Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pag-akyat.
121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
2 Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
na siyang gumawa ng langit at lupa.
3 Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
4 Siyang nag-iingat ng Israel
ay hindi iidlip ni matutulog man.
5 Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
6 Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
ni ng buwan man kapag gabi.
7 Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
8 Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
mula sa panahong ito at magpakailanpaman.
Ang Pagkatawag kay Isaias
6 Noong(A) taong mamatay si Haring Uzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang tronong matayog at mataas; at napuno ang templo ng laylayan ng kanyang damit.
2 Sa itaas niya ay nakatayo ang mga serafin; bawat isa'y may anim na pakpak; may dalawang nakatakip sa kanyang mukha, may dalawa na nakatakip sa kanyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kanya.
3 At(B) tinawag ng isa ang isa at sinabi:
“Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo;
ang buong lupa ay punô ng kanyang kaluwalhatian.”
4 At(C) ang mga pundasyon ng mga pintuan ay nayanig sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.
5 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Kahabag-habag ako! Ako'y napahamak sapagkat ako'y lalaking may maruruming labi, at ako'y naninirahan sa gitna ng bayan na may maruruming labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo!”
6 Nang magkagayo'y lumipad papalapit sa akin ang isa sa mga serafin na may baga sa kanyang kamay na kanyang kinuha ng mga sipit mula sa dambana.
7 Inilapat niya ito sa aking bibig, at nagsabi, “Ngayong lumapat ito sa iyong mga labi, ang iyong kasamaan ay naalis na, at ang iyong kasalanan ay pinatawad na.”
8 At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, “Sinong susuguin ko, at sinong hahayo para sa atin?” Nang magkagayo'y sinabi ko, “Narito ako; suguin mo ako!”
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(A)
5 Samantalang(B) sinisiksik si Jesus[a] ng napakaraming tao upang makinig ng salita ng Diyos, siya'y nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret.
2 Nakakita siya ng dalawang bangka na nasa tabi ng lawa; wala na roon ang mga mangingisda at naghuhugas na ng kanilang mga lambat.
3 Lumulan siya sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon at hiniling sa kanya na ilayo ito nang kaunti sa lupa. Siya'y umupo at mula sa bangka ay nagturo sa mga tao.
4 Nang matapos na siya sa pagsasalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumunta ka sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.”
5 Sumagot(C) si Simon, “Guro, sa buong magdamag ay nagpakapagod kami at wala kaming nahuli. Subalit dahil sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.”
6 Nang(D) magawa nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda, at halos masira ang kanilang mga lambat,
7 kaya't kinawayan nila ang mga kasamahan nilang nasa ibang bangka upang lumapit at tulungan sila. Sila'y lumapit at pinuno ng isda ang dalawang bangka, anupa't sila'y nagpasimulang lumubog.
8 Ngunit nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus, na nagsasabi, “Lumayo ka sa akin, sapagkat ako'y taong makasalanan, O Panginoon.”
9 Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang kasama ay namangha dahil sa mga isdang kanilang nahuli,
10 gayundin si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasamahan ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot, mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.”
11 Nang maitabi na nila sa lupa ang kanilang mga bangka ay iniwan nila ang lahat, at sumunod sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001