Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
sabihin ngayon ng Israel—
2 kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
3 nilamon na sana nila tayong buháy,
nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
4 tinabunan na sana tayo ng baha,
dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
5 dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
ang ating kaluluwa.
6 Purihin ang Panginoon,
na hindi tayo ibinigay
bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
7 Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
at tayo ay nakatakas!
8 Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
na siyang lumikha ng langit at lupa.
Ang Tipan ng Diyos kay Noe
9 Binasbasan(A) ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak at sa kanila'y sinabi, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami, at inyong punuin ang lupa.
2 Ang takot at sindak sa inyo ay darating sa bawat hayop sa lupa, sa bawat ibon sa himpapawid, sa lahat ng gumagapang sa lupa, at sa lahat ng isda sa dagat. Sila ay ibinibigay sa inyong kamay.
3 Bawat gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; at kung paanong ibinigay ko sa inyo ang mga luntiang halaman, ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng mga bagay.
4 Ngunit(B) huwag ninyong kakainin ang laman na kasama ang buhay nito, ito ay ang kanyang dugo.
5 At tiyak na aking hihingan ng sulit ang umutang sa inyong dugo. Aking hihingin ito sa bawat hayop at sa mga tao, bawat isa para sa dugo ng iba. Hihingan ko ng sulit ang umutang sa buhay ng tao.
6 Sinumang(C) magpadanak ng dugo ng tao, ang dugo ng taong iyon ay papadanakin ng ibang tao; sapagkat nilalang ang tao sa larawan ng Diyos.
7 At(D) kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami; magbunga kayo nang sagana sa lupa at magpakarami kayo roon.”
8 At nagsalita ang Diyos kay Noe at sa mga anak na kasama niya, na sinasabi,
9 “Narito, aking itinatatag ang tipan sa inyo, at sa inyong mga anak na susunod sa inyo;
10 at sa bawat nilikhang may buhay na kasama ninyo, ang mga ibon, ang maamong hayop at bawat mailap na hayop sa lupa na kasama ninyo, sa lahat ng lumabas sa daong, sa bawat hayop sa lupa.
11 Aking pinagtitibay ang aking tipan sa inyo; hindi ko na lilipulin ang lahat ng mga tao sa pamamagitan ng tubig ng baha at hindi na magkakaroon pa ng bahang magwawasak ng lupa.”
12 Sinabi ng Diyos, “Ito ang tanda ng tipang gagawin ko sa inyo, at sa bawat nilalang na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon.
13 Inilagay ko ang aking bahaghari sa ulap, at ito ay magiging tanda ng tipan ko at ng lupa.
14 At kapag tinipon ko ang mga ulap sa ibabaw ng lupa, ang bahaghari ay makikita sa ulap.
15 Aalalahanin ko ang aking tipan sa inyo, at sa bawat nilalang na may buhay; at ang tubig ay hindi na magiging bahang lilipol ng lahat ng nabubuhay.[a]
16 Kapag ang bahaghari ay nasa ulap, ito ay aking makikita at maaalala ang walang hanggang tipan sa pagitan ng Diyos at ng bawat nilalang na may buhay na nasa ibabaw ng lupa.”
17 Sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng tipan na aking itinatag sa lahat ng nabubuhay na nasa ibabaw ng lupa.”
32 At(A) ano pa ang dapat kong sabihin? Sapagkat kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at sa mga propeta;
33 na(B) ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng mga bibig ng mga leon,
34 pumatay(C) ng bisa ng apoy, tumakas sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, nagpaurong ng mga hukbong dayuhan.
35 Tinanggap(D) ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli. Ang iba'y pinahirapan at tumangging tumanggap ng paglaya upang makamit nila ang higit na mabuting pagkabuhay na muli.
36 Ang(E) iba'y nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, at maging ng mga tanikala at pagkabilanggo.
37 Sila'y(F) pinagbabato hanggang mamatay, nilagari, pinagpapatay sa tabak, sila'y naglibot na may suot na balat ng mga tupa at kambing, mga naghihirap, pinag-uusig, inaapi
38 (na sa mga iyon ay hindi karapat-dapat ang sanlibutan). Sila'y nagpalabuy-laboy sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.
39 At ang lahat ng mga ito, bagaman pinuri dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nila tinanggap ang ipinangako,
40 yamang naghanda ang Diyos ng lalong mabuting bagay para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal na hiwalay sa atin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001