Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 105:1-15

Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)

105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
    Sambahin nʼyo siya!
    Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
    ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
    Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
Magtiwala kayo sa Panginoon,
    at sa kanyang kalakasan.
    Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
    at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
    alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
Siya ang Panginoon na ating Dios,
    siya ang humahatol sa buong mundo.
Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
– ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
    at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
    “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”

12 Noon ay iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
    at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
13 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
14 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
    Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
15 Sinabi niya,
    “Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
    huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”

Salmo 105:16-41

16 Nagpadala ang Dios ng taggutom sa lupain ng Canaan.
    Kinuha niyang lahat ang kanilang pagkain.
17 Ngunit pinauna na niya si Jose sa Egipto upang silaʼy tulungan.
    Ipinagbili siya roon upang maging alipin.
18 Kinadenahan ang kanyang mga paa at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,
19 hanggang sa nangyari ang kanyang propesiya.
    Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.
20 Pinalaya siya ng hari ng Egipto na namamahala sa maraming tao,
21 at ginawa siyang tagapamahala ng kanyang palasyo at mga ari-arian.
22 Bilang tagapamahala, may kapangyarihan siyang turuan ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari pati ang kanyang mga tagapayo.

23 Pagkatapos, pumunta si Jacob at ang kanyang pamilya sa Egipto, na lupain ng mga lahi ni Ham,
    at doon sila nanirahan bilang dayuhan.
24 Pinarami ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan,
    at naging makapangyarihan kaysa sa mga Egipcio na kanilang kaaway.
25 Pinahintulutan ng Panginoon na galitin at lokohin ng mga Egipcio ang mga mamamayan na kanyang lingkod.
26 Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod at si Aaron na kanyang hinirang.
27 Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham ang mga himala na ginawa ng Dios.
28 Pinadilim ng Dios ang lupain ng Egipto,
    ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.
29 Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig,
    kaya namatay ang kanilang mga isda.
30 Napuno ng palaka ang kanilang lupain, at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.
31 Nag-utos ang Dios, at dumating sa kanilang lupain ang napakaraming niknik at langaw.
32 Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain, yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.
33 Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos,
    at iba pang mga punongkahoy.
34 Sa kanyang utos, dumating ang mga balang na hindi mabilang.
35 At kinaing lahat ang kanilang mga tanim, pati ang mga bunga nito.
36 Pinatay ng Dios ang lahat nilang panganay na lalaki.

37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
    at may dala pa silang mga pilak at ginto.
    At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
    at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
    at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
    Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.

Salmo 105:42

42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.

2 Cronica 20:1-22

Tinalo ni Jehoshafat ang Moab at Ammon

20 Pagkatapos, nakipaglaban ang mga Moabita at mga Ammonita, kasama ng ibang mga Meuneo,[a] kay Jehoshafat. May mga taong pumunta kay Jehoshafat at nagsabi, “Napakarami pong sundalo ang papalapit upang lusubin kayo. Silaʼy galing sa Edom,[b] sa kabilang bahagi ng Dagat na Patay. Naroon sila sa Hazazon Tamar” (na tinatawag ding En Gedi). Natakot si Jehoshafat at dumulog siya sa Panginoon. At nag-utos siya na mag-ayuno ang lahat ng taga-Juda. Kaya nagtipon ang mga tao mula sa lahat ng bayan ng Juda upang humingi ng tulong sa Panginoon. Tumayo si Jehoshafat sa harapan ng mamamayan ng Juda at ng Jerusalem doon sa harap ng templo ng Panginoon, sa harapan ng bagong bakuran nito, at nagsabi, “O Panginoon, Dios ng aming mga ninuno, kayo po ang Dios na nasa langit. Kayo ang namamahala sa lahat ng kaharian sa mundo. Makapangyarihan po kayo dahil walang makakalaban sa inyo. O Dios namin, hindi baʼt itinaboy nʼyo po ang mga nakatira sa lupaing ito sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan? At hindi ba ibinigay nʼyo po ito sa kanila na mga lahi ni Abraham na inyong kaibigan, para maging kanila magpakailanman? Nakatira po sila rito at pinatayuan ng templo para sa karangalan ng inyong pangalan. Sinabi nila, ‘Kung may sakunang darating sa amin gaya ng labanan, kasamaan, o taggutom, tatayo kami sa inyong presensya sa harap ng templong ito kung saan pinararangalan kayo. Hihingi kami ng tulong sa inyo sa aming kahirapan, at pakikinggan nʼyo kami at ililigtas.’

10 “Ngayon, nilulusob kami ng mga tao mula sa Ammon, Moab at Bundok ng Seir. Noon, ang mga teritoryo nila ay hindi nʼyo pinapayagang sakupin ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. Kaya umiwas ang mga Israelita sa kanila at hindi sila nilipol. 11 Pero ngayon, masdan nʼyo po ang iginanti nila sa amin. Nilulusob nila kami para itaboy kami sa lupain na inyo pong ibinigay sa amin bilang mana. 12 O Dios namin, hindi nʼyo po ba sila parurusahan? Sapagkat wala kaming kakayahang humarap sa napakaraming sundalo na lumulusob sa amin. Hindi po namin alam kung ano ang gagawin namin, pero nagtitiwala po kami sa inyo.”

13 Habang nakatayo roon ang lahat ng lalaking taga-Juda, kasama ang kanilang mga asawaʼt anak, at kanilang mga sanggol, 14 pinatnubayan ng Espiritu ng Panginoon si Jahaziel na nakatayo roon kasama nila. Si Jahaziel ay anak ni Zacarias. Si Zacarias ay anak ni Benaya. Si Benaya ay anak ni Jeyel. At si Jeyel ay anak ni Matania na Levita at mula sa angkan ni Asaf.

15 Sinabi ni Jahaziel, “Makinig po kayo, Haring Jehoshafat, at lahat kayong nakatira sa Juda at Jerusalem! Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa napakaraming sundalong ito, dahil ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo kundi sa Dios. 16 Bukas, puntahan nʼyo sila. Makikita nʼyo sila na aahon sa ahunan ng Ziz, sa dulo ng kapatagan na papuntang disyerto ng Jeruel. 17 Hindi na kailangan na makipaglaban pa kayo. Maghanda lang kayo at magpakatatag, at masdan nʼyo ang katagumpayan na gagawin ng Panginoon para sa inyo. Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, huwag kayong matakot o manghina. Harapin nʼyo sila bukas at ang Panginoon ay sasama sa inyo.’ ” 18 Lumuhod si Jehoshafat at ang lahat ng taga-Juda at taga-Jerusalem sa pagsamba sa Panginoon. 19 Pagkatapos, tumayo ang ibang mga Levita mula sa mga pamilya nina Kohat at Kora at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel, sa napakalakas na tinig.

20 Kinabukasan nang maagang-maaga pa, pumunta sina Jehoshafat sa disyerto ng Tekoa. Habang naglalakad sila, huminto si Jehoshafat at nagsabi, “Pakinggan nʼyo ako, kayong taga-Juda at taga-Jerusalem! Maniwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, at maging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang propeta, at magtatagumpay kayo.” 21 Pagkatapos niyang makipag-usap sa mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit para mauna sa kanila at umawit sa Panginoon upang papurihan siya sa kanyang banal na presensya. Ito ang kanilang inaawit: “Pasalamatan ang Panginoon dahil ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.” 22 At nang nagsimula silang umawit ng mga papuri, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Moabita, Ammonita at mga taga-Bundok ng Seir.

Lucas 13:22-31

Ang Makipot na Pintuan(A)

22 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Dumaan siya sa mga bayan at nayon at nagturo sa mga tao roon. 23 May isang nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sumagot si Jesus, 24 “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Tandaan ninyo: marami ang magsisikap na pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag isinara na ng may-ari ang pinto, maiiwan kayo sa labas na nakatayo, kumakatok at tumatawag, ‘Panginoon, papasukin nʼyo po kami!’ Ngunit sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26 At sasabihin ninyo, ‘Nakasalo po ninyo kami sa pagkain at pag-inom, at nagturo po kayo sa mga lansangan sa bayan namin.’ 27 Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’ 28 Iiyak kayo at magngangalit ang inyong ngipin[a] kapag nakita ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng propeta na napabilang sa paghahari ng Dios, habang kayo naman ay itinaboy sa labas.[b] 29 Makikita rin ninyo ang mga hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako[c] ng mundo na kasalo sa handaan ng paghahari ng Dios. 30 May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”

Ang Pag-ibig ni Jesus sa mga Taga-Jerusalem(B)

31 Nang mga sandaling iyon, dumating ang ilang Pariseo at sinabi kay Jesus, “Umalis na po kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®