Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: kay Jedutun. Awit ni David.
39 Aking sinabi, “Ako'y mag-iingat sa aking mga lakad,
upang huwag akong magkasala sa aking dila;
iingatan ko ang aking bibig na parang binusalan,
hangga't ang masasama ay nasa aking harapan.”
2 Ako'y tumahimik at napipi,
ako'y tumahimik pati sa mabuti;
lalong lumubha ang aking pighati,
3 ang puso ko'y uminit sa aking kalooban.
Samantalang ako'y nagbubulay-bulay, ang apoy ay nagningas,
pagkatapos sa aking dila ako ay bumigkas:
4 “ Panginoon, ipaalam mo sa akin ang aking katapusan,
at kung ano ang sukat ng aking mga araw;
ipaalam sa akin kung gaano kadaling lumipas ang aking buhay!
5 Narito, ang aking mga araw ay ginawa mong iilang mga dangkal,
at sa paningin mo'y tulad sa wala ang aking buhay.
Tunay na bawat tao'y nakatayong gaya ng isang hininga lamang. (Selah)
6 Tunay na ang tao ay lumalakad na gaya ng anino!
Tunay na sila'y nagkakagulo nang walang kabuluhan;
ang tao ay nagbubunton, at hindi nalalaman kung sinong magtitipon!
7 “At ngayon, Panginoon, sa ano pa ako maghihintay?
Ang aking pag-asa ay nasa iyo.
8 Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsuway.
Huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.
9 Ako'y pipi, hindi ko ibinubuka ang bibig ko,
sapagkat ikaw ang gumawa nito.
10 Paghampas sa akin ay iyo nang tigilan,
ako'y bugbog na sa mga suntok ng iyong kamay.
11 Kapag pinarurusahan mo ang tao nang may pagsaway sa pagkakasala,
iyong tinutupok na gaya ng bukbok ang mahalaga sa kanya;
tunay na ang bawat tao ay isa lamang hininga! (Selah)
12 “Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
at iyong dinggin ang aking daing;
huwag kang manahimik sa aking mga luha!
Sapagkat ako'y dayuhan na kasama mo,
isang manlalakbay gaya ng lahat na aking mga ninuno.
13 Ilayo mo ang iyong tingin sa akin, upang muli akong makangiti,
bago ako umalis at mapawi!”
12 “Ngunit saan matatagpuan ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
13 Hindi nalalaman ng tao ang daan patungo roon,[a]
at hindi nasusumpungan sa lupain ng mga buháy.
14 Sinasabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin,’
at sinasabi ng dagat, ‘Hindi ko kapiling.’
15 Hindi ito mabibili ng ginto,
ni matitimbangan man ng pilak bilang halaga nito.
16 Hindi mahahalagahan ng ginto ng Ofir,
ng mahalagang onix, o ng zafiro.
17 Ginto at salamin dito ay hindi maipapantay,
ni maipagpapalit man sa mga hiyas na gintong dalisay.
18 Hindi babanggitin ang tungkol sa coral o sa cristal;
higit kaysa mga perlas ang halaga ng karunungan.
19 Ang topacio ng Etiopia doon ay hindi maipapantay,
ni mahahalagahan man sa gintong lantay.
20 “Saan nanggagaling kung gayon, ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
21 Nakakubli ito sa mga mata ng lahat ng nabubuhay,
at natatago sa mga ibon sa kalangitan.
22 Ang Abadon at Kamatayan ay nagsasabi,
‘Narinig ng aming mga tainga ang bulung-bulungan tungkol doon!’
23 “Nauunawaan ng Diyos ang daan patungo roon,
at nalalaman niya ang kinaroroonan niyon.
24 Sapagkat tumitingin siya hanggang sa mga dulo ng daigdig,
at nakikita niya ang lahat ng bagay sa silong ng langit.
25 Nang ibinigay niya sa hangin ang kanyang bigat,
at ipinamahagi ang tubig ayon sa sukat,
26 nang siya'y gumawa ng utos para sa ulan,
at para sa kidlat ng kulog ay ang kanyang daan;
27 nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag;
ito'y kanyang itinatag, at siniyasat.
28 At(A) sa tao ay sinabi niya,
‘Narito, ang takot sa Panginoon ay siyang karunungan;
at ang paghiwalay sa kasamaan ay kaunawaan.’”
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:
2 “O, ako sana'y tulad nang nakaraang mga buwan,
gaya noong mga araw na ang Diyos ang sa akin ay nagbabantay,
3 nang sa ibabaw ng aking ulo ay sumisikat ang kanyang ilawan,
at sa pamamagitan ng kanyang ilaw ay lumalakad ako sa kadiliman;
4 gaya noong ako'y namumukadkad pa,
noong ang pakikipagkaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda;
5 nang kasama ko pa ang Makapangyarihan sa lahat,
nang nasa palibot ko ang aking mga anak;
6 noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas,
at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng langis na tumatagas!
7 Noong ako'y lumabas sa pintuan ng bayan,
noong ihanda ko ang aking upuan sa liwasan,
8 nakita ako ng mga kabataang lalaki, at sila'y umalis,
at ang matatanda ay tumayo;
9 ang mga pinuno ay nagtimpi sa pagsasalita,
at inilagay ang kanilang kamay sa bibig nila.
10 Ang tinig ng mga maharlika ay pinatahimik,
nang sa ngalangala ng kanilang bibig, ang dila nila ay dumikit.
Ang Ikapitong Tatak
8 Nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak ay nagkaroon ng katahimikan sa langit nang may kalahating oras.
2 At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at sila'y binigyan ng pitong trumpeta.
3 Dumating(A) ang isa pang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong lalagyan ng insenso; at binigyan siya ng maraming insenso, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng trono.
4 At umakyat ang usok ng insenso, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, mula sa kamay ng anghel patungo sa harapan ng Diyos.
5 At(B) kinuha ng anghel ang lalagyan ng insenso at pinuno niya ng apoy ng dambana, itinapon niya sa lupa at nagkaroon ng mga kulog, mga tunog, mga kidlat, at ng lindol.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001