Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
Ang Pagtubos sa Israel
17 Hindi ba sandaling-sandali na lamang,
at ang Lebanon ay magiging mabungang lupain,
at ang mabungang lupain ay ituturing na gubat?
18 At sa araw na iyon ay maririnig ng bingi
ang mga salita ng isang aklat,
at mula sa kanilang kapanglawan at kadiliman
ang mga mata ng bulag ay makakakita.
19 Ang maamo ay magtatamo ng sariwang kagalakan sa Panginoon,
at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel.
20 Sapagkat ang malupit ay mauuwi sa wala,
at ang manlilibak ay tumigil,
at ang lahat ng naghihintay sa paggawa ng kasamaan ay tatanggalin,
21 iyong mga nagdadala sa tao sa kahatulan,
at naglalagay ng bitag para sa tagahatol sa may pintuan,
at walang dahilang ipinagkakait ang katarungan sa nasa katuwiran.
22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, na siyang tumubos kay Abraham, tungkol sa sambahayan ni Jacob,
“Si Jacob ay hindi na mapapahiya,
hindi na mamumutla ang kanyang mukha.
23 Sapagkat kapag kanyang nakikita ang kanyang mga anak,
ang gawa ng aking mga kamay, sa gitna niya,
ay kanilang pababanalin ang aking pangalan;
kanilang pababanalin ang Banal ni Jacob,
at tatayong may paggalang sa Diyos ng Israel.
24 Sila namang nagkakamali sa espiritu ay darating sa pagkaunawa,
at silang nagbubulung-bulungan ay tatanggap ng aral.”
Gumawa ng mga Himala ang mga Apostol
12 Sa pamamagitan ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao. Naroon silang lahat na nagkakaisa sa portiko ni Solomon.
13 Sinuman sa kanila ay di nangahas na makisama sa kanila subalit sila'y itinataas ng mga tao.
14 Lalo pang maraming mananampalatayang lalaki at babae ang naidagdag sa Panginoon,
15 kaya't dinala nila sa mga lansangan ang mga maysakit, at inilagay sa mga higaan at mga banig upang sa pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng anino niya ang ilan sa kanila.
16 Nagkatipon din ang maraming bilang ng mga tao mula sa mga bayang nasa palibot ng Jerusalem, na nagdadala ng mga maysakit, at ng mga pinahihirapan ng masasamang espiritu at silang lahat ay pinagaling.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001