Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 26

Panalangin ng Isang Mabuting Tao

Katha ni David.

26 Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala,
    pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin,
    hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin.
Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay,
    ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay.
Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao,
    hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito.
Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian,
    at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan.

Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan,
    ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar.
Awit ng pasasalamat ay aking inaawit,
    gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit.

Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan,
    sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian.
Sa parusa ng masasama, huwag mo akong idamay,
    ilayo rin sa parusa ng mahihilig sa pagpatay—
10     mga taong walang magawâ kundi kasamaan,
    at palaging naghihintay na sila ay suhulan.

11 Ngunit para sa akin, gagawin ko ang tama,
    kaya iligtas mo ako at sa akin ay maawa.
12 Ako ay ligtas sa lahat ng kapahamakan;
    pupurihin ko si Yahweh sa gitna ng kapulungan!

Mga Awit 28

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David.

28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
    sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
    para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
    kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
    na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
    kung magsalita'y parang mga kaibigan,
    ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
    pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
    ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
    mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
    at hindi na muling pababangunin.

Si Yahweh ay dapat purihin!
    Dininig niya ang aking mga daing.
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
    tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
    sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.

Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
    siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
    ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
    tulad ng pastol sa kanyang kawan.

Mga Awit 36

Ang Kasamaan ng Tao

Katha ni David, na lingkod ni Yahweh, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

36 Kasalana'y(A) nangungusap sa puso ng masasama, sa kaibuturan ng puso doon ito nagwiwika;
    tumatanggi sa Diyos at ni takot ito'y wala.
Ang palagay sa sarili, siya'y isang dakila na;
    ang akala'y hindi batid ni Yahweh ang kanyang sala, kaya't kanyang iniisip, hindi siya magdurusa.
Kung mangusap ay masama at ubod nang sinungaling;
    dahop na ang karunungan sa paggawa ng magaling.
Masama ang binabalak samantalang nahihimlay,
    masama rin ang ugali,
    at isa pang kasamaa'y ang laging inaakap ay gawaing mahahalay.

Ang Kabutihan ng Diyos

Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan,
    at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan.
Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan;
    ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan;
ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.

O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag,
    ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan;
    doon sila umiinom sa batis ng kabutihan.
Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay,
    ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.

10 Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig,
    patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid.
11 Ang palalo'y huwag tulutan na ako ay salakayin,
    o ang mga masasamang gusto akong palayasin.

12 Lahat silang masasama'y masdan ninyo at nagupo!
    Sa kanilang binagsakan, hindi sila makatayo.

Mga Awit 39

Pagtatapat ng Taong Nahihirapan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.

39 Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat,
    at hindi ko hahayaang ang dila ko ay madulas;
upang hindi magkasala, ako'y di magsasalita
    habang nakapalibot, silang mga masasama.
Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi,
    hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti;
ngunit lalo pang lumubha paghihirap ng sarili.
    Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko,
habang aking iniisip, lalo akong nalilito;
    nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito:
“Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,
    kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay.”

Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay,
    sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan;
ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan. (Selah)[a]
    Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang,
at maging ang gawa niya ay wala ring kasaysayan;
    hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!

Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa?
    Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking kasalanan;
    ang hangal ay huwag bayaan na ako'y pagtawanan.
Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,
    pagkat lahat ng dinanas, pawang dulot mo sa akin.
10 Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil;
    sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.
11 Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit;
    parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig;
tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis! (Selah)[b]

12 Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik;
    sa daing ko't panalangin, huwag ka sanang manahimik.
Sa iyong piling ay dayuhan, ako'y hindi magtatagal,
    at tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan.
13 Sa ganitong kalagayan, huwag na akong kagalitan, upang muling makalasap kahit konting kasiyahan,
    bago man lang mamayapa't makalimutan ng lahat.

Genesis 9:1-17

Nakipagtipan ang Diyos kay Noe

Si(A) Noe at ang kanyang mga anak ay binasbasan ng Diyos: “Magkaroon kayo ng maraming anak at punuin ninyo ng inyong supling ang buong daigdig. Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop, pati mga ibon, ang lahat ng gumagapang sa lupa at ang mga isda. Ang lahat ng ito ay inilalagay ko sa ilalim ng inyong kapangyarihan. Gaya ng mga halamang luntian na inyong kinakain, lahat ng mga ito'y maaari na ninyong kainin. Huwag(B) lamang ninyong kakainin ang karneng hindi inalisan ng dugo sapagkat nasa dugo ang buhay. Mananagot ang sinumang papatay sa inyo, maging ito'y isang hayop. Pagbabayarin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa.

Sinumang(C) pumatay ng kanyang kapwa,
    buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa,
sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao'y nilikha.

“Magkaroon(D) nga kayo ng maraming anak upang manirahan sila sa buong daigdig.”

Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, “Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, 10 gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo—sa mga ibon, pati sa maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko. 11 Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” 12 Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: 13 Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. 14 Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa.”

17 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa.”

Mga Hebreo 5:7-14

Noong(A) si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutunan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang siya'y maging ganap, siya ang naging sanhi upang magkamit ng walang hanggang kaligtasan ang lahat ng mga masunurin sa kanya. 10 Ginawa siya ng Diyos na Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Babala Laban sa Pagtalikod

11 Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat napakabagal ninyong umunawa. 12 Dapat(B) sana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos. Dapat sana'y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. 13 Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at wala pang karanasan tungkol sa mabuti at masama. 14 Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama.

Juan 3:16-21

16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.

18 Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.