Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 95

95 O halikayo, tayo'y umawit sa Panginoon;
    tayo'y sumigaw na may kagalakan sa malaking bato ng ating kaligtasan!
Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat;
    tayo'y sumigaw na may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri!
Sapagkat ang Panginoon ay dakilang Diyos,
    at dakilang Hari sa lahat ng mga diyos.
Nasa kanyang kamay ang mga kalaliman ng lupa,
    ang mga kataasan ng mga bundok ay kanya rin.
Ang dagat ay kanya, sapagkat ito'y kanyang ginawa,
    ang kanyang mga kamay ang lumikha ng tuyong lupa.

O parito kayo, tayo'y sumamba at yumukod;
    tayo'y lumuhod sa harapan ng Panginoon, ang ating Manlilikha!
Sapagkat(A)(B) siya'y ating Diyos,
    at tayo'y bayan ng kanyang pastulan,
    at mga tupa ng kanyang kamay.

Ngayon kung inyong papakinggan ang kanyang tinig,
    huwag(C) ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba,
    gaya ng araw sa ilang sa Massah,
nang tuksuhin ako ng mga magulang ninyo,
    at ako'y subukin, bagaman nakita na nila ang gawa ko.
10 Apatnapung taong kinamuhian ko ang lahing iyon,
    at aking sinabi, “Bayan na nagkakamali sa kanilang puso,
    at hindi nila nalalaman ang aking mga daan.”
11 Kaya't(D) sa aking galit ako ay sumumpa,
    na “Sila'y hindi dapat pumasok sa aking kapahingahan.’”

Mga Awit 88

Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora. Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath Leannoth. Maskil ni Heman na Ezrahita.

88 O Panginoon, Diyos ng aking kaligtasan,
    ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo.
Paratingin mo nawa ang aking panalangin sa harapan mo,
    ang iyong pandinig sa aking daing ay ikiling mo!

Sapagkat ang aking kaluluwa ay punô ng mga kaguluhan,
    at papalapit sa Sheol ang aking buhay.
Ako'y ibinilang sa kanila na bumababa sa Hukay;
ako'y taong walang lakas,
gaya ng pinabayaan sa gitna ng mga patay,
    gaya ng pinatay na nakahiga sa libingan,
gaya ng mga hindi mo na inaalala,
    sapagkat sila'y inihiwalay sa iyong kamay.
Inilagay mo ako sa pinakamalalim na Hukay,
    sa madidilim na dako at kalaliman.
Ang iyong poot ay mabigat na sa akin ay nakapatong,
    at iyong sinaktan ako ng lahat mong mga alon. (Selah)

Pinalayo mo sa akin ang aking mga kasamahan;
    ginawa mo akong isang bagay na kanilang katatakutan.
Ako'y nakakulong upang ako'y hindi makatakas;
    dahil sa kalungkutan ay lumabo ang mata ko,
O Panginoon, araw-araw ay tumatawag ako sa iyo,
    aking iniabot sa iyo ang mga kamay ko.
10 Gagawa ka ba ng mga kababalaghan para sa mga patay?
    Ang mga patay ba ay babangon upang purihin ka? (Selah)

11 Ang iyo bang tapat na pag-ibig ay ipahahayag sa libingan,
    o sa Abadon ang iyong katapatan?
12 Ang iyo bang mga kababalaghan ay malalaman sa kadiliman,
    o ang iyong katuwiran sa lupain ng pagkalimot?

13 O Panginoon, ako sa iyo'y dumaraing,
    sa umaga'y dumarating sa harapan mo ang aking panalangin.
14 O Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang aking kaluluwa?
    Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?
15 Pinahihirapan at malapit sa kamatayan mula sa aking kabataan,
    tiniis ko ang pagkatakot sa iyo, wala akong kakayahan.
16 Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin,
    winasak ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.
17 Kanilang pinaligiran ako na gaya ng tubig sa buong araw;
    kinubkob nila akong magkakasama.
18 Inalis mo sa akin ang aking mangingibig at kaibigan,
    ang aking mga kasamahan ay nasa kadiliman.

Mga Awit 91-92

Ang Diyos ang Ating Tagapag-ingat

91 Siyang naninirahan sa tirahan ng Kataas-taasan,
    ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan,
sasabihin ko sa Panginoon, “Aking muog at aking kanlungan,
    aking Diyos na siya kong pinagtitiwalaan.”
Sapagkat ililigtas ka niya sa bitag ng maninilo,
    at sa nakakamatay na salot.
Kanyang tatakpan ka ng mga bagwis niya,
    at sa ilalim ng kanyang mga pakpak ay manganganlong ka;
    ang kanyang katapatan ay baluti at panangga.
Ang mga nakakakilabot sa gabi ay di mo katatakutan,
    ni ang pana na nagliliparan kapag araw;
ni ang salot na lihim na bumubuntot sa kadiliman,
    ni ang pagkawasak na sumisira sa katanghalian.
Mabubuwal sa iyong tabi ang isang libo,
    sa iyong kanan ay sampung libo,
    ngunit ito'y hindi lalapit sa iyo.
Mamamasdan mo lamang sa pamamagitan ng iyong mga mata,
    at iyong makikita ang parusa sa masama.

Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay aking kanlungan!
    Ang Kataas-taasan bilang iyong tahanan;
10 walang kasamaang darating sa iyo,
    walang parusang lalapit sa tolda mo.
11 Sapagkat(A) siya'y magbibilin sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,
    upang sa lahat ng iyong mga lakad ay ingatan ka.
12 Sa(B) kanilang mga kamay ay dadalhin ka nila,
    baka sa isang bato'y matisod ang iyong paa.
13 Iyong(C) tatapakan ang leon at ang ulupong,
    tatapakan mo ng iyong paa ang ahas at batang leon.

14 Sapagkat siya'y kumapit sa akin na may pag-ibig, ililigtas ko siya,
    iingatan ko siya sapagkat ang aking pangalan ay nalalaman niya.
15 Siya'y tatawag sa akin at sasagutin ko siya;
    ako'y magiging kasama niya sa kabalisahan,
    sasagipin ko siya at pararangalan ko siya.
16 Aking bubusugin siya ng mahabang buhay,
    at ipapakita sa kanya ang aking pagliligtas.

Isang Awit para sa Sabbath.

92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
    ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
    at sa gabi ng katapatan mo,
sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
    at sa matunog na himig ng lira.
Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
    sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.
Kay dakila ng iyong mga gawa, O Panginoon!
    Ang iyong kaisipan ay napakalalim!
Ang taong mapurol ay hindi makakaalam;
    hindi ito mauunawaan ng hangal:
bagaman parang damo na ang masama ay lumilitaw,
    at umuunlad ang mga gumagawa ng kasamaan,
sila'y nakatalaga sa pagkawasak magpakailanman,
    ngunit ikaw, O Panginoon, ay mataas magpakailanman.
Sapagkat, O Panginoon, ang mga kaaway mo,
    sapagkat malilipol ang mga kaaway mo;
    lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mangangalat.

10 Ngunit itinaas mo ang sungay ko, na gaya ng sa mailap na toro,
    ng sariwang langis ako'y binuhusan mo.
11 Nakita ng aking mata ang pagbagsak ng aking mga kaaway,
    narinig ng aking mga tainga ang kapahamakan ng tumitindig laban sa akin.

12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
    at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
    sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
    sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
    siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.

Genesis 47:1-26

Iniharap si Jacob sa Faraon

47 Kaya't pumunta si Jose sa Faraon at sinabi, “Ang aking ama, ang aking mga kapatid, ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat nilang pag-aari, ay dumating na mula sa lupain ng Canaan. Sila ngayon ay nasa lupain ng Goshen.”

Kumuha siya ng limang kalalakihan mula sa kanyang mga kapatid at kanyang iniharap sila sa Faraon.

Sinabi ng Faraon sa kanyang mga kapatid, “Ano ang inyong hanapbuhay?” At kanilang sinabi sa Faraon, “Ang iyong mga lingkod ay mga pastol, gaya ng aming mga ninuno.”

Kanilang sinabi sa Faraon, “Pumarito kami upang manirahan bilang dayuhan sa lupain. Walang pastulan para sa mga kawan na pag-aari ng iyong mga lingkod sapagkat ang taggutom ay matindi sa lupain ng Canaan. Ngayon ay pahintulutan mo na ang iyong mga lingkod ay manirahan sa lupain ng Goshen.”

Pagkatapos ay sinabi ng Faraon kay Jose, “Ang iyong ama at ang iyong mga kapatid ay pumarito sa iyo.

Ang lupain ng Ehipto ay nasa harapan mo; patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid sa pinakamabuti sa lupain, patirahin mo sila sa lupain ng Goshen at kung may alam ka sa kanilang may kakayahan, gawin mo silang mga tagapamahala ng aking mga hayop.”

Kaya't isinama ni Jose si Jacob na kanyang ama at pinatayo niya sa harapan ng Faraon, at binasbasan ni Jacob ang Faraon.

Sinabi ng Faraon kay Jacob, “Gaanong karami na ang mga araw ng mga taon ng iyong buhay?”

Sinabi ni Jacob sa Faraon, “Ang mga taon ng aking paninirahan sa lupa ay isandaan at tatlumpung taon; kakaunti at masasama ang naging mga taon ng aking buhay. Hindi iyon maihahambing sa mga taon ng buhay ng aking mga ninuno sa panahon ng kanilang mahabang pamumuhay.”

10 At binasbasan ni Jacob ang Faraon at umalis sa harapan ng Faraon.

11 Pinatira ni Jose ang kanyang ama at ang kanyang mga kapatid, at sila'y binigyan ng lugar sa lupain ng Ehipto, sa pinakamabuti sa lupain, sa lupain ng Rameses, gaya ng iniutos ng Faraon.

12 Binigyan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, ang kanyang mga kapatid, at ang buong sambahayan ng kanyang ama, ayon sa bilang ng kanilang mga anak.

Ang Taggutom at ang Bunga Noon

13 Noon ay walang pagkain sa buong lupain sapagkat matindi ang taggutom, at ang lupain ng Ehipto at ang lupain ng Canaan ay nanghina dahil sa taggutom.

14 Kaya't tinipon ni Jose ang lahat ng salapi na natagpuan sa lupain ng Ehipto at Canaan, kapalit ng trigong kanilang binibili at ipinasok ni Jose ang salapi sa bahay ng Faraon.

15 Nang ang salapi ay maubos nang lahat sa lupain ng Ehipto at Canaan, pumunta kay Jose ang lahat ng mga Ehipcio, at nagsabi, “Bigyan mo kami ng pagkain, bakit kami mamamatay sa iyong harapan? Sapagkat ang aming salapi ay naubos na.”

16 Sinabi ni Jose, “Ibigay ninyo ang inyong mga hayop; at bibigyan ko kayo kapalit ng inyong mga hayop, kung naubos na ang salapi.”

17 Kaya't dinala nila ang kanilang mga hayop kay Jose, at binigyan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng mga kabayo, mga kawan, mga bakahan, at mga asno. Nang taong iyon, sila'y kanyang binigyan ng pagkain kapalit ng lahat nilang mga hayop.

18 Nang matapos ang taong iyon ay muli silang pumunta sa kanya nang ikalawang taon. Sinabi nila sa kanya, “Hindi namin maililihim sa aming panginoon na ang pilak at mga kawan ng hayop ay naubos na at ang mga kawan ng hayop ay sa aking panginoon na. Wala nang naiiwan sa paningin ng aking panginoon kundi ang aming katawan at ang aming mga lupain.

19 Dapat ba kaming mamatay sa inyong harapan, kami at ang aming lupain? Bilhin mo kami at ang aming mga lupain kapalit ng pagkain, at kami at ang aming lupain ay magiging mga alipin sa Faraon. Bigyan mo kami ng binhi, upang kami ay mabuhay at huwag mamatay, upang ang lupain ay huwag maging walang laman.”

20 Kaya't binili ni Jose ang buong lupain ng Ehipto para sa Faraon. Ipinagbili ng bawat isa sa mga Ehipcio ang kanyang bukid, sapagkat matindi para sa kanila ang taggutom. Kaya't ang lupain ay naging sa Faraon.

21 At tungkol sa mga tao, kanyang ginawa silang mga alipin mula sa isang dulo ng hangganan ng Ehipto hanggang sa kabilang dulo.

22 Tanging ang lupa lamang ng mga pari ang hindi niya binili, sapagkat ang Faraon ay nagtakda ng bahagi para sa mga pari at karaniwang kumakain sila mula sa bahagi na ibinibigay sa kanila ng Faraon. Dahil dito, hindi nila ipinagbili ang kanilang lupa.

23 Nang magkagayo'y sinabi ni Jose sa bayan, “Ngayo'y binili ko kayo sa araw na ito at ang inyong mga lupa para sa Faraon. Narito ang binhi para sa inyo; hasikan ninyo ang lupa.

24 Sa panahon ng inyong pag-aani ay ibibigay ninyo ang ikalimang bahagi sa Faraon, at ang apat na bahagi ay para sa inyo, para sa binhi sa bukid at bilang pagkain ninyo, ng inyong mga kasambahay, at ng inyong mga anak.”

25 Kanilang sinabi, “Iniligtas mo ang aming buhay; kung gugustuhin ng aking panginoon, kami ay magiging mga alipin ng Faraon.”

26 Kaya't ginawang kautusan ni Jose sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito na ang ikalimang bahagi ay para kay Faraon. Tanging ang lupa ng mga pari ang hindi naging kay Faraon.

1 Corinto 9:16-27

16 Sapagkat kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo, ay wala akong dahilan upang magmalaki, sapagkat ang katungkulan ay iniatang sa akin. Kahabag-habag ako kung hindi ko ipangaral ang ebanghelyo!

17 Sapagkat kung ito'y gawin ko nang maluwag sa kalooban, ay may gantimpala ako. Ngunit kung hindi maluwag sa kalooban, isang pangangasiwa ang ipinagkatiwala sa akin.

18 Ano kung gayon ang aking gantimpala? Ito lamang: na sa aking pangangaral, ang ebanghelyo ay ginawa kong walang bayad, upang hindi ko magamit ng lubusan ang aking karapatan sa ebanghelyo.

19 Sapagkat bagaman malaya ako sa lahat ng mga tao, ay nagpaalipin ako sa lahat, upang higit na marami ang aking mahikayat.

20 Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng isang Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng isang nasa ilalim ng kautusan, bagaman ako ay wala sa ilalim ng kautusan upang aking mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan.

21 Sa mga nasa labas ng kautusan, ako ay naging tulad sa walang kautusan, bagama't hindi ako malaya mula sa kautusan sa Diyos kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga nasa labas ng kautusan.

22 Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay makapagligtas ako ng ilan.

23 Ginawa ko ang lahat ng mga bagay dahil sa ebanghelyo, upang ako'y magkaroon ng bahagi sa mga pagpapala nito.

24 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga tumatakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa gayong paraan upang iyon ay inyong mapagwagian.

25 Ang bawat nakikipaglaban sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng mga bagay; ginagawa nila iyon upang sila ay makatanggap ng isang korona na may pagkasira, ngunit tayo'y sa walang pagkasira.

26 Kaya't ako'y tumatakbo na hindi gaya ng walang katiyakan; hindi ako sumusuntok na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin.

27 Ngunit sinusupil ko ang aking katawan, at ginagawa itong alipin, upang pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako mismo ay hindi itakuwil.

Marcos 6:47-56

47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat at siya'y nag-iisa sa lupa.

48 Pagkakita sa kanila na sila'y nahihirapan sa pagsagwan, sapagkat salungat sa kanila ang hangin, nang malapit na ang madaling araw,[a] lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat. Balak niyang lampasan sila,

49 ngunit nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, inakala nilang iyon ay isang multo at sila'y sumigaw;

50 sapagkat siya ay nakita nilang lahat at sila'y nasindak. Ngunit agad siyang nagsalita sa kanila at sinabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito; huwag kayong matakot.”

51 Sumakay siya sa bangka kasama nila at tumigil ang hangin. At sila'y lubhang nanggilalas,

52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi tumigas ang kanilang mga puso.

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(A)

53 Nang makatawid na sila, narating nila ang lupain ng Genesaret at dumaong doon.

54 At nang bumaba sila sa bangka, agad siyang nakilala ng mga tao.

55 Tumakbo sila sa palibot ng buong lupaing iyon at pinasimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nasa kanilang higaan, saanman nila mabalitaan na naroon siya.

56 At saanman siya pumasok sa mga nayon, o sa mga lunsod o bukid inilalagay nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at pinapakiusapan siya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng humipo nito[b] ay pawang gumaling.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001