Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Gawa 11:1-18

Nag-ulat si Pedro sa Iglesya sa Jerusalem

11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos.

Kaya't nang umahon si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga nasa panig ng pagtutuli,

na sinasabi, “Bakit pumunta ka sa mga taong hindi tuli at kumain kang kasalo nila?”

Ngunit si Pedro ay nagpasimulang magpaliwanag sa kanila nang sunud-sunod, na sinasabi:

“Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppa; habang nasa kawalan ng malay ay nakakita ako ng isang pangitain na may isang bagay na bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na sa apat na sulok ay inihuhugos mula sa langit at bumaba sa akin.

Nang titigan ko iyon ay nakita ko ang mga hayop sa lupa na may apat na paa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid.

Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.’

Subalit sinabi ko, ‘Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang marumi o karumaldumal ang pumasok kailanman sa aking bibig.’

Ngunit sumagot sa ikalawang pagkakataon ang tinig mula sa langit, ‘Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.’

10 Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at muling binatak ang lahat ng iyon papaakyat sa langit.

11 Nang sandaling iyon, may dumating na tatlong lalaki sa bahay na aming kinaroroonan, na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea.

12 Iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila at huwag mag-atubili. At sinamahan din ako nitong anim na kapatid; at pumasok kami sa bahay ng lalaki.

13 Kanyang isinalaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, at nagsasabi, ‘Magsugo ka sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro.

14 Magsasabi siya sa iyo ng mga salitang ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sambahayan mo.’

15 Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo na kung paanong bumaba rin sa atin noong una.

16 At(A) naalala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, ‘Si Juan ay nagbautismo sa tubig, subalit kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.’

17 Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang gayunding kaloob na gaya naman ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako na makakahadlang sa Diyos?”

18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, “Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagsisisi tungo sa buhay.”

Mga Awit 148

148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon mula sa kalangitan,
    purihin siya sa mga kaitaasan.
Purihin ninyo siya, kayong lahat niyang mga anghel,
    purihin ninyo siya, kayong lahat niyang hukbo!

Purihin ninyo siya, araw at buwan;
    purihin ninyo siya, kayong lahat na mga bituing maningning,
Purihin ninyo siya, kayong mga langit ng mga langit,
    at ninyong mga tubig na nasa itaas ng mga langit.

Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
    sapagkat siya'y nag-utos, at sila'y nalikha.
At kanyang itinatag sila magpakailanpaman,
    siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.

Mula sa lupa ang Panginoon ay purihin,
    ninyong mga dambuhala sa dagat, at lahat ng mga malalim,
apoy at yelo, niyebe at hamog,
    maunos na hangin na gumaganap ng kanyang salita!

Mga bundok at lahat ng mga burol,
    mga punong nagbubunga at lahat ng mga sedro!
10 Mga hayop at lahat ng kawan.
    mga bagay na gumagapang at mga ibong nagliliparan!

11 Mga hari sa lupa at lahat ng sambayanan,
    mga pinuno at lahat ng mga hukom sa sanlibutan!
12 Mga binata at gayundin ang mga dalaga;
    ang matatanda at mga bata!

13 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
    sapagkat tanging ang kanyang pangalan ang dakila;
    nasa itaas ng lupa at mga langit ang kaluwalhatian niya.
14 Nagtaas siya ng sungay para sa kanyang bayan,
    ng papuri para sa lahat ng kanyang mga banal,
    para sa mga anak ni Israel na malapit sa kanya.
Purihin ang Panginoon!

Apocalipsis 21:1-6

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

21 At(A) nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na.

At(B) nakita ko ang banal na lunsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, na nakahanda na gaya ng isang babaing ikakasal na nagagayakan para sa kanyang asawa.

At(C) narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa trono na nagsasabi,

“Masdan ninyo, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao.
Siya'y maninirahang kasama nila,
at sila'y magiging bayan niya.
Ang Diyos mismo ay makakasama nila, at siya'y magiging Diyos nila.[a]
At(D) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata,
at hindi na magkakaroon ng kamatayan;
hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man,
sapagkat ang mga unang bagay ay lumipas na.”

At sinabi ng nakaupo sa trono, “Masdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at tunay.”

At(E) sinabi niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinumin nang walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay.

Juan 13:31-35

Ang Bagong Utos

31 Nang siya'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, “Ngayon ay niluwalhati ang Anak ng Tao, at ang Diyos ay niluwalhati sa kanya;

32 kung ang Diyos ay niluwalhati sa kanya, luluwalhatiin din siya ng Diyos sa kanya, at luluwalhatiin siya kaagad.

33 Maliliit(A) na mga anak, makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin. At gaya ng sinabi ko sa mga Judio ay sinasabi ko sa inyo ngayon, ‘Sa pupuntahan ko, ay hindi kayo makakapunta.’

34 Isang(B) bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y magmahalan sa isa't isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa't isa.

35 Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pag-ibig sa isa't isa.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001