Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Lucas 1:68-79

68 “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
69 at nagtaas ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin
    sa sambahayan ni David na kanyang lingkod,
70 gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noong unang panahon,
71 upang tayo ay maligtas mula sa ating mga kaaway, at mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin,
72 upang ipakita ang habag sa ating mga magulang,[a]
    at alalahanin ang kanyang banal na tipan,
73 ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ipagkaloob sa atin, na tayong iniligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
75 sa kabanalan at katuwiran
    sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
76 At(A) ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
    sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
77 upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kanyang bayan,
    sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
78 sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
kapag ang pagbubukang-liwayway buhat sa itaas ay sumilay[b] sa atin,
79 upang(B) bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”

Malakias 3:5-12

“Aking lalapitan kayo sa kahatulan; ako'y magiging mabilis sa pagsaksi laban sa mga mangkukulam, laban sa mga nakikiapid, laban sa mga nanunumpa ng kasinungalingan, at laban sa mga umaapi sa upahang manggagawa sa kanyang sahod, sa babaing balo at sa ulila, at laban sa nagtataboy sa dayuhan, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ang Hindi Pagbibigay ng Ikasampung Bahagi

“Sapagkat akong Panginoon ay hindi nagbabago, kaya't kayo, O mga anak ni Jacob ay hindi napapahamak.

Mula sa mga araw ng inyong mga ninuno, kayo'y lumihis sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinupad ang mga iyon. Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano kami manunumbalik?’

Nanakawan ba ng tao ang Diyos? Gayunma'y ninanakawan ninyo ako. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano ka namin ninanakawan?’ Sa mga ikasampung bahagi at sa mga handog.

Kayo'y isinumpa ng isang sumpa, sapagkat ninanakawan ninyo ako—ng inyong buong bansa!

10 Dalhin(A) ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at sa gayo'y subukin ninyo ako ngayon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.

11 Aking sasawayin ang mananakmal alang-alang sa inyo, kaya't hindi nito sisirain ang mga bunga ng inyong lupa; at ang inyong puno ng ubas sa parang ay hindi mawawalan ng bunga, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

12 Tatawagin kayong mapapalad ng lahat ng mga bansa, sapagkat kayo'y magiging lupain ng katuwaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Filipos 1:12-18

Ang Mabuhay ay si Cristo

12 Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nakatulong sa paglago ng ebanghelyo,

13 anupa't(A) ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba pa,

14 at ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na nagkaroon ng tiwala dahil sa aking mga tanikala ay lalong nagkaroon ng katapangang ipahayag ng walang takot ang salita ng Diyos.

15 Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo dahil sa pagkainggit at sa pakikipagpaligsahan, ngunit ang iba naman ay dahil sa mabuting kalooban.

16 Ang huli ay gumagawa dahil sa pag-ibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y itinalaga sa pagtatanggol sa ebanghelyo;

17 ngunit ipinangangaral ng una si Cristo dahil sa pagkakampi-kampi, hindi sa katapatan, na ang hangarin ay dagdagan ng hirap ang aking mga tanikala.

18 Ano nga? Kahit sa anumang paraan, maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, ay ipinahahayag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako. Oo, at ako'y patuloy na magagalak,

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001