Book of Common Prayer
Awit sa Maharlikang Kasalan
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit; isang awit ng pag-ibig.
45 Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan,
habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal;
ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam,
panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan.
2 Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak,
kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap;
ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tuwi-t’wina.
3 O ikaw na haring bantog, isakbat mo ang sandata;
sagisag mo'y maharlika, malakas nga't dakila ka!
4 Maglakbay kang mayro'ng dangal tinataglay ang tagumpay,
alang-alang sa matuwid, ipagtanggol ang katuwiran;
tagumpay ay matatamo sa lakas mong tinataglay.
5 Palaso mo'y matatalim, pumapatay ng kaaway;
susuko ang mga bansa at sa iyo'y magpupugay.
6 Iyang(A) tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos,[b]
isang tronong magtatagal at hindi na matatapos;
matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.
7 Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.
8 Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango,
mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako;
inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.
9 O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga,
samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna,
palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.
10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;
ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,
pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.
13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;
sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.
14 Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta,
mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.
15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.
16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,
kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!
Kataas-taasang Hari
Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
47 Magdiwang ang lahat ng mga nilikha!
Pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
2 Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat na igalang;
siya'y naghahari sa sangkatauhan.
3 Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao,
sa lahat ng bansa'y namahala tayo.
4 Siya ang pumili ng ating tahanan,
ang lupang minana ng mga hinirang. (Selah)[a]
5 Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos,
sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog.
6 Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya'y papurihan!
7 Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa;
awita't purihin ng mga nilikha!
8 Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
9 Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
sasama ang mga pamunuan ng lahat ng bansa sa sandaigdigan.
Ang mga sandata ng lahat ng kawal,
lahat ay sa Diyos na kataas-taasan.
Zion, ang Bayan ng Diyos
Awit na katha ng angkan ni Korah.
48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
2 Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
3 Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.
4 Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
5 Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
pawang nagsitakas at nahintakutan.
6 Ang nakakatulad ng pangamba nila
ay pagluluwal ng butihing ina.
7 Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.
8 Sa banal na lunsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[b]
9 Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11 Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.
12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13 ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14 na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
sa buong panahon siya ang patnubay.
Ang Kasunduan ng Diyos kay Abram
15 Pagkaraan ng lahat ng ito, si Abram ay nagkaroon ng isang pangitain. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Abram, huwag kang matakot. Ako ang iyong kalasag na mag-iingat sa iyo. Bibigyan kita ng napakalaking gantimpala.”
2 Ngunit sinabi ni Abram, “Panginoong Yahweh, ano pang kabuluhan ng gantimpala mo sa akin kung wala naman akong anak? Wala akong tagapagmana kundi si Eliezer na taga-Damasco. 3 Hindi mo ako pinagkalooban ng anak, kaya ang alipin kong ito ang magmamana ng aking ari-arian.”
4 Subalit sinabi ni Yahweh, “Hindi isang alipin ang iyong magiging tagapagmana; ang sarili mong anak ang magiging tagapagmana.” 5 Dinala(A) siya ni Yahweh sa labas at sinabi sa kanya, “Tumingin ka sa langit at masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging lahi mo.” 6 Si(B) Abram ay sumampalataya kay Yahweh, at dahil dito, siya'y itinuring ni Yahweh bilang isang taong matuwid.
7 Sinabi pa ni Yahweh kay Abram, “Ako ang kumuha sa iyo sa bayan ng Ur ng Caldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito.”
8 Itinanong naman ni Abram, “ Panginoong Yahweh, paano ko malalamang ito'y magiging akin?”
9 Sinabi sa kanya, “Dalhan mo ako ng isang baka, isang babaing kambing, at isang tupa, bawat isa'y tatlong taon ang gulang. Magdala ka rin ng isang kalapati at isang batu-bato.” 10 Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon. Inihanay niyang magkakapatong ang pinaghating hayop. 11 Bumabâ ang mga buwitre upang kainin ang mga ito, ngunit itinaboy sila ni Abram.
17 Pagkalubog ng araw at laganap na ang dilim, biglang may lumitaw na palayok na umuusok, at maningas na sulo na dumaan sa pagitan ng mga pinatay na hayop. 18 At(A) nang araw na iyon, gumawa si Yahweh ng kasunduan nila ni Abram at ganito ang sinabi niya: “Ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates, 19 kasama ang lupain ng mga Cineo, Cenizeo, Cadmoneo, 20 Heteo, Perezeo at Refaita, 21 gayundin ang lupain ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo at Jebuseo.”
Ang Pagsamba Dito sa Lupa at Doon sa Langit
9 Ang naunang tipan ay may mga alituntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao. 2 Itinayo(A) ang isang tolda na may dalawang bahagi: ang una ay tinatawag na Dakong Banal at naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos; 3 ang(B) ikalawa ay nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. 4 Naroon(C) ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan. 5 At(D) sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit hindi ngayon ang panahon para ipaliwanag nang isa-isa ang lahat ng ito.
6 Ganoon(E) ang pagkakaayos sa loob ng kanilang toldang sambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin. 7 Ngunit(F) tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa kanyang mga kasalanan at para sa mga kasalanang hindi sinasadyang nagawa ng mga tao. 8 Sa pamamagitan ng mga ito, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda. 9 Simbolo lamang ang mga iyon na tumutukoy sa kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nakakapagpalinis ng budhi ng mga sumasamba roon. 10 Ang paglilinis nila'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas lamang, na iiral hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay.
11 Ngunit dumating[a] na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang iyon ay wala sa sanlibutang ito. 12 Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, upang magkaroon tayo ng walang hanggang kaligtasan. 13 Kung(G) ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan, 14 higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating[b] mga budhi sa mga gawang walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buháy.
Ang Pagpapagaling sa Bethzata
5 Pagkaraan nito'y dumating ang isang pista ng mga Judio, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. 2 Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking imbakan ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata.[a] 3 Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. [4 Sila'y naghihintay na gumalaw ang tubig, dahil may panahong ang isang anghel ng Panginoon ay bumababa at pinapagalaw ang tubig, at ang maunang lumusong sa tubig matapos na ito'y gumalaw ay gumagaling sa anumang karamdaman.][b]
5 May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. 6 Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?”
7 Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.”
8 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 9 Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad.
Noo'y Araw ng Pamamahinga 10 kaya't(A) sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.”
11 Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.”
12 At siya'y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” 13 Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat maraming tao sa lugar na iyon at nakaalis na si Jesus.
14 Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.”
15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat ginawa niya ito sa Araw ng Pamamahinga.
17 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa kanyang gawain hanggang ngayon, at gayundin ako.” 18 Lalo(B) namang pinagsikapan ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.