Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 147:12-20

12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
    Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
    pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
    binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
    mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
    siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
    sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
    kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
    ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
    at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!

2 Cronica 1:7-13

Nang gabing iyon, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya, “Hingin mo ang dapat kong ibigay sa iyo.”

Sinabi ni Solomon sa Diyos, “Ikaw ay nagpakita ng malaki at tapat na pag-ibig kay David na aking ama, at ginawa mo akong hari na kapalit niya.

O(A) Panginoong Diyos, matupad nawa ngayon ang iyong pangako kay David na aking ama, sapagkat ginawa mo akong hari sa isang bayan na kasindami ng alabok sa lupa.

10 Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman upang ako'y makalabas-masok sa harapan ng bayang ito; sapagkat sinong makakapamahala dito sa iyong bayang napakalaki?”

11 Sinabi ng Diyos kay Solomon, “Sapagkat ito ay nasa iyong puso, at hindi ka humingi ng ari-arian, kayamanan, karangalan o ng buhay man ng mga napopoot sa iyo, at hindi ka man lamang humingi ng mahabang buhay, kundi humingi ka ng karunungan at kaalaman para sa iyong sarili, upang iyong mapamahalaan ang aking bayan na dito ay ginawa kitang hari,

12 ang karunungan at kaalaman ay ipinagkakaloob sa iyo. Bibigyan din kita ng kayamanan, ari-arian, at karangalan, na walang haring nauna o kasunod mo ang magkakaroon nang gayon.”

Ang Kapangyarihan at Kayamanan ni Haring Solomon(B)

13 Sa gayo'y umalis si Solomon mula sa mataas na dako na nasa Gibeon, mula sa harapan ng toldang tipanan patungo sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel.

Marcos 13:32-37

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(A)

32 “Ngunit(B) tungkol sa araw o oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama.

33 Kayo'y mag-ingat, kayo'y magbantay, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang panahon.

34 Tulad(C) ng isang tao na umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya sa kanyang bahay, at pagkabigay ng tagubilin sa kanyang mga alipin, sa bawat isa ang kanyang gawain, ay inutusan ang tanod sa pinto na magbantay.

35 Kaya't maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa umaga.

36 Baka sa bigla niyang pagdating ay matagpuan niya kayong natutulog.

37 At ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001