay;
oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay.
136 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon; sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
2 O magpasalamat kayo sa Diyos ng mga diyos,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
3 Ang Panginoon ng mga panginoon ay inyong pasalamatan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
4 siya na tanging gumagawa ng mga dakilang kababalaghan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
5 siya(B) na sa pamamagitan ng unawa ay ginawa ang kalangitan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
6 siya(C) na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
7 siya(D) na gumawa ng mga dakilang tanglaw,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
8 ng araw upang ang araw ay pagharian,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
9 ng buwan at mga bituin upang ang gabi'y pamunuan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
10 siya(E) na sa mga panganay sa Ehipto ay pumaslang,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
11 at(F) mula sa kanila, ang Israel ay inilabas,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
12 sa pamamagitan ng malakas na kamay at ng unat na bisig,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
13 siya(G) na sa Dagat na Pula ay humawi,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
14 at sa gitna nito ang Israel ay pinaraan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
15 ngunit nilunod si Faraon at ang kanyang hukbo sa Pulang Dagat,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
16 siya na pumatnubay sa kanyang bayan sa ilang,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
17 siya na sa mga dakilang hari ay pumatay,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman,
18 at sa mga bantog na hari ay pumaslang,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
19 kay(H) Sihon na hari ng mga Amorita,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
20 at(I) kay Og na hari ng Basan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
21 at ang kanilang lupain bilang pamana'y ibinigay,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
22 isang pamana sa Israel na kanyang tauhan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
23 Siya ang nakaalala sa atin sa ating mababang kalagayan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
24 at iniligtas tayo sa ating mga kaaway,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
25 siya na nagbibigay ng pagkain sa lahat ng laman,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
26 O magpasalamat kayo sa Diyos ng kalangitan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
Huling Pakiusap ni Jacob
27 Kaya't si Israel ay nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa lupain ng Goshen; at sila'y nagkaroon ng mga pag-aari roon, at sumagana at naging napakarami.
28 Si Jacob ay nanirahan sa lupain ng Ehipto ng labimpitong taon; kaya't ang mga araw ni Jacob, ang mga taon ng kanyang buhay, ay isandaan at apatnapu't pitong taon.
29 Nang(A) ang araw ng kamatayan ni Israel ay malapit na, tinawag niya ang kanyang anak na si Jose, at sinabi sa kanya, “Kung ako ngayon ay makakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hinihiling ko na ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at mangako kang maging tapat at tunay sa akin. Huwag mo akong ililibing sa Ehipto.
30 Kapag ako'y humimlay na kasama ng aking mga ninuno, ilabas mo ako mula sa Ehipto, at ilibing mo ako sa kanilang libingan.” At sinabi ni Jose, “Aking gagawin ang ayon sa iyong sinabi.”
31 Kanyang sinabi, “Sumumpa ka sa akin;” at sumumpa siya sa kanya. At yumuko si Israel sa ulunan ng kanyang higaan.
Binasbasan ni Jacob sina Efraim at Manases
48 Pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabi kay Jose, “Ang iyong ama ay may sakit.” Kaya't isinama niya ang kanyang dalawang anak, sina Manases at Efraim.
2 Nang sabihin kay Jacob, “Narito, pinuntahan ka ng anak mong si Jose;” siya[a] ay nagpalakas at umupo sa higaan.
3 Sinabi(B) ni Jacob kay Jose, “Ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay nagpakita sa akin sa Luz sa lupain ng Canaan, at binasbasan ako,
4 at sinabi sa akin, ‘Palalaguin at pararamihin kita, at gagawin kitang isang kapisanan ng mga bayan; at ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi pagkamatay mo, bilang isang pag-aari magpakailanman.’
5 Kaya't akin na ngayon ang dalawa mong anak na ipinanganak sa iyo sa lupain ng Ehipto bago ako pumarito sa iyo: sina Efraim at Manases, gaya nina Ruben at Simeon.
6 Ang iyong mga anak na ipinanganak pagkaraan nila ay magiging iyo; sila'y tatawagin sa kanilang mana ayon sa pangalan ng kanilang mga kapatid.
7 Sapagkat(C) nang ako'y dumating mula sa Padan, si Raquel ay namatay sa lupain ng Canaan sa daan, nang malapit nang makarating sa Efrata; at inilibing ko siya roon sa daan ng Efrata” (na siya ring Bethlehem).
Mga Babala mula sa Kasaysayan ng Israel
10 Mga(A) kapatid, hindi ko nais na hindi ninyo malaman na ang ating mga ninuno ay dumaan sa ilalim ng ulap, at silang lahat ay tumawid sa dagat,
2 at lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat;
3 at(B) lahat ay kumain ng isang pagkaing espirituwal;
4 at(C) lahat ay uminom ng isang inuming espirituwal. Sapagkat sila'y umiinom sa batong espirituwal na sumunod sa kanila, at ang Batong iyon ay si Cristo.
5 Subalit(D) hindi nalugod ang Diyos sa karamihan sa kanila, sapagkat sila'y ibinuwal sa ilang.
6 Ang(E) mga bagay na ito'y naganap bilang halimbawa para sa atin, upang huwag tayong magnasa ng mga bagay na masama na gaya nila.
7 Huwag(F) kayong sumamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ilan sa kanila, gaya ng nasusulat, “Naupo ang bayan upang kumain at uminom, at tumindig upang sumayaw.”
8 Huwag(G) tayong makiapid, gaya ng ilan sa kanila na nakiapid, at ang namatay[a] sa isang araw ay dalawampu't tatlong libo.
9 Huwag(H) nating tuksuhin si Cristo na gaya ng pagtukso ng ilan sa kanila, at sila'y pinuksa ng mga ahas.
10 Huwag(I) din kayong magbulung-bulungan, gaya ng ilan na nagbulung-bulungan, at sila'y pinuksa ng taga-puksa.
11 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at nasulat bilang pangaral sa atin na dinatnan ng katapusan ng mga panahon.
12 Kaya't ang nag-aakalang siya'y nakatayo ay mag-ingat na baka siya'y mabuwal.
13 Walang tuksong dumating sa inyo na hindi karaniwan sa tao, subalit tapat ang Diyos, na hindi niya ipahihintulot na kayo'y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay naglalaan ng pag-iwas upang ito'y inyong makayang tiisin.
Ang mga Tradisyon(A)
7 Nang sama-samang lumapit sa kanya ang mga Fariseo at ang ilan sa mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem,
2 kanilang nakita ang ilan sa kanyang alagad na kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay, samakatuwid ay hindi hinugasan.
3 (Sapagkat ang mga Fariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makapaghugas na mabuti ng mga kamay, na sinusunod ang tradisyon ng matatanda.
4 Kapag nanggaling sila sa palengke, hindi sila kumakain malibang nalinis nila ang kanilang mga sarili. At marami pang ibang bagay ang kanilang sinusunod gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.)[a]
5 Kaya't siya'y tinanong ng mga Fariseo at mga eskriba, “Bakit ang iyong mga alagad ay hindi lumalakad ayon sa tradisyon ng matatanda, kundi kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay?”
6 At(B) sinabi niya sa kanila, “Tama ang pahayag ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagkunwari, ayon sa nasusulat,
‘Iginagalang ako ng bayang ito ng kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo bilang aral ang mga utos ng mga tao!’
8 Iniwan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghahawakan ang tradisyon ng mga tao.”
9 Sinabi pa niya sa kanila, “Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon.
10 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat patayin!’
11 Ngunit sinasabi ninyo na kung sabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang tulong na mapapakinabang ninyo sa akin ay Corban, na nangangahulugang handog,’
12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya pinahihintulutang gumawa ng anuman para sa kanyang ama o ina,
13 kaya't pinawawalang kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito.
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
14 Muli niyang pinalapit ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain.
15 Walang anumang nasa labas ng tao na pagpasok sa kanya ay nakapagpaparumi sa kanya kundi ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.”
16 [Kung ang sinuman ay may pandinig na ipandirinig ay makinig.]
17 Nang iwan niya ang maraming tao at pumasok siya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga.
18 Sinabi niya sa kanila, “Kayo rin ba ay hindi nakakaunawa? Hindi ba ninyo nalalaman, na anumang nasa labas na pumapasok sa tao ay hindi nakapagpaparumi sa kanya,
19 sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at ito'y inilalabas sa tapunan ng dumi? Sa ganito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.”
20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.
21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpaslang,
22 ang pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan.
23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagmumula at nakapagpaparumi sa tao.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001