Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pananabik sa Dios
63 O Dios, kayo ang aking Dios.
Hinahanap-hanap ko kayo.
Nananabik ako sa inyo nang buong pusoʼt kaluluwa,
na tulad ng lupang tigang sa ulan.
2 Nakita ko ang inyong kapangyarihan at kaluwalhatian sa inyong templo.
3 Ang inyong pag-ibig ay mahalaga pa kaysa sa buhay,
kaya pupurihin ko kayo.
4 Pasasalamatan ko kayo habang akoʼy nabubuhay.
Itataas ko ang aking mga kamay sa paglapit sa inyo.
5 Masisiyahan ako tulad ng taong nabusog sa malinamnam na handaan.
At magpupuri ako sa inyo ng awit ng kagalakan[a]
6 Sa aking paghiga, kayo ang naaalala ko.
Sa buong magdamag kayo ang iniisip ko.
7 Dahil kayo ang tumutulong sa akin, aawit[b] ako,
habang akoʼy nasa inyong pangangalaga.[c]
8 Lumapit ako sa inyo at inalalayan nʼyo ako ng inyong kanang kamay upang hindi ako mapahamak.
Ang Pahayag ng Anghel tungkol sa Huling Panahon
12 “Sa panahong iyon,[a] darating si Micael, ang makapangyarihang pinuno[b] na nagtatanggol sa iyong mga kababayan. Magiging mahirap ang kalagayan sa mga panahong iyon, at ang matinding kahirapang ito ay hindi pa nangyayari mula nang naging bansa ang Israel. Pero ililigtas sa paghihirap ang iyong mga kababayan na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat.[c] 2 Bubuhayin ang marami sa mga namatay na. Ang iba sa kanila ay tatanggap ng buhay na walang hanggan, pero ang iba ay isusumpa at ilalagay sa kahihiyang walang hanggan. 3 Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan at nagtuturo sa mga tao na mamuhay nang matuwid ay magniningning na parang bituin sa langit magpakailanman. 4 Pero Daniel, isara mo muna ang aklat na ito at huwag mo munang sabihin sa mga tao ang mensahe nito hanggang sa dumating ang katapusan. Habang hindi pa ito ipinapahayag, marami ang magsisikap na unawain ang mga nangyayari.”
Ang Sulat para sa Iglesya sa Sardis
3 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Sardis:
“Ito ang mensahe ng may pitong Espiritu ng Dios[a] at may hawak na pitong bituin: Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Marami ang nagsasabi na buhay na buhay ang pananampalataya nʼyo sa akin, ngunit ang totoo, para kayong patay. 2 Gumising kayo at pasiglahin ang natitira ninyong pananampalataya, para hindi tuluyang mamatay. Dahil nakikita ko na ang mga gawa nʼyo ay hindi pa ganap sa paningin ng aking Dios. 3 Kaya alalahanin ninyo ang mga aral na tinanggap ninyo. Sundin ninyo ang mga iyon at pagsisihan ang inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo gigising, darating ako sa oras na hindi ninyo inaasahan, tulad ng isang magnanakaw na hindi ninyo alam kung kailan darating. 4 Ngunit may ilan sa inyo riyan sa Sardis na hindi nahawa sa masamang gawain ng iba. Lalakad silang kasama ko na nakasuot ng puting damit, dahil karapat-dapat sila. 5 Ang magtatagumpay ay bibihisan ng puting damit at hindi ko aalisin ang pangalan niya sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Ipapakilala ko sila sa aking Ama at sa kanyang mga anghel na sila ay mga tagasunod ko.
6 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®