Book of Common Prayer
Awit ng Pag-akyat.
120 Sa aking kahirapan ay sa Panginoon ako dumaing,
at sinagot niya ako.
2 “O Panginoon, sa mga sinungaling na labi ay iligtas mo ako,
mula sa dilang mandaraya.”
3 Anong ibibigay sa iyo,
at ano pa ang sa iyo ay magagawa,
ikaw na mandarayang dila?
4 Matalas na palaso ng mandirigma,
na may nag-aapoy na baga ng enebro!
5 Kahabag-habag ako na sa Mesech ay nakikipamayan,
na sa mga tolda ng Kedar ay naninirahan.
6 Matagal nang ang aking kaluluwa ay naninirahang
kasama ng mga napopoot sa kapayapaan.
7 Ako'y para sa kapayapaan;
ngunit kapag ako'y nagsasalita,
sila'y para sa pakikidigma!
Awit ng Pag-akyat.
121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
2 Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
na siyang gumawa ng langit at lupa.
3 Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
4 Siyang nag-iingat ng Israel
ay hindi iidlip ni matutulog man.
5 Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
6 Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
ni ng buwan man kapag gabi.
7 Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
8 Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
mula sa panahong ito at magpakailanpaman.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
“Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
2 Ang mga paa natin ay nakatayo
sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;
3 Jerusalem, na natayo
na parang lunsod na siksikan;
4 na inaahon ng mga lipi,
ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
5 Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
ang mga trono ng sambahayan ni David.
6 Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
“Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
7 Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
8 Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
hahanapin ko ang iyong ikabubuti.
Awit ng Pag-akyat.
123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
2 Gaya ng mga mata ng mga alipin
na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
hanggang sa siya'y maawa sa amin.
3 Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
4 Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
ng paghamak ng palalo.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
sabihin ngayon ng Israel—
2 kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
3 nilamon na sana nila tayong buháy,
nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
4 tinabunan na sana tayo ng baha,
dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
5 dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
ang ating kaluluwa.
6 Purihin ang Panginoon,
na hindi tayo ibinigay
bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
7 Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
at tayo ay nakatakas!
8 Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
na siyang lumikha ng langit at lupa.
Awit ng Pag-akyat.
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay gaya ng bundok ng Zion,
na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem,
gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa kanyang bayan,
mula sa panahong ito at magpakailanman.
3 Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili
sa lupaing iniukol sa mga matuwid;
upang hindi iunat ng mga matuwid
ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama.
4 Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O Panginoon,
at ang matutuwid sa kanilang mga puso.
5 Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad,
ay itataboy ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel!
Awit ng Pag-akyat.
126 Nang ibalik ng Panginoon ang mga kayamanan ng Zion,[a]
tayo ay gaya ng mga nananaginip.
2 Nang magkagayo'y napuno ang ating bibig ng mga tawanan,
at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan,
nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
“Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.”
3 Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin,
kami ay natutuwa.
4 Ang aming mga bihag,[b] O Panginoon, ay iyong ibalik,
na gaya ng mga batis sa Negeb![c]
5 Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan,
ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!
6 Siyang lumalabas na umiiyak,
na may dalang itatanim na mga binhi,
ay uuwi na may sigaw ng kagalakan,
na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay Solomon.
127 Malibang ang Panginoon ang magtayo ng bahay,
ang mga nagtatayo nito ay walang kabuluhang nagpapagod.
Malibang ang Panginoon ang magbantay sa lunsod,
ang bantay ay nagpupuyat nang walang kabuluhan.
2 Walang kabuluhan na kayo'y bumabangon nang maaga,
at malalim na ang gabi kung magpahinga,
na kumakain ng tinapay ng mga pagpapagal;
sapagkat binibigyan niya ng tulog ang kanyang minamahal.
3 Narito, ang mga anak ay pamanang sa Panginoon nagmula,
ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala.
4 Gaya ng mga palaso sa kamay ng mandirigma,
ay ang mga anak sa panahon ng pagkabata.
5 Maligaya ang lalaki na ang kanyang lalagyan ng pana
ay punô ng mga iyon!
Siya'y hindi mapapahiya,
kapag siya'y nakipag-usap sa kanyang mga kaaway sa pintuang-bayan.
5 Pagkatapos nito, si Moises at si Aaron ay pumunta kay Faraon at sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Hayaan mong umalis ang aking bayan upang magdiwang sila ng kapistahan sa ilang para sa akin.’”
2 Ngunit sinabi ni Faraon, “Sino ang Panginoon na aking papakinggan ang kanyang tinig, upang pahintulutan kong umalis ang Israel? Hindi ko kilala ang Panginoon at saka hindi ko papahintulutang umalis ang Israel.”
3 Kanilang sinabi, “Ang Diyos ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin. Ipinapakiusap namin sa iyo, pahintulutan mo kaming maglakbay ng tatlong araw sa ilang at mag-alay sa Panginoon naming Diyos, kung hindi ay darating siya sa amin na may salot o tabak.”
4 Ngunit sinabi sa kanila ng hari ng Ehipto, “Moises at Aaron, bakit ninyo inilalayo ang bayan sa kanilang mga gawain? Pumaroon kayo sa inyong mga gawain.”
5 Sinabi ni Faraon, “Ang mga tao sa lupain ay marami na ngayon, at inyong pinapapagpahinga sila sa kanilang mga gawain!”
Dinagdagan ni Faraon ang Pahirap sa mga Tao
6 Nang araw ding iyon ay iniutos ng Faraon sa mga tagapangasiwa sa mga tao at sa kanilang mga kapatas,
7 “Huwag na ninyong bibigyan ang mga tao ng dayami sa paggawa ng tisa, na gaya ng dati. Sila ang pumaroon at magtipon ng dayami para sa kanilang sarili.
8 Ngunit ang bilang ng mga tisa na kanilang dating ginagawa ay siya rin ninyong iaatang sa kanila. Wala kayong babawasin sapagkat sila'y mga tamad. Kaya't sila'y dumadaing na nagsasabi, ‘Hayaan mo kaming umalis at maghandog sa aming Diyos.’
9 Lalo ninyong pabigatin ang gawain ng mga lalaki upang kanilang pagpagalan at huwag nilang pansinin ang mga kabulaanang salita.”
10 Kaya't ang mga tagapangasiwa at kapatas ng mga tao ay lumabas at kanilang sinabi sa bayan, “Ganito ang sabi ni Faraon, ‘Hindi ko kayo bibigyan ng dayami.
11 Humayo kayo mismo, kumuha kayo ng dayami kung saan kayo makakakita ngunit walang babawasin kaunti man sa inyong gawain.’”
12 Kaya't ang bayan ay naghiwa-hiwalay sa buong lupain ng Ehipto upang maghanap ng pinagputulan ng trigo na panghalili sa dayami.
13 Pinagmamadali sila ng mga tagapangasiwa na sinasabi, “Tapusin ninyo ang inyong mga gawa, ang inyong gawain sa araw-araw na gaya nang mayroon kayong dayami.”
14 Hinampas sila ng mga kapatas sa mga anak ni Israel na itinalaga sa kanila ng mga tagapangasiwa ni Faraon at sila'y tinanong, “Bakit hindi ninyo tinapos ang inyong gawain kahapon at ngayon sa paggawa ng tisa, na gaya ng dati?”
15 Nang magkagayo'y ang mga kapatas sa mga anak ni Israel ay naparoon at dumaing kay Faraon, “Bakit mo ginaganito ang iyong mga alipin?
16 Walang dayaming ibinibigay sa iyong mga alipin at kanilang sinasabi sa amin, ‘Gumawa kayo ng tisa!’ Ang iyong mga alipin ay hinahampas ngunit nasa iyong sariling bayan ang kasalanan.”
17 Subalit kanyang sinabi, “Kayo'y mga tamad, kayo'y mga tamad! Kaya't inyong sinasabi, ‘Hayaan mo kaming umalis at maghandog sa Panginoon:’
18 Kayo nga'y umalis ngayon at magtrabaho sapagkat walang dayaming ibibigay sa inyo, gayunma'y gagawin ninyo ang gayunding bilang ng mga tisa.”
Nawawalan ng Loob ang mga Tao
19 Nakita ng mga pinuno ng mga anak ni Israel na napasama ang kanilang kalagayan nang sabihin sa kanila, “Walang mababawas na anuman sa inyong mga tisa sa araw-araw.”
20 Pagkagaling nila kay Faraon, pumunta sila kina Moises at Aaron na naghihintay na makatagpo sila.
21 Sinabi nila sa kanila, “Kayo nawa'y tingnan ng Panginoon at hatulan! Ang aming katayuan ay ginawa ninyong nakakamuhi sa mga mata ni Faraon at sa kanyang mga lingkod, na naglagay ng tabak sa kanilang kamay upang kami ay patayin.”
22 Si Moises ay bumalik sa Panginoon at nagsabi, “ Panginoon, bakit mo ginawan ng masama ang bayang ito? Bakit mo pa ako isinugo?
23 Mula nang ako'y pumaroon kay Faraon upang magsalita sa iyong pangalan ay kanyang ginawan ng kasamaan ang bayang ito at hindi mo man lamang iniligtas ang iyong bayan.”
Inulit ng Diyos ang Kanyang Pangako
6 Subalit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ngayo'y makikita mo kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay kanyang paaalisin sila, at sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay ay kanyang palalayasin sila sa kanyang lupain.”
20 Mga kapatid, huwag kayong mag-isip bata; sa kasamaan ay maging sanggol kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging husto na sa gulang.
21 Sa(A) kautusan ay nakasulat, “Sa pamamagitan ng ibang mga wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga ay magsasalita ako sa bayang ito, gayunma'y hindi sila makikinig sa akin,” sabi ng Panginoon.
22 Kaya nga, ang mga wika ay tanda, hindi para sa mga sumasampalataya, kundi sa mga hindi mananampalataya. Subalit ang propesiya ay hindi sa mga hindi mananampalataya, kundi sa mga sumasampalataya.
23 Kaya't kung ang buong iglesya ay nagkakatipon at ang lahat ay nagsasalita ng mga wika, at pumasok ang mga hindi naturuan o hindi mga mananampalataya, hindi kaya nila sasabihing kayo'y mga nasisiraan ng isip?
24 Subalit kung ang lahat ay nagpapahayag ng propesiya at pumasok ang isang hindi mananampalataya, o hindi naturuan, siya ay hinatulan ng lahat, siya ay pinananagot ng lahat.
25 Pagkatapos na mabunyag ang mga lihim ng kanyang puso, ang taong iyon ay yuyukod,[a] at kanyang sasambahin ang Diyos at ipahahayag, “Tunay na kasama ninyo ang Diyos.”
Kaayusan sa Iglesya
26 Ano kung gayon, mga kapatid? Kapag kayo'y nagkakatipon, bawat isa ay may isang awit, isang aral, isang pahayag, isang wika, isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay.
27 Kung nagsasalita ang sinuman ng wika, dapat ay dalawa o hanggang tatlo lamang, at sunud-sunod ang bawat isa, at may isang magpaliwanag.
28 Subalit kung walang tagapagpaliwanag, tumahimik ang bawat isa sa iglesya at magsalita sa kanyang sarili, at sa Diyos.
29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa mga propeta, at ang iba'y umunawa sa sinasabi.
30 Kung may ipinahayag na anuman sa isang nakaupo, tumahimik muna ang nauna.
31 Sapagkat kayong lahat ay isa-isang makapagpapahayag ng propesiya upang ang lahat ay matuto, at ang lahat ay mapasigla.
32 At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasailalim ng mga propeta,
33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesya ng mga banal,
39 Kaya, mga kapatid ko, masikap ninyong naisin na makapagsalita ng propesiya at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita ng mga wika.
40 Subalit gawin ang lahat ng mga bagay nang nararapat at may kaayusan.
Mga Batong-Katitisuran(A)
42 “At kung ang sinuman ay magbigay ng katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mabuti pang bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking gilingang bato at itapon sa dagat.
43 Kung(B) ang kamay mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na baldado, kaysa may dalawang kamay at mapunta sa impiyerno, sa apoy na hindi mapapatay,
[44 na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.]
45 Kung ang paa mo'y nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pilay kaysa may dalawang paa ka at maitapon sa impiyerno,
[46 na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.]
47 Kung(C) ang mata mo'y nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata, kaysa may dalawang mata at mabulid sa impiyerno,
48 na(D) kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.
49 Sapagkat bawat isa'y aasinan ng apoy.[a]
50 Mabuti(E) ang asin ngunit kung tumabang ang asin, ano ang inyong ipagpapaalat dito? Magkaroon kayo ng asin sa inyong mga sarili at kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001