Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos na Hari
93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
2 Ang trono mo'y natatag noong una;
ikaw ay mula sa walang pasimula.
3 Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
4 Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!
5 Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
O Panginoon, magpakailanman.
16 Pumunta sa muog na kinaroroonan ni David ang ilan sa mga anak ni Benjamin at Juda.
17 Si David ay lumabas upang salubungin sila at sinabi sa kanila, “Kung kayo'y pumarito sa akin para sa kapayapaan at upang tulungan ako, ang aking puso ay mapapalakip sa inyo. Ngunit kung upang ipagkanulo ako sa aking mga kaaway, gayong walang kasamaan sa aking mga kamay, makita nawa ito ng Diyos ng ating mga ninuno at sawayin kayo.”
18 At ang Espiritu ay dumating kay Amasai na pinuno ng tatlumpu, at sinabi niya, “Kami ay sa iyo, David, at kasama mo, O anak ni Jesse! Kapayapaan, kapayapaan ang sumaiyo, at kapayapaan sa iyong mga katulong; sapagkat tinutulungan ka ng iyong Diyos.” Nang magkagayo'y tinanggap sila ni David at ginawa silang mga pinunong-kawal ng kanyang hukbo.
19 Ang ilan sa mga tauhan ni Manases ay kumampi kay David, nang siya'y pumaroong kasama ng mga Filisteo upang lumaban kay Saul. Gayunman sila'y hindi niya tinulungan sapagkat ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nagpulong at pinaalis siya, na sinasabi, “Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay sapagkat kakampi pa rin siya sa kanyang panginoong si Saul.”
20 Sa pagpunta niya sa Siklag, ang mga tauhang ito ni Manases ay kumampi sa kanya: sina Adnas, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu, at Siletai, na mga pinunong-kawal ng mga libu-libo sa Manases.
21 Kanilang tinulungan si David laban sa pulutong ng mga magnanakaw, sapagkat silang lahat ay matatapang na mandirigma at mga pinunong-kawal sa hukbo.
22 Sa araw-araw ay may mga taong pumupunta kay David upang tumulong sa kanya, hanggang sa nagkaroon ng malaking hukbo, gaya ng isang hukbo ng Diyos.
5 At sinabi ng nakaupo sa trono, “Masdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at tunay.”
6 At(A) sinabi niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinumin nang walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay.
7 Ang(B) magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako'y magiging Diyos niya at siya'y magiging anak ko.
8 Ngunit sa mga duwag, sa mga hindi nananampalataya, mga karumaldumal, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa lawa na nagliliyab sa apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan.”
Ang Bagong Jerusalem
9 At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na punô ng pitong huling salot, at nagsalita sa akin na nagsasabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero.”
10 At(C) dinala niya akong nasa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang banal na lunsod ng Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos,
11 na may kaluwalhatian ng Diyos, ang kanyang ningning ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng kristal.
12 Ito(D) ay mayroong isang malaki at mataas na pader, na may labindalawang pintuan, at sa mga pintuan ay may labindalawang anghel; at sa mga pintuan ay nakasulat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak ni Israel.
13 Sa silangan ay tatlong pintuan, sa hilaga ay tatlong pintuan, sa timog ay tatlong pintuan, at sa kanluran ay tatlong pintuan.
14 At ang pader ng lunsod ay may labindalawang saligan, at sa mga ito'y ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001