Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
Ang Batis mula sa Templo
47 Ibinalik(A) niya ako sa pintuan ng bahay, at narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan ng bahay sa dakong silangan (sapagkat ang bahay ay nakaharap sa silangan); at ang tubig ay umaagos mula sa ilalim ng dakong kanan ng bahay, mula sa timog ng dambana.
2 Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa daan ng pintuan sa hilaga at inilibot niya ako sa palibot ng pintuan sa labas sa daan ng pintuan na nakaharap sa silangan; at narito, lumalabas ang tubig sa dakong timog.
3 Nang ang lalaki ay lumabas sa dakong silangan na may pising panukat sa kanyang kamay, siya'y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig. Ang lalim ay hanggang bukung-bukong.
4 Muling sumukat siya ng isang libo, at dinala niya ako sa tubig, at ang lalim nito ay hanggang tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at dinala niya ako sa tubig, at ito ay hanggang sa mga balakang.
5 Muli siyang sumukat ng isang libo, at ito ay isang ilog na hindi ko madaanan sapagkat ang tubig ay tumaas na. Sapat ang lalim nito upang languyan, ilog na hindi madadaanan.
6 At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakita mo na ba ito?” Nang magkagayo'y dinala niya akong pabalik sa pampang ng ilog.
7 Sa aking pagbalik, narito sa pampang ng ilog ang napakaraming punungkahoy sa magkabilang panig.
8 At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay umaagos sa dakong silangang lupain, at bababa sa Araba. At sila'y aagos patungo sa dagat, na ginawang paagusin sa dagat, ang tubig ng dagat ay magiging sariwa.
9 At mangyayari na bawat nilalang na may buhay na dumarami ay mabubuhay saanmang dako umagos ang tubig. At magkakaroon ng napakaraming isda; sapagkat ang tubig na ito ay darating doon, ang tubig ng dagat ay magiging tabang; kaya't lahat ay mabubuhay saanman dumating ang ilog.
10 Ang mga mangingisda ay tatayo sa tabi nito. Mula sa En-gedi hanggang sa En-eglaim ay magiging dakong bilaran ng mga lambat. Ang mga isda ng mga iyon ay magiging napakaraming uri, gaya ng isda ng Malaking Dagat, na napakarami.
11 Ngunit ang kanyang mga dakong maburak at mga lumbak ay hindi magiging tabang; ang mga ito ay maiiwan upang maging asinan.
12 At(B) sa mga pampang ng ilog sa isang dako at sa kabila, ay tutubo roon ang lahat ng uri ng punungkahoy bilang pagkain. Ang kanilang mga dahon ay hindi matutuyo, ni mawawalan man ng kanilang bunga, kundi magbubunga ng sariwa buwan-buwan, sapagkat ang tubig para sa kanila ay umaagos mula sa santuwaryo. Ang kanilang bunga ay magiging pagkain at ang kanilang dahon ay pampagaling.”
Mga Babala at mga Paalala
17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi noong una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo,
18 sapagkat(A) sinabi nila sa inyo, “Magkakaroon ng mga manlilibak sa huling panahon, na lumalakad ayon sa kanilang sariling masasamang pagnanasa.”
19 Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, na mga hindi nagtataglay ng Espiritu.
20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya; manalangin sa Espiritu Santo;
21 ingatan ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, na inyong hintayin ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo tungo sa buhay na walang hanggan.
22 At ang ibang nag-aalinlangan ay inyong kahabagan;
23 ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo mula sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan maging ang damit na nadungisan ng laman.
Basbas
24 Ngayon sa kanya na may kakayahang mag-ingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo'y makapaghaharap na walang kapintasan sa harapan ng kanyang kaluwalhatian na may malaking kagalakan,
25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon, sumakanya nawa ang kaluwalhatian, ang karangalan, ang kapangyarihan at ang kapamahalaan, bago pa ang lahat ng panahon, at ngayon at magpakailanman. Amen.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001