Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 30

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.

30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
    mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
    at ako nama'y iyong pinagaling.
Hinango mo ako mula sa libingan,
    at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.

Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
    ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
    ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
    pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.

Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
    “Kailanma'y hindi ako matitinag.”
Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
    tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.

Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
    nagsumamo na ako ay tulungan:
“Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
    Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
    Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
    O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”

11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
    Pagluluksa ko ay iyong inalis,
    kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
    O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.

Mga Awit 32

Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran

Katha ni David; isang Maskil.[a]

32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
    at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
    sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.

Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
    ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
    wala nang natirang lakas sa katawan,
    parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]

Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
    mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
    at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]

Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
    sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
    at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
Ikaw ang aking lugar na kublihan;
    inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
    pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]

Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
    tuturuan kita at laging papayuhan.
Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
    na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”

10 Labis na magdurusa ang taong masama,
    ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
    ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
    dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!

Mga Awit 42-43

IKALAWANG AKLAT

Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
    gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
    kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
    naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
    “Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”

Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
    ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
    papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
    pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
    Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.

Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
    habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
    di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
    at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
    ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
    na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
    gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
    dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.

Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
    “Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
    habang sila'y nagtatanong,
    “Ang Diyos mo ba ay nasaan?”

11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
    magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
    ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.

Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)

43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
    at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
    sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?

Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
    upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
    sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
    yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
    buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
    Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
    itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!

Genesis 12:9-13:1

Mula roon, unti-unti silang nagpatuloy papunta sa gawing timog ng Canaan.

Pumunta si Abram sa Egipto

10 Nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain ng Canaan, kaya umalis doon sina Abram at naglakbay na patimog, patungo sa lupain ng Egipto, upang doon muna manirahan. 11 Nang malapit na sila sa hangganan, sinabi niya sa kanyang asawa, “Sarai, napakaganda mo. 12 Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nilang asawa kita at papatayin nila ako para makuha ka. 13 Ang(A) mabuti pa'y sabihin mong magkapatid tayo. Alang-alang sa iyo, hindi nila ako papatayin.” 14 Nang makapasok na sina Abram sa Egipto, napuna nga ng mga Egipcio na napakaganda ni Sarai. 15 Nang nakita siya ng mga pinuno roon, ibinalita nila sa Faraon kung gaano siya kaganda. Kaya't iniutos nitong kunin si Sarai at dalhin sa palasyo. 16 Dahil sa kanya, mabuti ang naging pagtanggap ng Faraon kay Abram at binigyan pa niya ito ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.

17 Dahil dito'y pinahirapan ni Yahweh ang Faraon. Siya at ang buong palasyo ay nagdanas ng katakut-takot na karamdaman. 18 Kaya't si Abram ay ipinatawag ng Faraon at tinanong, “Bakit mo ito ginawa sa akin? Bakit hindi mo sinabing asawa mo siya? 19 Ang sabi mo'y kapatid mo siya, kaya naman kinuha ko siya para maging asawa. Heto na ang asawa mo. Kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Iniutos ng Faraon sa kanyang mga tauhan na paalisin ang mag-asawa, dala ang lahat nilang ari-arian.

Nagkahiwalay sina Abram at Lot

13 Mula sa Egipto, si Abram ay naglakbay na pahilaga patungong Negeb, kasama ang kanyang asawa at ang pamangkin niyang si Lot, dala ang lahat niyang ari-arian.

Mga Hebreo 7:18-28

18 Kaya nga, inalis ang naunang alituntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa. 19 Sapagkat walang sinumang nagiging ganap sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises. Higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin ngayon, sapagkat sa pamamagitan nito'y nakakalapit na tayo sa Diyos.

20 Ang Diyos ay hindi nanumpa nang gawin niyang pari ang iba, 21 ngunit(A) nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus, ayon sa sinabi niya,

“Ang Panginoon ay sumumpa,
    at hindi siya magbabago ng isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman!’”

22 Dahil sa pagkakaibang ito, si Jesus ang siyang katiyakan ng mas mabuting tipan.

23 Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan. 24 Ngunit si Jesus ay buháy magpakailanman, kaya't walang katapusan ang kanyang pagkapari. 25 Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

26 Samakatuwid, si Jesus ang Pinakapunong Pari na kinakailangan natin. Siya'y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan. 27 Hindi(B) siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito'y pangmagpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili. 28 Ang Kautusan ay nagtalaga ng mga punong pari na may mga kahinaan, ngunit ang pangako ng Diyos na may panunumpa, na dumating pagkatapos ng Kautusan, ay humirang sa Anak na walang kapintasan magpakailanman.

Juan 4:27-42

27 Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nagtaka sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, “Ano ang kailangan ninyo?” Wala ring nagtanong kay Jesus, “Bakit ninyo siya kinakausap?”

28 Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon, 29 “Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo?”

30 Kaya't lumabas ng bayan ang mga tao at nagpunta kay Jesus.

31 Samantala, makailang ulit na sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Rabi, kumain na kayo.”

32 Ngunit sumagot siya, “Ako'y may pagkaing hindi ninyo nalalaman.”

33 Kaya't nagtanung-tanungan ang mga alagad, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”

34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin.

35 “Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan pa at anihan na’? Sinasabi ko naman sa inyo, masdan ninyo ang mga bukid, hinog na ang trigo at handa nang anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya't magkasamang magagalak ang nagtatanim at ang umaani. 37 Dito nagkakatotoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang naghirap dito at kayo naman ang umani ng kanilang pinaghirapan.”

39 Maraming Samaritano sa bayang iyon ang naniwala kay Jesus dahil sa patotoo ng babae, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa.” 40 Kaya't pumunta sila kay Jesus at nakiusap na tumigil muna siya roon, at tumigil nga siya roon sa loob ng dalawang araw.

41 At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. 42 Pagkatapos, sinabi nila sa babae, “Naniniwala kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin siya. Alam na naming siya nga ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.