Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
11 May mga malupit na taong sumasaksi laban sa akin.
Ang kasalanang hindi ko ginawa ay ibinibintang nila sa akin.
12 Ginagantihan nila ako ng masama sa mga kabutihang aking ginawa,
kaya akoʼy labis na nagdaramdam.
13 Kapag silaʼy nagkakasakit akoʼy nalulungkot para sa kanila;
nagdaramit ako ng sako at nag-aayuno pa.
At kung ang aking dalangin para sa kanilaʼy hindi sinasagot,
14 palakad-lakad akong nagluluksa na parang nawalan ng kapatid o kaibigan,
at akoʼy yumuyuko at nagdadalamhati para sa kanila na para bang nawalan ako ng ina.
15 Ngunit nang ako na ang nahihirapan, nagkakatipon sila at nagtatawanan.
Nagsasama-sama ang mga sa akin ay kumakalaban;
kahit ang mga hindi ko kilala ay sumasamaʼt walang tigil na akoʼy hinahamak.
16 Kinukutya nila ako nang walang pakundangan,
at ang kanilang mga ngipin ay nagngangalit sa sobrang galit.
17 Panginoon, hanggang kailan kayo manonood lang?
Iligtas nʼyo na ako sa mga sumasalakay na ito na parang mga leon na gusto akong lapain.
18 At sa gitna ng karamihan, kayoʼy aking papupurihan at pasasalamatan.
19 Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway sa aking pagkatalo.
Ang mga galit sa akin nang walang dahilan ay huwag nʼyong payagang kutyain ako.
20 Walang maganda sa sinasabi nila,
sa halip sinisiraan nila ang namumuhay nang tahimik.
21 Sumisigaw sila sa akin na nagpaparatang,
“Aha! Nakita namin ang ginawa mo!”
22 Panginoon, alam nʼyo ang lahat ng ito,
kaya huwag kayong manahimik.
Huwag kayong lumayo sa akin.
23 Sige na po, Panginoon kong Dios, ipagtanggol nʼyo na ako sa kanila.
24 O Dios ko, dahil kayo ay matuwid kung humatol,
ipahayag nʼyo na wala akong kasalanan.
Huwag nʼyong payagang pagtawanan nila ako.
25 Huwag nʼyong hayaang sabihin nila sa kanilang sarili,
“Sa wakas, nangyari rin ang gusto naming mangyari,
natalo na rin namin siya!”
26 Mapahiya sana silang nagmamalaki sa akin
at nagagalak sa aking mga paghihirap.
27 Sumigaw sana sa kagalakan ang mga taong nagagalak sa aking kalayaan.
Palagi sana nilang sabihin,
“Purihin ang Panginoon na nagagalak sa tagumpay ng kanyang mga lingkod.”
28 Ihahayag ko sa mga tao ang inyong pagkamakatwiran,
at buong maghapon ko kayong papupurihan.
Unang Pangitain ni Ezekiel
1 1-3 Ako si Ezekiel, isang pari at anak ni Buzi. Isa rin ako sa mga bihag na dinala sa Babilonia. Nakatira ako noon sa pampang ng Ilog ng Kebar kasama ang iba pang mga bihag nang biglang bumukas ang langit. Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at ipinakita niya sa akin ang mga pangitain. Nangyari ito noong ikalimang araw ng ikaapat na buwan nang ika-30 taon. Ikalimang taon ito nang pagkakabihag ni Haring Jehoyakin.
4 Habang nakatingin ako, may nakita akong bagyong paparating mula sa hilaga. Kumikidlat mula sa makapal na ulap kaya nagliliwanag ang paligid. Parang kumikinang na tanso ang kidlat sa gitna ng ulap. 5 Sa gitna ng ulap, may nakita akong apat na buhay na nilalang, parang mga tao, 6-8 pero bawat isa sa kanila ay may apat na mukha at apat na pakpak. Tuwid ang kanilang mga binti at ang mga paa nila ay parang paa ng baka, kumikinang ito na parang tanso. May mga kamay silang katulad ng kamay ng tao na nasa ilalim ng kanilang mga pakpak. 9 Magkakadikit ang mga pakpak nila. Lumilipad sila nang sabay-sabay sa kahit saang direksyon nang hindi bumabaling.
10 Sa harap ay mukha silang tao, sa kanan ay mukhang leon, sa kaliwa ay mukhang toro at sa likod ay mukhang agila. 11 Ang dalawa sa mga pakpak nila ay nakabuka pataas at magkadikit ang mga dulo, at ang dalawa pa nilang pakpak ay tumatakip sa katawan nila. 12 Lumilipad sila nang sabay-sabay sa kahit saang direksyon nang hindi bumabaling. At kung saan sila dalhin ng Espiritu, doon sila pumupunta. 13 Parang nagniningas na baga o mga sulo ang itsura nila. Sa pagitan nilaʼy may apoy na nagliliwanag at mula rin ditoʼy may kidlat na lumalabas 14 Ang mga buhay na nilalang na itoʼy nagpaparooʼt parito na kasimbilis ng kidlat.
15 Habang nakatingin ako sa apat na buhay na nilalang, nakita kong ang bawat isa sa kanila ay may gulong sa ilalim.[a] Ang apat na gulong ay nakasayad sa lupa. 16 Ganito ang anyo ng mga gulong: Kumikislap ang mga ito na parang mamahaling batong krisolito at magkakapareho ang kanilang anyo. Ang bawat gulong ay may isa pang gulong sa loob na nakakrus. 17 Kaya nakakapunta ang mga gulong na ito at ang mga buhay na nilalang kahit saang direksyon nang hindi na kailangang bumaling pa. 18 Ang gilid ng mga gulong ay malapad at nakakatakot dahil puno ng mga mata.
19 Kasama ng apat na buhay na nilalang ang mga gulong kahit saan sila pumunta, at kapag umaangat sila, umaangat din ang mga gulong. 20 Ang espiritu ng apat na buhay na nilalang ay nasa gulong. Kaya saan man pumunta ang espiritu, doon din pumupunta ang apat na buhay na nilalang at ang mga gulong. 21 Kapag lumakad ang mga buhay na nilalang, kasama rin ang mga gulong. Kapag tumigil sila, tumitigil din ang mga ito. At kapag lumipad sila, lumilipad din ang mga gulong dahil ang espiritu nila ay nasa gulong.
22 Sa itaas ng ulo ng mga buhay na nilalang ay may nakatabon na tila kristal na nakakasilaw at kahanga-hangang tingnan. 23 Sa ilalim nito, ang dalawang pakpak ng bawat buhay na nilalang ay nakabuka, at nagpapang-abot ang dulo ng mga pakpak ng bawat isa. Ang dalawang pakpak naman nila ay tumatakip sa kanilang katawan. 24 Kapag lumipad sila, ang pagaspas ng mga pakpak nila ay parang ugong ng rumaragasang tubig o kayaʼy parang tinig ng makapangyarihang Dios o ingay ng napakaraming hukbo. At kapag tumigil sila, ibinababa nila ang kanilang pakpak.
25 Habang nakababa ang mga pakpak nila, may tinig na nagmumula sa itaas nila. 26 Sa ibabaw nila ay may tila tronong gawa sa mga batong safiro at may parang tao sa tronong iyon. 27 Mula baywang pataas para siyang nagniningning na metal, at mula sa kanyang baywang pababa para siyang apoy na nagliliyab at napapalibutan ng nakasisilaw na liwanag. 28 Ang liwanag na iyon sa paligid niya ay parang bahaghari pagkatapos ng ulan.
Ganoon ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. At nang makita ko iyon, lumuhod ako at narinig kong may tinig na nagsasalita sa akin.
Tinawag si Ezekiel na Maging Propeta
2 Sinabi sa akin ng tinig, “Anak ng tao, tumayo ka dahil may sasabihin ako sa iyo.”
23 Pinapasok sila ni Pedro, at doon sila natulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, sumama si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa. 24 Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelius at ang kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan na inimbitahan niyang dumalo. 25 Nang dumating si Pedro, sinalubong siya ni Cornelius at lumuhod para sambahin siya. 26 Pero pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.” 27 At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon. 28 Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Judio ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga hindi Judio. Pero ipinaliwanag sa akin ng Dios na hindi ko dapat ituring na marumi ang sinuman. 29 Kaya nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Kaya gusto ko ngayong malaman kung bakit ipinatawag ninyo ako.”
30 Sumagot si Cornelius, “Tatlong araw na ngayon ang lumipas nang nananalangin ako rito sa bahay, at ganito ring oras, mga alas tres ng hapon. Habang nananalangin ako, biglang nagpakita sa akin ang isang taong may damit na nakakasilaw. 31 Sinabi niya sa akin, ‘Cornelius, dininig ng Dios ang iyong panalangin at hindi niya nakalimutan ang pagtulong mo sa mga mahihirap. 32 Magsugo ka ngayon ng mga tao sa Jopa at ipasundo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat. Ang kanyang bahay ay sa tabi ng dagat.’ 33 Kaya ipinatawag kita agad. Salamat naman at dumating ka. At ngayon, narito kami sa presensya ng Dios para pakinggan ang ipinapasabi sa inyo ng Panginoon.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®