Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 75

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Puksain. Salmo ni Asaf. Isang Awit.

75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos;
    kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan.
Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan.

At sa aking piniling takdang panahon,
    may katarungan akong hahatol.
Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito,
    ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah)
Aking sinabi sa hambog, “Huwag kang magyabang,”
    at sa masama, “Huwag mong itaas ang iyong sungay;
huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas,
    huwag kang magsalita nang may matigas na ulo.”

Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran,
    ni mula man sa ilang ang pagkataas;
kundi ang Diyos ang hukom,
    ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman.
Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang kopa,
    may alak na bumubula, hinalong totoo;
at kanyang ibubuhos ang laman nito,
    tunay na ang masasama sa lupa
    ay ibubuhos at iinumin ang latak nito.
Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman,
    ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin,
    ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas.

Job 40

40 At sumagot ang Panginoon kay Job at sinabi:

“Ang mapaghanap ng kamalian ay makikipagtalo ba sa Makapangyarihan sa lahat?
    Siyang nakikipagtalo sa Diyos, ay sagutin niya ito.”

Nang magkagayo'y sumagot si Job sa Panginoon, at nagsabi,

“Narito, ako'y walang kabuluhan; anong isasagot ko sa iyo?
    Aking inilalagay ang aking kamay sa bibig ko,
minsan ay nagsalita ako, at hindi ako tutugon;
    makalawa, at hindi na ako magpapatuloy.”

Nang magkagayo'y sumagot ang Panginoon kay Job mula sa ipu-ipo:

“Tulad sa isang lalaki'y magbigkis ka ng iyong baywang;
    tatanungin kita, at sa akin ay iyong ipaalam.
Pati ba ako'y ilalagay mo sa kamalian?
    Upang ikaw ay ariing ganap, ako ba'y iyong hahatulan?
Mayroon ka bang kamay na tulad sa Diyos?
    Makakapagpakulog ka ba ng tinig na gaya niya?

10 “Maggayak ka ngayon ng karilagan at karangalan,
    magbihis ka ng kaluwalhatian at karingalan.
11 Ang pag-uumapaw ng iyong galit ay ibuhos mong lahat,
    tunghayan mo ang bawat palalo, at siya'y gawin mong hamak.
12 Masdan mo ang bawat mayabang, at pababain mo siya;
    at yapakan mo ang masama sa kinatatayuan nila.
13 Silang lahat sa alabok ay sama-samang itago mo;
    talian mo ang kanilang mukha sa lihim na dako.
14 Kung magkagayo'y kikilalanin ko sa iyo,
    na mabibigyan ka ng tagumpay ng kanang kamay mo.

15 “Masdan mo, ang Behemot[a]
    na aking ginawa kung paanong ika'y aking ginawa;
    siya'y kumakain ng damo na gaya ng baka.
16 Masdan mo, ang lakas niya'y nasa kanyang mga balakang,
    at ang kapangyarihan niya'y nasa kalamnan ng kanyang tiyan.
17 Pinapatigas niya ang kanyang buntot na sedro ang katulad,
    ang mga litid ng kanyang mga hita ay magkakalapat.
18 Mga tubong tanso ang mga buto niya,
    parang mga baretang bakal ang kanyang mga paa.

19 “Sa mga gawa ng Diyos ang pangunahin ay siya;
    tanging ang lumalang sa kanya, ang makapaglalapit ng kanyang espada!
20 Sapagkat ang nagbibigay sa kanya ng pagkain ay ang mga bundok
    na doo'y naglalaro ang lahat ng maiilap na hayop.
21 Sa lilim ng punong lotus siya'y nahihimlay,
    sa puwang ng mga tambo, at sa mga latian.
22 Ang mga puno ng lotus, siya'y lumililim;
    ang mga sangang batis sa kanya'y nakapaligid.
23 Narito, hindi siya natatakot kung ang ilog man ay nagngangalit;
    siya'y tiwasay bagaman rumagasa ang Jordan sa kanyang bibig.
24 Mayroon bang makakakuha sa kanya sa pamamagitan ng kanyang mga mata,
    o matutuhog ang kanyang ilong ng isang silo?

Mga Hebreo 6:1-12

Ang Panganib ng Pagtalikod

Kaya't iwan na natin ang mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y magpatuloy sa kasakdalan, na huwag nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos,

ng aral tungkol sa mga bautismo,[a] pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay, at ng walang hanggang paghuhukom.

At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Diyos.

Sapagkat hindi mangyayari na ang mga dating naliwanagan na, at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga naging kabahagi ng Espiritu Santo,

at nakalasap ng kabutihan ng salita ng Diyos, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating,

at pagkatapos ay tumalikod ay muling panumbalikin sa pagsisisi, yamang sa kanilang sarili ay muli nilang ipinapako sa krus ang Anak ng Diyos, at itinataas sa kahihiyan.

Sapagkat ang lupang umiinom ng ulang madalas na pumapatak sa kanya, at tinutubuan ng mga halamang angkop doon na dahil sa kanila ito ay binungkal, ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos.

Subalit(A) kung ito'y tinutubuan ng mga tinik at dawag, ito ay walang kabuluhan at malapit nang sumpain, at ang kanyang kahihinatnan ay ang pagkasunog.

Ngunit, mga minamahal, kami ay lubos na naniniwala sa mga mabubuting bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito.

10 Sapagkat ang Diyos ay hindi masama; hindi niya kaliligtaan ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita sa kanyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, gaya ng ginagawa ninyo ngayon.

11 At nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding sigasig upang inyong malaman ang ganap na katiyakan ng pag-asa hanggang sa katapusan;

12 upang kayo'y huwag maging mga tamad, kundi mga taga-tulad kayo sa kanila na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001