Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 27

Panalangin ng Pagtitiwala

27 Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas.
    Sino ang aking katatakutan?
    Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan.
Kapag sinasalakay ako ng masasamang tao o ng aking mga kaaway upang patayin,
    sila ang nabubuwal at natatalo!
Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal,
    hindi ako matatakot.
    Kahit salakayin nila ako,
    magtitiwala ako sa Dios.
Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon, ito ang tanging ninanais ko:
    na akoʼy manirahan sa kanyang templo habang akoʼy nabubuhay,
    upang mamasdan ang kanyang kadakilaan,
    at hilingin sa kanya ang kanyang patnubay.
Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo,
    at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar.
Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko na nakapaligid sa akin.
    Maghahandog ako sa templo ng Panginoon habang sumisigaw sa kagalakan,
    umaawit at nagpupuri.

Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag.
    Kahabagan nʼyo ako at sagutin ang aking dalangin.
Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso na lumapit sa inyo,
    kaya narito ako, lumalapit sa inyo.
Huwag nʼyo po akong pagtaguan!
    Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil dahil sa inyong galit.
    Kayo na laging tumutulong sa akin,
    huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan,
    O Dios na aking Tagapagligtas.
10 Iwanan man ako ng aking mga magulang,
    kayo naman, Panginoon, ang mag-aalaga sa akin.
11 Ituro nʼyo sa akin ang daang gusto nʼyong lakaran ko.
    Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan,
    dahil sa mga kaaway ko na gusto akong gawan ng masama.
12 Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway,
    dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan ng kasinungalingan,
    at nais nilang akoʼy saktan.
13 Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon,
    habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.

14 Magtiwala kayo sa Panginoon!
    Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa.
    Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!

Salmo 118:26-29

26 Pinagpapala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.
    Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.

27 Ang Panginoon ay Dios at napakabuti niya sa atin.
    Magdala tayo ng mga sanga ng punongkahoy para sa pagdiriwang ng pista, at pumarada paikot sa altar.

28 Panginoon, kayo ang aking Dios;
    nagpapasalamat ako at nagpupuri sa inyo.

29 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.

Mateo 23:37-39

37 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na sinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon at nagkakanlong ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 38 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. 39 Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[a]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®