Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
IKAAPAT NA AKLAT
Panalangin ni Moises, ang tao ng Diyos.
90 Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako
sa lahat ng salinlahi.
2 Bago nilikha ang mga bundok,
o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan,
ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.
3 Iyong ibinabalik ang tao sa alabok,
at iyong sinasabi, “Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!”
4 Sapagkat(A) ang isang libong taon sa iyong paningin,
ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas,
o gaya ng isang gabing pagbabantay.
5 Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog,
kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
6 sa umaga ito'y nananariwa at lumalago,
sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.
7 Sapagkat ang iyong galit ang sa amin ay tumupok,
at sa pamamagitan ng iyong galit kami ay nabagabag.
8 Inilagay mo ang aming kasamaan sa iyong harapan,
sa liwanag ng iyong mukha ang lihim naming kasalanan.
9 Sapagkat sa ilalim ng iyong poot, lahat ng aming araw ay lumilipas,
na gaya ng buntong-hininga, ang aming mga taon ay nagwawakas.
10 Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon,
o kung malakas kami ay walumpung taon,
ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang,
ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala.
11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng galit mo,
at ng iyong galit ayon sa pagkatakot na marapat sa iyo?
12 Kaya't turuan mo kami na bilangin ang aming mga araw,
upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan.
13 Manumbalik ka, O Panginoon! Hanggang kailan pa?
Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka!
14 Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal,
upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw.
15 Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin,
at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin.
16 Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod,
at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos,
at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay;
oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay.
Panalangin ng Pagpapasalamat ni David(A)
18 Nang magkagayo'y pumasok si Haring David at umupo sa harap ng Panginoon, at kanyang sinabi, “Sino ako, O Panginoong Diyos, at ano ang aking sambahayan na ako'y iyong dinala sa ganito kalayo?
19 Ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, O Panginoong Diyos; at ikaw ay nagsalita rin tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa matagal na panahong darating; at ipinakita mo sa akin ang hinaharap na salinlahi, O Panginoong Diyos!
20 At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod, O Panginoong Diyos.
21 Dahil sa iyong pangako at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito upang malaman ng iyong lingkod.
22 Kaya't ikaw ay dakila, O Panginoong Diyos; sapagkat walang gaya mo, o may ibang Diyos pa bukod sa iyo, ayon sa lahat nang naririnig ng aming mga tainga.
23 Anong(B) bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel? Mayroon bang ibang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang bayan, at gumawa para sa kanya ng isang pangalan, na gumagawa para sa kanila ng mga dakila at mga kakilakilabot na mga bagay, sa pamamagitan ng pagpapalayas sa harap ng iyong bayan ng mga bansa at ng kanilang mga diyos?
24 At itinatag mo sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging iyong bayan magpakailanman; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Diyos.
25 At ngayon, O Panginoong Diyos, pagtibayin mo magpakailanman ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita,
26 at ang iyong pangalan ay dadakilain magpakailanman, na sinasabi, ‘Ang Panginoon ng mga hukbo ay Diyos sa Israel’ at ang sambahayan ng iyong lingkod na si David ay matatatag sa harap mo.
27 Sapagkat ikaw, O Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel ang gumawa ng ganitong pahayag sa iyong lingkod, na sinasabi, ‘Ipagtatayo kita ng isang bahay’; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin ng ganito sa iyo.
28 At ngayon, O Panginoong Diyos, ikaw ay Diyos at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod;
29 kaya't ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang ito'y magpatuloy magpakailanman sa harap mo. Sapagkat ikaw, O Panginoong Diyos ay nagsalita, at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sambahayan ng iyong lingkod magpakailanman.”
12 “Ako'y(A) malapit nang dumating[a] at dala ko ang aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa.
13 Ako(B) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.”
14 Mapapalad(C) ang naghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan.
15 Nasa labas ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.
16 “Akong(D) si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001