Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Isang Awit para sa Handog na Pasasalamat.
100 Sumigaw kayo na may kagalakan sa Panginoon, lahat na mga lupain!
2 Maglingkod kayo sa Panginoon na may kagalakan;
magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan.
3 Kilalanin ninyo na ang Panginoon ay Diyos!
Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kanya;
tayo'y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan.
4 Magsipasok kayo sa kanyang mga pintuan na may pagpapasalamat,
at sa kanyang mga bulwagan na may pagpupuri!
Magpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang pangalan niya!
5 Sapagkat(A) ang Panginoon ay mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
at ang kanyang katapatan ay sa lahat ng salinlahi.
Tuntunin tungkol sa Pagbabahagi ng Lupain
45 Kapag inyong hinati sa pamamagitan ng palabunutan ang lupain bilang ari-arian, inyong itatalaga para sa Panginoon ang isang bahagi ng lupain bilang banal na lugar, ang haba ay dalawampu't limang libong siko, at ang luwang ay sampung libo. Ito'y magiging banal sa lahat ng hangganan nito sa palibot.
2 Dito'y magkakaroon para sa santuwaryo ng lupang parisukat na limang daang siko ang haba at luwang na may limampung sikong bukas na lugar sa palibot niyon.
3 At sa lugar na ito ay susukat kayo ng isang bahaging ang haba ay dalawampu't limang libong siko at ang luwang ay sampung libong siko. Ito ang magiging lugar ng santuwaryo, ang kabanal-banalang dako.
4 Ito ang magiging banal na bahagi ng lupain; ito'y para sa mga pari na nangangasiwa sa santuwaryo at nagsisilapit sa Panginoon upang maglingkod sa kanya. Ito'y magiging dakong kalalagyan ng kanilang mga bahay at banal na dakong kalalagyan ng santuwaryo.
5 Ang ibang bahagi na dalawampu't limang libong siko ang haba at sampung libong siko ang luwang ay magiging para sa mga Levita na naglilingkod sa templo, upang maging kanilang pag-aari bilang mga bayan na tatahanan.
6 “Sa tabi ng bahaging itinalaga bilang banal na lugar ay maglalagay kayo upang maging pag-aari ng bayan, ng isang bahagi na limang libong siko ang luwang at dalawampu't limang libong siko ang haba. Ito'y para sa buong sambahayan ni Israel.
Ang Lupain ukol sa Pinuno ng Israel
7 “Para sa pinuno ay mapupunta ang lupain sa magkabilang dako ng banal na lugar at pag-aari ng lunsod, katabi ng banal na lugar at ng pag-aari ng bayan, sa kanluran at sa silangan. Ang haba ay ayon sa isa sa mga bahagi, mula sa hangganang kanluran hanggang sa hangganang silangan.
8 Ito'y magiging kanyang pag-aari sa Israel. Hindi na aapihin pa ng aking mga pinuno ang aking bayan, kundi ibibigay nila ang lupain sa sambahayan ni Israel ayon sa kanilang mga lipi.
Ang mga Tuntunin para sa Pinuno
9 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Tama na, O mga pinuno ng Israel! Alisin ninyo ang karahasan at pang-aapi, at magsagawa kayo ng katarungan at katuwiran. Ihinto na ninyo ang pagpapaalis sa aking bayan, sabi ng Panginoong Diyos.
Si Pedro sa Lidda at Joppa
32 Sa pagdalaw ni Pedro sa lahat ng dako sa mga mananampalataya, pumunta rin siya sa mga banal na naninirahan sa Lidda.
33 Doo'y natagpuan niya ang isang lalaki na ang pangalan ay Aeneas na lumpo at walong taon nang nakaratay.
34 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo; bumangon ka, at ayusin mo ang iyong higaan.” Agad naman siyang bumangon.
35 Siya'y nakita ng lahat ng mga naninirahan sa Lidda at sa Sharon, at sila'y bumaling sa Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001