Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
Nangako ang Panginoon na Ibabalik ang Jerusalem
8 Ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na sinasabi:
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y labis na naninibugho sa Zion at ako'y may paninibugho sa kanya na may malaking poot.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y babalik sa Zion, at maninirahan sa gitna ng Jerusalem; ang Jerusalem ay tatawaging tapat na lunsod, at ang bundok ng Panginoon ng mga hukbo, ang banal na bundok.
4 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Muling titirhan ng matatandang lalaki at matatandang babae ang mga lansangan ng Jerusalem, bawat isa'y may hawak na tungkod sa kanyang kamay dahil sa katandaan.
5 Ang mga lansangan ng lunsod ay mapupuno ng mga batang lalaki at babae na naglalaro sa mga lansangan nito.
6 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kung ito ay kagila-gilalas sa paningin ng mga nalabi sa bayang ito sa mga araw na ito, dapat din ba itong maging kagila-gilalas sa aking paningin? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
7 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Narito, aking ililigtas ang aking bayan mula sa lupaing silangan at mula sa lupaing kanluran;
8 at dadalhin ko sila upang manirahan sa gitna ng Jerusalem; at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos, sa katapatan at katuwiran.”
9 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Palakasin mo ang inyong mga kamay, kayong nakakarinig sa mga araw na ito ng mga salitang ito sa bibig ng mga propeta, mula nang araw na ilagay ang pundasyon sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo, upang maitayo ang templo.
10 Sapagkat bago dumating ang mga araw na iyon ay walang upa para sa tao, ni anumang upa para sa hayop; at wala ring anumang kapayapaan mula sa kaaway para sa lumalabas o pumapasok, sapagkat aking inilagay ang bawat tao laban sa kanyang kapwa.
11 Ngunit ngayo'y hindi ko papakitunguhan ang nalabi sa bayang ito tulad noong mga nakaraang araw,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12 Sapagkat magkakaroon ng paghahasik ng kapayapaan; ang puno ng ubas ay magbubunga, at ang lupa'y magbibigay ng pakinabang, at ang langit ay magbibigay ng kanyang hamog; at aking ipaaangkin sa nalabi sa bayang ito ang lahat ng bagay na ito.
13 Kung paanong kayo'y naging isang sumpa sa gitna ng mga bansa, O sambahayan ni Juda at Israel, gayon ko kayo ililigtas at kayo'y magiging isang pagpapala. Huwag kayong matatakot kundi palakasin ninyo ang inyong mga kamay.”
14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Kung paanong ipinasiya kong gawan kayo ng masama, nang galitin ako ng inyong mga ninuno, at hindi ako nahabag, sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
15 ay muli kong ipinapasiya sa mga araw na ito na gawan ng mabuti ang Jerusalem at ang sambahayan ni Juda; huwag kayong matakot.
16 Ito(A) ang mga bagay na inyong gagawin: Magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa inyo sa kanyang kapwa; humatol kayo ng katotohanan at kapayapaan sa inyong mga pintuan.
17 Huwag kayong magpanukala ng masama sa inyong puso laban sa isa't isa, at huwag ninyong ibigin ang kasinungalingang sumpa, sapagkat ang lahat ng mga ito ay aking kinapopootan, sabi ng Panginoon.”
Maraming Pinagaling si Jesus(A)
14 Nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae nito na nakaratay dahil sa lagnat.
15 Hinawakan niya ang kamay ng babae, at nawala ang kanyang lagnat. Bumangon siya at naglingkod kay Jesus.
16 Nang gabing iyon ay dinala nila sa kanya ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng salita at pinagaling ang lahat ng mga may sakit.
17 Ito(B) ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Kinuha niya ang ating mga sakit at pinasan niya ang ating mga karamdaman.”
Pinagaling ang mga Gadarenong Inaalihan ng mga Demonyo(A)
28 Nang makarating si Jesus[a] sa kabilang pampang, sa lupain ng mga Gadareno, ay sinalubong siya ng dalawang inaalihan ng mga demonyo na lumabas mula sa mga libingan. Napakabangis nila kaya't walang makadaan doon.
29 Sila ay sumigaw na nagsasabi, “Anong gagawin mo sa amin, O Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami bago dumating ang takdang panahon?”
30 Sa may kalayuan sa kanila ay may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain.
31 At nagmakaawa sa kanya ang mga demonyo, na nagsasabi, “Kung palalayasin mo kami ay papuntahin mo kami sa kawan ng mga baboy.”
32 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo.” Lumabas nga sila at pumasok sa mga baboy, at ang buong kawan ng mga baboy ay bumulusok sa bangin patungo sa dagat at namatay sila sa tubig.
33 Tumakas ang mga tagapag-alaga ng mga iyon; at pagpasok nila sa bayan ay sinabi nila ang buong pangyayari at ang nangyari sa mga inalihan ng mga demonyo.
34 Lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus at pagkakita nila sa kanya, pinakiusapan nila siyang umalis sa kanilang nasasakupan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001