Book of Common Prayer
Panalangin Upang Magtagumpay
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
2 Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
3 Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
4 Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
5 Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.
6 Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
7 Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
8 Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.
9 O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
ang aming panawagan, ay iyong sagutin.
Pagpupuri sa Pagtatagumpay
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
21 Natutuwa ang hari, Yahweh, dahil sa bigay mong lakas,
dahil sa iyong tulong siya ay nagagalak.
2 Iyong ibinigay ang kanyang inaasam,
ipinagkaloob mo ang kanyang kahilingan. (Selah)[b]
3 Nilapitan mo siya't lubos na binasbasan,
dalisay na gintong korona, sa ulo niya'y inilagay.
4 Humiling siya ng buhay at iyong ibinigay,
ng mahabang buhay, na magpakailanman.
5 Dahil sa tulong mo, dakila ang kanyang karangalan,
dangal at kadakilaan sa kanya'y iyong ibinigay.
6 Pagpapala mo'y nasa kanya magpakailanman,
ang iyong patnubay, dulot sa kanya'y kagalakan.
7 Sa Kataas-taasang Diyos ang hari ay nagtitiwala,
dahil sa tapat na pag-ibig ni Yahweh, di siya nababahala.
8 Dadakpin ng hari ang lahat niyang mga kaaway,
bibihagin niya ang bawat isa na sa kanya'y nasusuklam.
9 Sa kanyang pagdating, sa apoy sila'y susunugin,
sa galit ni Yahweh, sa apoy sila'y tutupukin.
10 Walang matitira sa kanilang lahi,
sapagkat sila'y lilipulin ng hari.
11 Sa masasamang balak nilang gawin laban sa kanya,
walang anumang magtatagumpay sa mga plano nila.
12 Sila'y kanyang papanain,
sila'y uurong at patatakbuhin.
13 Pinupuri ka namin, Yahweh, sa taglay mong kalakasan!
Aawit kami at magpupuri dahil sa iyong kapangyarihan.
Si Yahweh at ang Piniling Hari
Isang Awit na katha ni David.
110 Sinabi(A) ni Yahweh,
sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Magmula sa dakong Zion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo'y
sakupin at pagharian,” gayon ang kanyang utos.
3 Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.
4 Si(B) Yahweh ay may pangako
at ang kanyang sinabi, hinding-hindi magbabago:
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
5 Si Yahweh ay naroroong
nakaupo sa kanan mo, at kapag siya ay nagalit,
ang lahat ng mga hari ay tiyak na malulupig.
6 Siya'y hukom na hahatol
sa lahat ng mga bansa; sa labanang walang puknat,
marami ang malalagas!
Sapagkat ang mga hari'y lulupigin niyang lahat.
7 Sa batis sa lansangan,
itong hari ay iinom, at sisigla ang katawan;
sa lakas na tataglayin, matatamo ang tagumpay.
Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan
116 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
2 ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
3 Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
4 Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko,
at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.
5 Si Yahweh'y napakabuti, mahal niya ang katuwiran,
Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman.
6 Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo;
noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
7 Manalig ka, O puso ko, kay Yahweh ka magtiwala,
pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya.
8 Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,
tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran.
9 Sa presensya ni Yahweh doon ako mananahan,
doon ako mananahan sa daigdig nitong buháy.
10 Laging(A) buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig,
bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.”
11 Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan,
“Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.”
12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
117 Purihin(B) si Yahweh!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa.
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!
2 Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.
Purihin si Yahweh!
Si Noe
9 Ito(A) ang kasaysayan ni Noe. Matuwid at mabuting tao si Noe noong kanyang kapanahunan. Namuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos. 10 Siya'y may tatlong anak na lalaki, sina Shem, Ham at Jafet. 11 Maliban kay Noe, masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako. 12 Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao.
Pinagawa ng Malaking Barko si Noe
13 Sinabi ng Diyos kay Noe, “Napagpasyahan ko nang lipulin ang lahat ng tao sa daigdig. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan. Gugunawin ko sila kasama ng daigdig. 14 Kaya gumawa ka ng isang malaking barko na yari sa kahoy na sipres. Lagyan mo ito ng mga silid at pahiran mo ng alkitran ang loob at labas nito. 15 Ang barkong gagawin mo ay 135 metro ang haba, 22 metro ang luwang, at 13.5 metro ang taas. 16 Bubungan mo ito at lagyan ng kalahating metrong pagitan mula sa bubong[a] hanggang sa tagiliran. Gawin mong tatlong palapag ang barko at lagyan mo ng pintuan sa tagiliran. 17 Palulubugin ko sa tubig ang buong daigdig at malilipol ang lahat ng may buhay sa balat ng lupa. 18 Ngunit ako'y gagawa ng kasunduan natin: Isama mo ang iyong asawa at mga anak na lalaki, pati mga asawa nila, at pumasok kayo sa barko. 19 Magsakay ka ng isang lalaki at isang babae ng bawat uri ng hayop at ibon upang magpatuloy ang lahi nila. 20 Magsakay ka rin ng tig-iisang pares sa bawat uri ng ibon at hayop at mga gumagapang sa lupa upang magpatuloy rin ang lahi ng mga ito. 21 Maglaan ka ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at sa kanila.” 22 At(B) ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.
4 Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok sa kapahingahang sinabi niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. 2 Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. 3 Tayong(A) mga sumampalataya ay tumatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi,
“Sa galit ko'y aking isinumpa,
‘Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.’”
Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. 4 Sapagkat(B) sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” 5 At(C) muli pang sinabi, “Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.” 6 Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok sa lupain ng kapahingahan dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring pumasok sa lupaing iyon ng kapahingahan. 7 Kaya't(D) muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang “Ngayon”. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit,
“Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”
8 Kung(E) ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. 9 Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, 10 sapagkat(F) ang sinumang makapasok sa lupain ng kapahingahang ipinangako ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang pagpapagal, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. 11 Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya.
12 Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso. 13 Walang(G) nilalang na makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit ng ating mga sarili.
Pagmamalasakit para sa Templo(A)
13 Malapit(B) na ang Paskwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya sa Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. 15 Kumuha siya ng lubid at ginawa iyong panghagupit, at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda, pati na ang mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit ng pera at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Pinagsabihan niya ang mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”
17 Naalala(C) ng kanyang mga alagad ang sinasabi sa kasulatan, “Ang malasakit ko sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”
18 Dahil dito'y tinanong siya ng mga pinuno ng Judio, “Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?”
19 Sumagot(D) si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.”
20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taong ginawa ang Templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
21 Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22 Kaya't nang siya'y muling nabuhay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito, at sila'y naniwala sa kasulatan at sa sinabi ni Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.