Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos na Hari
93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
2 Ang trono mo'y natatag noong una;
ikaw ay mula sa walang pasimula.
3 Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
4 Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!
5 Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
O Panginoon, magpakailanman.
Si Asa ay Gumawa ng Pagbabago
15 Ang Espiritu ng Diyos ay dumating kay Azarias na anak ni Obed,
2 at siya'y lumabas upang salubungin si Asa, at sinabi sa kanya, “Pakinggan ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: Ang Panginoon ay nasa panig ninyo samantalang kayo'y nasa panig niya. Kung inyong hahanapin siya, siya'y matatagpuan ninyo; ngunit kung siya'y tatalikuran ninyo, kanyang tatalikuran kayo.
3 Sa loob ng mahabang panahon ang Israel ay walang tunay na Diyos, walang tagapagturong pari, at walang kautusan.
4 Ngunit nang sa kanilang kahirapan ay nanumbalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, at kanilang hinanap siya, kanilang natagpuan siya.
5 Nang mga panahong iyon ay walang kapayapaan sa taong lumabas, o sa taong pumasok, sapagkat malalaking ligalig ang nagpahirap sa lahat ng naninirahan sa mga lupain.
6 Sila'y nagkadurug-durog, bansa laban sa bansa, at lunsod laban sa lunsod sapagkat niligalig sila ng Diyos ng bawat uri ng kaguluhan.
7 Ngunit kayo, magpakatapang kayo! Huwag ninyong hayaang manghina ang inyong mga kamay, sapagkat ang inyong mga gawa ay gagantimpalaan.”
8 Nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, ang propesiya ni Azarias na anak ni Obed, lumakas ang loob niya. Inalis niya ang mga karumaldumal na diyus-diyosan sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga lunsod na kanyang sinakop sa lupaing maburol ng Efraim. Kanyang inayos ang dambana ng Panginoon na nasa harapan ng portiko ng Panginoon.
9 At kanyang tinipon ang buong Juda at Benjamin, at ang mga galing sa Efraim, Manases, at Simeon na nakikipamayang kasama nila, sapagkat napakalaki ang bilang ng tumakas patungo sa kanya mula sa Israel nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya.
10 Sila'y nagtipon sa Jerusalem sa ikatlong buwan ng ikalabinlimang taon ng paghahari ni Asa.
11 Sila'y naghandog sa Panginoon nang araw na iyon, mula sa samsam na kanilang dinala, pitong daang baka at pitong libong tupa.
12 At sila'y nakipagtipan upang hanapin ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ng kanilang buong puso at kaluluwa.
13 Sinumang ayaw humanap sa Panginoong Diyos ng Israel ay papatayin, maging bata o matanda, lalaki o babae.
14 Sila'y sumumpa sa Panginoon na may malakas na tinig, may mga sigawan, may mga trumpeta, at may mga tambuli.
15 Ikinagalak ng buong Juda ang panata, sapagkat sila'y namanata ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang hangarin. At siya'y natagpuan nila at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.
15 At(A) ang nakipag-usap sa akin ay may gintong panukat upang sukatin ang lunsod at ang mga pintuan at ang pader nito.
16 At ang pagkatayo ng lunsod ay parisukat, at ang kanyang haba ay gaya ng kanyang luwang, at sinukat niya ang lunsod ng kanyang panukat, labindalawang libong estadia.[a] Ang haba, luwang at ang taas nito ay magkakasukat.
17 Sinukat din niya ang pader nito, isandaan at apatnapu't apat na siko[b] ang taas, ayon sa sukat ng tao, na siyang ginagamit ng anghel.
18 Ang(B) malaking bahagi ng pader ay jaspe at ang lunsod ay dalisay na ginto, na tulad ng kristal.
19 Ang mga saligan ng pader ng lunsod ay ginagayakan ng sari-saring mahahalagang bato. Ang unang saligan ay jaspe, ang ikalawa ay safiro, ang ikatlo ay calcedonia, ang ikaapat ay esmeralda,
20 ang ikalima ay onix, ang ikaanim ay sardio, ang ikapito ay crisolito, ang ikawalo ay berilo, ang ikasiyam ay topacio, ang ikasampu ay crisopasio, ang ikalabing-isa ay jacinto, ang ikalabindalawa ay ametista.
21 At ang labindalawang pintuan ay labindalawang perlas, at bawat pinto ay yari sa isang perlas, at ang lansangan ng lunsod ay dalisay na ginto, na gaya ng naaaninag na salamin.
22 At hindi ako nakakita ng templo roon, sapagkat ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ang siyang templo roon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001