Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 50

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

“Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
    ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
    ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
    ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
    maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
    maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
    at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.

12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
    yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
    At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
    ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
    kayo'y aking ililigtas,
    ako'y inyong pupurihin.”

16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
    “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
    Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
    at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
    at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.

19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
    sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
    at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
    kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
    upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.

22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
    kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
    walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
    ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
    akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Mga Awit 59-60

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang pamanmanan ni Saul ang kanyang bahay upang siya'y mapatay.

59 Sa aking kaaway,
    iligtas mo ako, O aking Diyos;
ingatan mo ako kapag sila'y lumusob.
Sa masamang tao,
ako ay iligtas, at sa pumapatay
agawin mo ako at iyong ingatan.

Sila'y nag-aabang,
pagmasdan mo yaong taong mababagsik;
nagtipo't ang layon ako ay iligpit.
Ang dahilan nito,
di dahil sa ako'y may pagkakamali,
o may pagkukulang na ako ang sanhi;
O Diyos, masdan sila at nagdudumali.

Tulungan mo ako,
Yahweh, Makapangyarihang Diyos.
Ikaw ang magmasid, O Diyos ng Israel!
Ikaw ay gumising,
at ang mga bansa'y iyong parusahan;
yaong mga taksil, huwag mong kahabagan. (Selah)[b]
Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
Dinggin ang salita't
parang mga tabak ang dila ng bibig!
Ngunit nagtatanong:
“Sa amin ay sino ang makikinig?”

Ngunit ikaw, Yahweh,
tinatawanan mo't iyong kinukutya;
gayon ang gawa mo sa may salang bansa.

Ikaw, Panginoon,
ang aking Diyos, aking kalakasan;
ikaw ang muog ko at aking kanlungan.
10 Ako'y minamahal,
mahal ako ng Diyos, ako'y lalapitan
upang ipamalas ang kanyang paglupig sa mga kaaway.

11 Huwag mong papatayin,
nang di malimutan ng iyong mga lingkod.
Sa taglay mong lakas pangalatin sila at iyong isabog;
ikaw ang sanggalang, Yahweh, aming Diyos.
12 Sa kanilang labi'y
pawang kasamaan ang namumutawi;
sa pagmamataas, ang aking dalangin, sila ay mahuli,
pagkat sinungaling at sa pangungutya, sila'y nawiwili.
13 Wasakin mong lubos,
dahil sa iyong galit, ganap mong wasakin;
dito malalaman
ng lahat, na ika'y hari ng Israel,
at sa sansinukob ikaw ang hari din. (Selah)[c]

14 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
15 Animo'y lagalag,
lakad lang nang lakad, pagkain ang hanap;
hindi masiyahan, kapag ang nakuha nila'y hindi sapat.

16 Ngunit aawit ako,
pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas,
sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas;
pagkat ika'y muog, sa buhay kong ito,
at aking kanlungan kapag lugmok ako.
17 Pupurihin kita,
tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
Diyos kong mapagmahal.

Panalangin Upang Iligtas

Upang(B) Awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Shushan Eduth.[d] Isang Miktam ni David, upang magamit sa pagtuturo, nang siya'y nakikipagdigma laban sa mga Arameong mula sa Naharaim at Zoba, at nang mapatay ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.

60 Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
    kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,
    bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.
Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
    lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.
Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan,
    upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah)[e]
Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,
    upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.

Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal,
    “Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay;
    ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang.
Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin;
    ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim;
    samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,
    samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
    at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.”

Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?
    Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?
10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
    Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
    pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;
12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
    matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.

Mga Awit 118

Awit ng Pagtatagumpay

118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
Kung(B) itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.

10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila
at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si(C) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.

15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”

17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.

19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.

20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!

21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.

22 Ang(D) (E) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(F) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.

26 Pinagpala(G) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.

28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.

Genesis 16:15-17:14

15 Nagsilang(A) nga si Hagar ng isang anak na lalaki kay Abram at ito'y pinangalanan nitong Ismael. 16 Noo'y walumpu't anim na taon na si Abram.

Ang Pagtutuli, Palatandaan ng Kasunduan

17 Nang siyamnapu't siyam na taon na si Abram, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi, “Ako ang Makapangyarihang Diyos. Sumunod ka sa akin at ingatan mong walang dungis ang iyong sarili habang ikaw ay nabubuhay. Ako'y makikipagtipan sa iyo at lubhang pararamihin ko ang iyong lahi.” Pagkarinig nito'y nagpatirapa si Abram. Sinabi pa sa kanya ng Diyos, “Ito ang aking tipan sa iyo: Ikaw ay magiging ama ng maraming bansa. Hindi(B) na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham,[a] sapagkat ngayo'y ginagawa kitang ama ng maraming bansa. Pararamihin ko nga ang iyong lahi at magtatatag sila ng mga bansa; at may magiging hari sa kanila.

“Tutuparin(C) ko ang aking pangako sa iyo at sa iyong lahi habang panahon, at ako'y magiging Diyos ninyo. Ibibigay(D) ko sa iyo at sa iyong magiging lahi ang lupaing ito ng Canaan na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ito ang magiging pag-aari nila sa habang panahon, at ako ang kanilang magiging Diyos.”

Sinabi pa ng Diyos kay Abraham, “Ikaw at ang lahat ng susunod mong salinlahi ay dapat maging tapat sa ating kasunduan. 10 Ganito(E) ang inyong gagawin: lahat ng lalaki sa inyo ay tutuliin, 11 at iyan ang magiging palatandaan ng ating tipan. 12 Lahat ng lalaki na isisilang sa inyong lahi ay tutuliin pagsapit ng ikawalong araw, kasama rito ang mga aliping isinilang sa inyong sambahayan, gayundin ang mga aliping binili sa dayuhan. 13 Ang palatandaang ito sa inyong katawan ang magiging katibayan ng ating walang katapusang kasunduan. 14 Ang sinumang lalaking hindi tuli ay ititiwalag sa iyong lahi sapagkat hindi siya tumupad sa ating kasunduan.”

Mga Hebreo 10:1-10

10 Ang Kautusan ay anino lamang at hindi lubos na naglalarawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay taun-taon. Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganoong mga handog, wala na silang aalalahanin pa tungkol sa kanilang mga kasalanan, at hindi na sila kailangang mag-alay pang muli. Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon, sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan.

5-6 Dahil(A) diyan, nang si Cristo'y naparito sa daigdig, sinabi niya sa Diyos:

“Ang mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
    hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
hindi mo kinalugdan ang mga handog na sinusunog,
    at ang mga handog upang pawiin ang kasalanan.
Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging handog.
Kaya't sinabi ko, ‘Ako'y narito, O Diyos,
    upang sundin ang iyong kalooban,’
    ayon sa sinasabi ng kasulatan tungkol sa akin.”

Sinabi muna niya, “Hindi mo ninais o kinalugdan ang mga alay at handog na hayop, mga handog na susunugin, at mga handog dahil sa kasalanan” kahit ito'y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya idinugtong, “Ako'y narito upang sundin ang iyong kalooban.” Sa ganitong paraan, inalis nga ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo. 10 At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanang paghahandog ng kanyang sarili, at iyon ay sapat na.

Juan 5:30-47

Mga Saksi para kay Jesus

30 “Wala akong magagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. 32 Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. 33 Nagpadala(A) kayo ng mga sugo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. 34 Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. 35 Si(B) Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. 36 Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawang ipinapagawa sa akin ng Ama na siya ko namang ginaganap, ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. 37 At(C) ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. 39 Sinasaliksik(D) ninyo ang mga Kasulatan sa pag-aakalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! 40 Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41 “Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao. 42 Subalit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya'y inyong tatanggapin. 44 Paano kayo maniniwala sa akin kung ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo. 46 Kung talagang naniniwala kayo kay Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.