Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.
6 O(A) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
2 Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
3 Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?
4 Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
5 Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?
6 Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
7 Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.
8 Lumayo(B) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
9 Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.
12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
2 Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
3 Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
4 ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
5 “Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
“Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
6 Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
na pitong ulit na dinalisay.
7 O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
8 Gumagala ang masasama sa bawat dako,
kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Ang Diyos na Hukom ng Lahat
94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
2 Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
3 O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
hanggang kailan magsasaya ang masama?
4 Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
5 O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
at ang iyong mana ay sinaktan.
6 Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
ang ulila ay kanilang pinatay.
7 At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
9 Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(A) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.
16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.
17 Iniunat ng Zion ang kanyang mga kamay;
ngunit walang umaliw sa kanya.
Nag-utos ang Panginoon laban sa Jacob,
na ang kanyang mga kalapit ang dapat maging mga kalaban niya;
ang Jerusalem ay naging maruming bagay sa gitna nila.
18 “Ang Panginoon ay matuwid;
sapagkat ako'y naghimagsik laban sa kanyang salita;
ngunit inyong pakinggan, ninyong lahat ng bayan,
ang aking paghihirap ay inyong masdan,
ang aking mga dalaga at mga binata
ay nasa pagkabihag.
19 “Tinawagan ko ang aking mga mangingibig,
ngunit dinaya nila ako;
ang aking mga pari at matatanda ay napahamak sa lunsod,
habang nagsisihanap sila ng pagkain
upang ang lakas nila'y panumbalikin.
20 “Masdan mo, O Panginoon; sapagkat ako'y nahahapis,
ang aking kaluluwa ay naguguluhan,
ang aking puso ay nagugulumihanan;
sapagkat ako'y lubhang naghimagsik.
Sa lansangan ang tabak ay pumapatay;
ito'y gaya ng kamatayan sa bahay.
21 “Nabalitaan nila na ako'y dumaraing;
walang sinumang umaliw sa akin;
narinig ng lahat ng aking mga kaaway ang aking kabagabagan;
sila'y natutuwa na iyong ginawa iyon.
Paratingin mo ang araw na iyong ipinahayag,
at sila'y magiging gaya ko.
22 “Dumating nawa ang lahat nilang kasamaan sa harapan mo;
at gawin mo sa kanila
ang gaya ng sa akin ay ginawa mo,
dahil sa lahat kong mga pagsuway;
sapagkat marami ang mga daing ko,
at nanghihina ang puso ko.”
8 Hindi(A) namin ibig na di ninyo malaman, mga kapatid, ang tungkol sa mga kapighatian na naranasan namin sa Asia, sapagkat lubha kaming nabigatan ng higit sa aming kaya, anupa't kami ay nawalan na ng pag-asang mabuhay.
9 Tunay na nadama namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.
10 Siya na nagligtas sa amin mula sa kakilakilabot na kamatayan at patuloy na magliligtas; sa kanya ay inilalagak namin ang ating pag-asa na muli niya kaming ililigtas.
11 Dapat din ninyo kaming tulungan sa pamamagitan ng panalangin upang marami ang magpasalamat alang-alang sa amin para sa pagpapalang ipinagkaloob sa amin bilang kasagutan sa maraming mga panalangin.
Pagbabago sa Paglalakbay ni Pablo
12 Sapagkat ang aming ipinagmamalaki ay ito, ang patotoo ng aming budhi; kami ay namuhay ng wasto sa sanlibutan, at lalo na sa inyo, na may kapayakan[a] at maka-Diyos na katapatan, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Diyos.
13 Sapagkat hindi kami sumusulat sa inyo ng ibang mga bagay kundi kung ano ang inyong mababasa at mauunawaan; umaasa ako na lubos ninyong mauunawaan hanggang sa wakas.
14 Gaya ng inyong bahagyang pagkakilala sa amin, na kami ay inyong maipagmalaki gaya ninyo na aming ipinagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.
15 Dahil sa pagtitiwalang ito, nais kong pumunta muna sa inyo, upang kayo'y magkaroon ng pangalawang biyaya.
16 Nais(B) kong dalawin kayo sa aking paglalakbay patungong Macedonia, at buhat sa Macedonia ay bumalik sa inyo, at nang matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungong Judea.
17 Ako kaya ay nag-aatubili nang naisin kong gawin ito? Ginagawa ko ba ang aking mga panukala na gaya ng taong makasanlibutan, na nagsasabi ng “Oo, oo” at gayundin ng “Hindi, hindi?”
18 Ngunit kung paanong ang Diyos ay tapat, ang aming sinasabi sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.”
19 Sapagkat(C) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral namin sa inyo sa pamamagitan ko, ni Silvano at ni Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ay palaging “Oo.”
20 Sapagkat ang lahat ng mga pangako ng Diyos sa kanya ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay aming sinasambit ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos.
21 Subalit ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid[b] sa amin ay ang Diyos,
22 inilagay rin niya ang kanyang tatak sa amin, at ibinigay sa amin ang Espiritu sa aming mga puso bilang paunang bayad.
Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus(A)
27 Sila'y muling pumunta sa Jerusalem. Samantalang naglalakad siya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga eskriba, at ang matatanda.
28 Sinabi nila sa kanya, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na gawin ang mga bagay na ito?”
29 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tatanungin ko kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.
30 Ang bautismo ba ni Juan, ay mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.”
31 Nagtalo sila sa isa't isa, “Kung sabihin natin, ‘Mula sa langit’ ay sasabihin niya, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
32 Ngunit kung sabihin natin, ‘Mula sa mga tao’” ay natatakot sila sa maraming tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang tunay na propeta.
33 Kaya't sinagot nila si Jesus, “Hindi namin nalalaman.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001